Mar 17
MANA SA AMA, MANA SA INA by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Mar 17, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran

Marami ang nakapuna sa napakabilis na pagsikat at pag-imbulog ng pangalan ni Richard Gutierrez sa larangan ng show business. Parang wala raw itong naging kahirap-hirap upang makilala at pagtiwalaan agad ng malalaking role sa pelikula at sa mga inilalabas na tele-serye ng GMA Channel 7. Bida agad at nakikipagtagisan na ng kanyang talino sa mga sikat at batikang artista sa pelikula.

Sabi nga ng mga kritiko na naka-usap namin, palibhasa’y mahuhusay na artista ang ama’t ina ni Richard kung kaya hindi ito nahirapang umarte sa harap ng kamera. Sa konting turo lang ng ama’t ina ay nakukuha agad ni Richard ang mahihirap na eksena na pinagagampanan sa kanya.

Tulad na lamang sa teleserye na Mulawin na mahabang panahon din na inilabas sa telebisyon at ito’y pinanuod ng napakaraming televiewers. Si Richard ay gumanap sa papel na Agiluz na siyang prinsipe ng angkan ng Mulawin. Siya rin ang naging love interest ni Angel Locsin.Ginampanan niya ang role ng isang mandirigma at isa ring mangingibig ni Alwina na ginampanan naman ni Angel. Duo’y ipinamalas niya ang kakayahan sa aksiyon at iba’t ibang ekspresyon, lalo’t siya’y nasasaktan sa hindi pagka-kilala sa kanya ni Alwina.

Sa pelikula namang Let the Love Begin, ang naging role niya ay isang mahirap, pero matalinong mag-aaral na umibig at nagmahal kay Angel Locsin. Pero sa kabila ng ginagawa niyang mga kabutihan sa minamahal, hindi niya maipakilala ang kanyang sarili dahil sa takot na siya’y pagtawanan.

Bagay na bagay sa kanya ang role ng isang matalino, subali’t simpleng mag-aaral. Na kahit inaagaw na ng ibang tao ang kredito ay hindi pa rin niya maisigaw o maipahayag na siya ang gumagawa ng mga kabutihan. Pero sa tulong na rin ng mga kaibigan niya na ginampanan nina Jennylyn Mercado at Mark Herras ay nalaman din ni Angel na siya ang lihim na mangingibig nito.

Sa teleserye naman ng Sugo, ipinamalas ni Richard ang galing niya sa karate at pakikipag-suntukan. Pati ang mahihirap na eksena ay hindi niya pinagagamitan ng double. Mas gusto raw niyang maipakita ang kanyang kakayahan at realidad sa pagganap. Ayaw niyang dayain ang kanyang mga tagasubaybay na naniniwala sa kanyang kakayahan.

At sabi nga ng mga nakakakilala nang personal kay Richard, simple lang ang binatang ito. Hindi katulad ng ibang artista na bagu-bago pa lamang sumisikat ay lumalaki na agad ang ulo. Na sa konting pagkakamali lamang ng isang tao na tumitig at tumingin sa kanya ay agad na niya itong sisigawan o dili kaya’s susuntukin.

Minsan, nasangkot si Richard sa gulo, pero hindi siya ang nang-away. May mga taong gustong sumubok sa kanyang kakayahan, pero agad itong napigilan ng mga alalay ni Richard. Sa halip na lumaki ang gulo ay naialis agad ng mga awtoridad ang mga nangugulo.

Sabi nga ng Mommy ni Richard: “Mana ito sa Daddy niya na hindi mahilig sa gulo. Gusto’y simpleng pamumuhay lamang. Hindi rin ito palainom na gaya ng ibang kabataan. At ang mga kaibigan ni Richard ay piling-pili lamang. Iyong mga anak ng kaibigan din namin na hindi manghihikayat sa kanya sa gawang kasamaan.”

Kunsabagay, bata pa man si Richard ay marami na ang natutuwa sa kanya. Nakuha pa itong talent sa mga commercial dahil sa bukod sa malusog na katawan nito ay talaga namang guwapo ito. Bata pa man ay talagang kinamalasan na ito ng pambihirang katalinuhan.

“Kaya naman tuwang-tuwa kami sa anak naming dahil disiplinado si Richard. Masunurin din siya at marunong makinig sa aming mga pangaral. Gusto rin niyang tularan ang kanyang Are Ruffa na kinilala sa buog mundo dahil sa katalinuhan nito. Very proud kami nang manalo si Ruffa nuon sa Miss World bilang first runner-up. At iyon din ang pangarap ni Richard. Na makilala ang kanyang kakayahan, hindi lang dito sa ating bansa kundi maging sa ibang bansa din,” ang pagmamalaki pa ng kanyang ina.

“Kahit busy sa mga shooting si Richard ay hindi rin niya nakakaligtaan ang pag-aaral. Hindi lang sa mga academic subjects, kundi maging sa mga acting lessons niya. Lagi rin siyang may panahon sa pagdyi-gym para mamalaging maganda ang korte ng kanyang katawan. Nanunuod din siya lagi ng kickboxing. Okey naman iyon dahil bilang preparasyon sa mga ginagampanan niyang role.

“Kung noon ay nakilala ang kanyang Daddy sa mga pelikulang love story, si Richard ay gumaganap din sa mga pelikulang love story na kung saan ay click na click ang tambalan nila ni Angel. At bukod nga ruon ay hinahangaan din siya sa mga pelikulang aksyon. Hindi siya na-typecast sa iisang role,”ang pahayag pa ng Mommy niya.

Nang tanungin namin si Richard kung kanino niya namana ang mga talent niya, naka-ngiti niyang sinabi sa amin na nagmana raw siya kay Daddy ng kakisigan at nagmana rin siya kay Mommy niya ng mga abilidad sa buhay. At matibay naman ang paniniwala namin na naging magandang punla si Richard dahil mahusay na aktor si Eddie Gutierrez. Naging mahusay ring artista si Annabelle kung kaya’t ang produkto nila ay ‘cream of the crop’, wika nga.

Sa ngayon ay katatapos lang ni Richard ng pelikulang I Will Always Love You na pinagtambalan uli nila ni Angel Locsin. Marami pa ring magagandang plano sa kanya ang GMA Channel 7 at ang GMA Films. At kung hindi magbabago ang matibay na determinasyon ni Richard, mararating niya ang mga pangarap na inaasam niya sa buhay.

Sa katatapos pa lamang na press at story conference ng GMA Channel 7, ipinahayag nila na ang susunod na tele-serye na gagawin nila ay si Richard ang gaganap na Captain Barbell, na mula sa panulat ni Mars Ravelo. Kaya ngayon pa lamang ay puspusan na ang pagsasanay ni Richard para lalong maging matipuno ang kanyang katawan. Ito’y bilang paghahanda sa bagong paghamon ng kanyang gagampanang papel na Pinoy superhero.