Mar 24
NABABAWASAN NGA BA ANG PIRATED MOVIES? by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Mar 24, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran

Kamakailan, tigas na pagmamalaki ni Edu Manzano na dahil sa ginawa nilang entrapment operation sa mga taong may kinalaman sa paggawa ng mga pirated movies upang hindi makapag-palabas ng mga piniratang kopya ng mga pelikulang itinanghal at inilahok sa Metro Manila Film Festival. At sinabi rin niya, hindi siya nanghingi ng pera sa mga producer ng mga naturang pelikula.

“Sarili kong pera ang inilabas ko para maibayad sa mga taong nag-aalok ng original copy ng mga pirated movies,” ang pagmamalaki pa niya. “At tingnan naman ninyo ang naging resulta nuon… hindi nailabas ang mga piniratang kopya ng mga pelikulang kasali sa festival,” ang sabi pa niya.

Sinabi rin ni Edu na dahil sa ginawa ni Leo Martinez na pagbubunyag sa kanilang operation, nanganib daw ang buhay ng mga ahente niya sa Optical Media Board. “Mapapanagutan ba ni Leo ang buhay ng mga tauhan ko na gumaganap ng kanilang mga tungkulin?” ito pa ang nasasaad sa mga pagbubunyag.

Ang tutuo, napakarami pang mahahayap na salita si Edu na pinatutungkol niya kay Leo Martinez. Mga parunggit na may paghamon at pag-uyam. Pero sa kabila nito ay napapatawa lamang si Leo sa mga sinabi at binitiwang pahayag ni Edu.

“Malalaman naman nga mga tao kung sino ang talagang nagsasabi as amin ng tutuo,” ang sabi pa ni Leo. “At wala naman akong binabanggit na pangalan ng mga tauhan ni Edu. Ang sabi ko lang ay may mga producer na nagsasabi sa akin na humingi raw ng pera ang mga tauhan ni Edu sa ilang producer para mabili ang mother tapes o VCD ng mga pelikula nila na pinirata.

“Isa na sa mga nagsalita na may nanghingi sa kanya ng pera si Mother Lily Monteverde. Iyon lang ang sinabi ko sa aming miting sa Malakanyang. Pagkatapos ay galit na galit na sa akin si Edu at parang nakikipag-isa siya kay Vic del Rosario na nagsabing wala naman daw talagang miyembro ang Film Academy of the Philippines, kaya dapat bawasan ang pondong ibinibigay sa samahang ito mula sa proceeds ng Metro Manila Film Festival.

“Mabuti na lamang at hindi nila gaanong napapaniwala si President Gloria Macapagal Arroyo. Sinabi ko pa rin sa Pangulo na talaga pong wala nang budget ang Film Academy. Hanggang Marso na lamang at pagkatapos nuon ay tiyak na hindi na namin alam kung paano pa kami makapag-o-operate.

“Matapos malaman yon ng Pangulo, sinabi niya na pahihiramin daw niya ang FAP na pera na magmumula sa social fund ng Malakanyang. At pagkaraan nuon ay gagawa siya ng paraan para makakuha ng budget para sa FAP na padadaanin naman sa Department of Education.

“At dahil sa paninira sa amin ni Vic, nagkaroon pa ng paghamon ang Pangulo na kung magkakaroon daw ba ng summit meeting ang mga taga-industriya ng pelikula, magagawa ko raw kayang makapangumbida ng mga 2,000 katao o miyembro ng Film Academy. Ang sabi ko naman ay “Opo. Sabihin lang po niyo kung kailan, Madam.

“Hindi ko alam kuin ano ang dahilan ng pagkagalit sa akin ni Edu. Marahil, ang buong akala niya ay isa ako sa mga nag-iindorso kay Rey Malonso para maging kapalit niya sa pagiging Chairman ng Optical Media Board. Nai-insecure si Edu sa pinamamahalaan niyang tanggapan ngayon,” ang sabi pa niya.

Pero tutuo nga bang sa ilalim ng panunungkulan niya ay nabawasan o natigil ang pagbaha ng mga pirated movies sa bangketa o sa mga inilalako sa mga bayan-bayan at mga probinsya?

Ang pagmamalaki pa ni Edu: “Nawala na sa listahan ng mga foreign countries na gumagawa ng mga pirated films ang Pilipinas. Unti-unti nang nawawala ang mga pirated movies dahil sa ginagawa naming kampanya. Na sa madalimg-sabi, paunti na nang paunti ang mga pirated movies dito sa Pilipinas.”

Dahil na rin sa mga pagmamalaki ni Edu, minarapat naming mag-survey sa mga bangketa. Lalung-lalo na sa Quiapo para malaman kung tutuo ngang wala nang pirated movies, lalung-lalo na ang mga pelikulang local. At iisa lang ang napatunayan namin. Napakarami pa ring mga piniratang pelikula na ibinebenta sa mga bangketa.

Katulad na lamang ng mga pelikulang itinanghal sa Film Festival, nakakuha kami ng isang VCD na kung saa’y pinagsama-sama ang mga pelikulang Exodus, Enteng Kabisote at Mulawin the Movie. Pawang magaganda ang kopya at hindi putul-putol ang pelikula. Wala ring makikita na taong naglalakad sa harap ng screen. Parang original ang kopya, pati ang kulay at ang sound nito.

Katunayan pa rin, para masubok ito ay pinanood pa namin at kami na rin ang nakapagpatunay sa maayos na kopya ng VCD. Dahil doon ay napatunayan naming hindi tutuong nabawasan o nakontrol ang paggawa ng mga pirated movies. Maaaring medyo na-delay lamang ito. hindi nga nailabas habang kasagsagan ng festival pero ilang araw lang pagka-tapos ng festival ay bumaha na ito sa bangketa.

Alam din natin na dahil sa pagbaha ng mga pirated movies, humina ang mga sinehan. Dahil bukod sa talagang napakamahal ng bayad sa mga sinehan, malaki rin ang halaga ng tax na ipinapatong dito. Samantalang kung bibili ka ng mga pirated movies, sa 3 VCD ay magbabayad ka lamang ng P100. Mapapanuod mo ito at ng buong pamilya mo sa VCD set ninyo sa bahay at sa oras na kumbinyente sa inyo.

Hindi naming ipino-promote na bumili ng mga pirated movies. Gusto nga naming matigil na ito para muling mabuhay at sumigla ang paggawa ng pelikulang Pilipino. Dahil kung magpapatuloy pa ang maling gawaing ito, malamang na wala nang magtangkang producer na mamuhunan sa paggawa ng pelikula sa ating bansa. Paano na ang mga writer, director, mga artista at mga taong gumagawa ng mahahalagang bagay sa movie industry? Mawawalan sila ng tabaho at magugutom ang mga ito.

Kaya ngayon pa lamang ay dapat nang kumilos si Edu Manzano. Kung dati’y umaaksiyon siya, dapat siguro ay dagdagan pa niya ang aksiyong ginagawa niya para mahinto ito at mahuli ang mga kapitalista ng mga pirated movies. Hindi iyong mga tagapag-tinda lamang ang mahuhuli at magmumulta.

Sabi nga nila, para mapatay ang isang malaking ahas, hindi sapat na putulin lamang ang buntot nito. Kailangang tagpasin at putulin ang ulo. At pag nangyari ito, tiyak na matitigil na ang pagbaha ng mga pirated movies dito sa ating bansa. At tiyak, pag wala nang pirated movies, kikita na ang mga mamumuhunan sa paggawa ng pelikula.