May 12
CAPTAIN BARBELL: MULING LILIPAD by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, May 12, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran

Noong araw, sinasabing ang komiks ang pinakamurang porma o paraan ng libangan. Natatandaan ko, sa halagang 25 sentimos lamang ay maari ka nang magbasa at maglibang. Napakakapal pa ng mga komiks na nuon ay natutunghayan. Subali’t sa paglipas ng panahon, ang komiks ay unti-unting nagmahal ng halaga. Ang dating 25 sentimos ay naging P1.50 at nang lumaon ay naging P15.00 na.

Kaya naman ang tao, sa halip na bumili ng komiks ay umarkila na lamang nito at kung minsan ay ibinibili na lamang ng bigas ang perang dapat sana’y maiukol na pambili ng komiks o ano mang uri ng babasahin. Ito humigit-kumulang ang isa sa mga dahilan kung kaya humina nang humina na ang industriya ng komiks. Marami pa rin itong naging kalaban sa pagdating ng panahon ng modernisasyon. Nariyan ang computer, cellular phone at iba pa.

Subali’t ang ipagtataka natin, sa kabila ng paghina ng mga komiks at sa wari ay unti-unting pagkawala nito sa pamilihang bayan, may mga istoryang nagmula rito ang patuloy na tinatangkilik ng tao. Kabilang rito ang mga malikhaing panulat nina Pablo S. Gomez, Elena M. Patron at Mars Ravelo.

Isa sa patuloy na umaani ng tagumpa, paghanga at pagkilala ang nobelang Captain Barbell na isinulat nuon ni Mars Ravelo. Kung tutuusin, kung ilang beses na itong naisa- pelikula at ginampanan na rin ito ng napakaraming bituin sa pinilakang tabing. Pero patuloy pa rin itong pinanunuod at sinusubaybayan ng mga movie-goers.

Isa na sa mga natatandaang gumanap nito ay sina Dolphy at Bob Soler. Si Dolphy ang pangkaraniwang tao at kapag nabuhat na ang barbell ay nagiging si Bob Soler na ito. Ang isa pa sa gumanap nito ay si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na talaga naman naging big hit o top grosser ang pagpapalabas nito sa Metro Manila Film Festival.

Kamakailan, muling napabalita na binili ito ng GMA Channel 7 upang maging seryeng pang-telebisyon. Ayon sa aming malapit na kaibigan, ang permiso para maisa-telebisyon ito ay nagkakahalaga ng P1.5M. Napakalaking halaga kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang istorya na isinusulat ng mga hindi pa nakikilalang writer or manunulat.

Sabi nga ng mga kaibigan namin sa industriya, talagang napakalaking pera ang ipinamana ni Mars Ravelo sa kanyang mga anak na hanggang ngayon ay pinakikinabangan pa nila. Para silang nakatagpo ng gusi ng ginto na patuloy at patuloy na pinagkakakitaan ng pera. Katulad rin ito ng kasaysayan ng Darna na patuloy na pinagkakakitaan ng pera. Marami na ring artista ang gumanap bilang Darna at maraming beses na itong pinilahan sa takilya. Pero patuloy pa rin itong binibili para isa-telebisyon at isa-pelikula.

Kunsabagay, maganda naman ang Captain Barbell dahil, kagaya ng mga sumikat na mga American superhero maihahanay rin ang Captain Barbell sa mga ito. Ang isang pangkaraniwang tao pero may mabuting kalooban, kapag nabuhat ang mahiwagang barbell ay nagiging malakas at superhero rin. Kagaya ni Superman, Batman, Spiderman at Popeye the Sailor Man.

Natatandaan ko noong nasa elementarya pa lamang ako nang mabasa ko ang istorya ng Captain Barbell. Subalit mula noon, ang kasaysayan nito ay di makatkat sa isip ko. Na ang isang mabuting tao at aping-api kapag pinili na pagkalooban ng kapangyarihan ay maaring maging isang malakas na tagapangtangol ng ating kababayan.

Sabi nga ng kritiko ng panitikan, ang mga istorya sa komiks ay simple lamang, subalit ito’y sinusubaybayan ng napakaraming mambabasa dahil sa mga kasaysayan dito ay nagbibigay pagasa at inspirasyon. Nagbibigay lakas sa mga nanghihina nating kababayan at umaasang ang nadapa at nakalugmok ay muling makakabangon upang labanan ang taong patuloy na nang-aapi

Ang mga istorya sa komiks ay gaya rin ng Florante at Laura na bagamat sa ibang bansa ang setting ng pinangyarihan ng istorya ay naipahayag din at naipadama ni Balagtas na ang isang nalugmok at naapi ay muling makakabangon. Na ang pagmamalabis ng mga maykapangyarihan ay may hangganan gaya nang nagyayari ngayon sa ating bayan.

Maganda ang timing ng pagsasa-telebisyon ng Captain Barbell. Masasabayan ng Channel 7 ang pamamayagpag ng Channel 2 sa muling pagbuhay sa mga nobelang nailathala sa komiks na hindi malilimutan ng mga tagasubaybay.

Mahusay rin ang pagkakapili ng Channel 7 kay Richard Guttierez dahil bukod sa mabilis na pagsikat ng actor na ito, makisig at matipuno at nababagay lamang na gumanap ng Captain Barbell. Bukod rito, nasanay rin sa karate at iba’t-ibang self defense. Idagdag pa dito na talagang nag-body-building siya.

Ngayon pa lamang marami nang nag-aabang at susubaybay sa Captain Barbell.