Mar 10
DAKILANG EXTRA by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Mar 10, 2006

Ni Julie Ann G. Nuñez

Isa isang pelikula, siyempre nangunguna ang bida. At kung may bida ay andyan at hindi nawawala ang kontrabida. Binibigyan din ng malaking pagpapahalaga ang mga director. Ganun din ang tinatawag na supporting actor na laging kasama sa billing.

Syempre pa hindi kumpleto ang pelikula kung wala ang mga extra. Sila ang mga mukhang nadadaanan ng camera, at kung minsan ay may dialogue na kapiraso. Pero kadalasan ay halos hindi na makilala dahil likod lang nila o katawan ang tinamaan ng camera.

Kadalasan, ang extra ay may pangkaraniwang mukha, maging bata man o matanda. Hindi naman puwedeng maging extra kung maganda o guwapo, tiyak na masasapawan nito ang bida. Minsan ay may extra na mukhang mayaman o sexy pa nga ngunit hindi sila ang matatawag nating Dakilang Extra.

Ang mga Dakilang Extra ay ang mga taong hindi alintana ang layo ng location at nagtitiyaga sa pagpunta dito. Sila rin ang madalas na nagtitiis sa sumpong ng panahon. Umulan man o umaraw ay nagtitiyaga sa kakarampot na perang makukuha sa pag extra. Mga taong makulit sa pag follow up kung tuloy o hindi ang taping o shooting. Pagod, puyat at mahabang pasensya ang puhunan sa pagsabak sa mundo ng pelikula at telebisyon. Ngunit ang masaklap rito ay kung hindi na sila makuhanan ng eksena matapos ang napakatagal ng paghihintay. Kung makuhanan man ng eksena ay hindi nababayaran at kadalasan pang umaabot ng buwan bago makuha ang kanilang pinagpaguran.

Naalala ko pa ng minsang dumalaw si Lita sa FAP, nagkaroon kami ng pagkakataon para makapagkwentuhan. Syempre pa sa buhay ng isang extra. Doon ko nalaman na may mga extra na kahit na may maayos na trabaho ay mas gusto ang buhay sa mundo ng pelikula.

Si Lita ay 50 anyos, lisensyadong accountant at trying hard na maging kasapi ng KAPPT (Kapisanan ng Artista sa Pelikula at Telebisyon). Sabi niya masarap na mahirap ang maging extra. Masarap dahil marami kang makikitang artista. Na kung dati ay sa telebisyon o sinehan mo lang nakikita. Pero kapag extra ka ay may pagkakataong ka-eksena mo pa. Kapag wala pang take ay nakikihalubilo siya sa mga kasamahang extra at kung minsan ay nakikihalo pa ang mga artista sa kanilang mga usapan. Maihahalintulad nya sa isang excursion kapag may location shooting dahil libre ang sasakyan at hindi iniintindi ang pagkain. Halos hindi mabilang ang nalabasan ni niyang pelikula pati na sa telebisyon. Ang ipinagmamalaki niya ay ang pagtayo sa sinehan na nakasuot ng puti at may pulbos sa mukha upang mag-anyong White Lady sa promotion ng isang pelikulang nakakatakot.

Matagal na syang huminto sa pagiging accountant kapalit ng pagiging full time extra. Hindi mabilang ang pangalan ng artista na binanggit niya ngunit ang tanging natandaan ko lang ay si Ramil Rodriguez na naka-eksena niya bilang asawa.

Maliit lang ang bayad sa Dakilang Extra na tulad ni Lita. Huwag na raw isulat na 500 pesos kadalasan ang kinikita niya sa bawat eksenang salihan niya. Alam naman daw niyang dapat na mas malaki ngunit wala siyang reklamo dahil ang talent manager naman daw nila ang humahanap ng pelikula para sa kanila. Paano ka nga naman makaka-extra kung wala kang kilala sa mga production?

Hanggat maari ay pinipili ni Lita na madaanan siya ng camera nang nakatalikod upang ubra pa siyang mapasali sa ibang eksena. Sa gayon ay madadagdagan ang bayad sa kanya. Sa oras na makita ang mukha niya sa camera ay tiyak na iyun na ang huling eksena niya maliban na lang kung may karugtong pa ang nasabing eksena.

Pagdating sa telebisyon, mas gusto raw niya sa GMA7 dahil laging masarap ang pagkain at hindi sila tinitipid. Pati ang bayad ay inaabot lamang ng 2 linggo. Mababait din daw ang mga tauhan ng GMA7 na madalas ay nagiging kabiruan na ng mga extrang tulad niya. Medyo nalungkot siya nang maalalang hindi siya napasama sa malalaking produksyon ng GMA7 tulad ng Darna at Mulawin.

Hindi mabilang ang acting workshop na dinaanan ni Lita. Kailangan daw iyun para mabigyan siya ng certification na siya ay talagang uubra na sa pagiging extra. Noong una raw ay madalas siyang mapasali sa eksena bilang kaibigan ng supporting actress. Ngayon ay lola o katulong sa bahay ang laging papel niya.

Tunay na Dakilang Extra si Lita dahil sumali pa siya sa SGP (Screenwriters Guild of the Philippines) dahil baka makatulong raw sa pag-arte ang kaalaman sa paggawa ng script. Hindi man talagang manunulat, pinilit ni Lita na tapusin ang writing workshop kahit pasang-awa lang siya. Ipinagmalaki pa niya na si Jose Mari Avellana ang kanyang naging mentor sa writing workshop na sinalihan niya.

Ngunit nang naitanong ko kung nasaan ang kanyang pamilya ay agad na bumakas ang lungkot sa kanyang mukha. Wala siyang asawa at wala ring anak. Sa ngayon ay nakikitira lang siya sa kaibigan dahil nailit daw ng banko ang kanyang mga ari-arian. Dating malakas siyang kumita ngunit hindi niya naipaliwanag kung bakit siya nawalan ng trabaho. Nang minsang mayaya siya sa shooting, nagpasya si Lita na maging Dakilang Extra. Join lang siya sa shooting dahil ang saya doon ay parang bumubura sa kanyang mga problema sa buhay.

Siguro ay matatawag ngang dakila ang maging extra dahil wala silang ambisyon na sumikat at ang tanging hinihintay ay ang matapatan lamang ng camera. At ang tanging panawagan ay mapansin naman sana sila upang kahit papaano ay makaraos sa hirap ng buhay.