Mar 09
IMPORTANCE OF CASTING by Corie Henson  |  Posted in Articles  |  on Fri, Mar 9, 2012

In the Cinemalaya festival of this year of 2012 ay na-disqualified ang isang entry dahil sa technicality. Ang MNL 143 na entry ng aspiring director na si Emerson Reyes sa New Breed Category ay hindi na rin bibigyan ng P500,000 grant.

Ayon sa paliwanag ng Cinemalaya committee na pinangungunahan ni Laurice Guillen at Robbie Tan, they advised the people behind MNL 143 to reconsider their casting. But it appeared nga na hindi sila pinakinggan.

MNL 143 is an OFW story of a man in search of his true love. Mula sa abroad ay nagbalik siya sa Pilipinas para hanapin ang kanyang true love. At natagpuan naman niya iyun sa katauhan ng character portrayed by Joy Viado.

“The casting will not work,” ang dahilan ng Cinemalaya committee sa pairing nina Allan Paule at Joy Viado. Ang nasabing issue ng casting ay nagkaroon ng trending sa internet. Marami ang kumampi sa director at marami rin ang kumampi sa committee.

Noong panahon ng Sampaguita pictures at LVN Studio ay napakalaki ng pagpapahalaga sa casting. Mas madalas na nauuna ang casting kaysa sa kuwento. Lalo na noong black and white pa ang pelikula, sinisigurado ng mga producers ang kikitain nila.


From left: Bella Flores, Carmen Rosales, Rogelio Dela Rosa, Alma Moreno, John Regala. Photo courtesy of Reynaldo Rosales Navales.

Malaki ang kinita ng mga pelikula nina Carmen Rosales at Rogelio Dela Rosa dahil sa kanilang tambalan at hindi dahil sa mga kanta na ginamit nila. Noong kasikatan nila ay walang lakas ng loob ang producer na ipareha sila sa ibang artista.

Straight drama ang naging forte ng love triangle nina Lolita Rodriguez, Marlene Dauden at Eddie Rodriguez. Sila ang naging paborito ng mga misis dahil makatotohanan daw ang kanilang pagganap.

Sa pagpasok sa movies ng mga pangalang Susan Roces, Amalia Fuentes, Gloria Romero at marami pang iba, the trend was still on the value of casting. Kapag hindi sikat ang artista ay malamang na hindi kikita ang pelikula.

Sa pagkauso ng mga love teams ay sumikat sina Eddie Gutierrez, Jose Mari, Romeo Vasquez at iba pang leading men. Ang tambalang Gloria Romero at Juancho Gutierrez ay nauwi sa kanilang pagiging mag-asawa sa tunay na buhay.

Sa comedy naman, matapos namagyagpag ng tambalang Pugo at Tugo ay sinundan sila ng partnership nina Pugak at Tugak. Naroon din si Penggot at Pepot na later on ay nagsolo na si Pepot—siya yung may bigote at pormang mayaman na si Don Pepot.

Ang pinaka-matagumpay na comedy tandem sa local movies ay ang Dolphy and Panchito team. Sila ang nag-umpisa ng sing and laugh. Hindi makakalimutan ng mga tao ang translation portion na talagang nakakatuwa.


Dolphy during the Metro Manila Filmfest launch in February 2010

Speaking of sing and laugh, sa tough hits nag-umpisang mapansin ang trio ng Tito, Vic and Joey. Ito ang mga kantang pinalitan nila ang lyrics at ang tumbok ay ang gawing humorous ang kanta gaya ng Anak ni Freddie Aguilar na ginawa nilang Anak Ng Kuwan.

Sa sing and dance naman ay nakaukit na sa history ang pangalang Nora Aunor at Vilma Santos. Ang mga box office hits nila ay hindi mabilang. Si Edgar Mortiz and kapartner ni Vilma samantalang si Tirso Cruz III at Manny De Leon ang katambal ni Nora.

Hindi mabilang ang pelikula nina Vilma at Nora dahil sinasamantala ng mga producers ang init ng kanilang mga fans. Literally ay pinipilahan sa mga sinehan ang kanilang mga movies lalo na kung first day of showing.

Ang mga action movies ay kumikita primarily because of the cast. Nangunguna na nga si Fernando Poe, Jr. o FPJ na tinaguriang King of Philippine movies. Hindi rin matatawaran ang box office attraction nina Ramon Revilla, Rudy Fernandez, Lito Lapit at iba pa.

In the recent years na kakaunti na lang ang mainstream movies ay lalong naging mahalaga ang casting sa mga producers. Pero hindi naman talaga basta kasikatan ang kanilang measure kundi ang pulso pa rin ng moviegoers.

Ang isa sa mga certified crowd drawer ay si Judy Ann Santos. Ang Kasal, Kasali, Kasalo na pinangunahan ni Judy Ann kasama si Ryan Agoncillo ang tumalo sa perennial film festival top grosser na Enteng Kabisote series.

Speaking of Enteng, si Vic Sotto ay hindi lang sa pelikula at TV naghahari kundi pati na rin sa mga commercial advertisements. Ang commercial endorsement ay isang patunay ng kasikatan o bankability ng artista pagdating sa tangkilik ng publiko.

Hindi rin matatawaran ang blockbuster movies ni Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz. Mas effective daw ang kanilang tandem dahil hindi gaanong kumita ang pelikula nina John Lloyd at Angel Locsin na Unofficially Yours.

Nahirang na Box Office Queen si Toni Gonzaga last year, 2011. May karapatan din naman si Toni dahil halos lahat ng kanyang movies ay kumikita. Pati ang kanyang concert ay dinudumog din.

Sino ang magsasabi na si Vice Ganda at ang kanyang pelikulang Praybeyt Benjamin ang makakahawak ng record sa tinamong P300 milyon na gross? Kasunod nito ay ang No Other Woman which had Anne Curtis, Derek Ramsay and Cristine Reyes earning more than P250 million.

Sino naman kaya ang susunod na box office star ng local movies? Sana hindi lang isa. Hindi lang dalawa. Sana marami ang maging box office star para muling mabuhay ang pelikulang Pilipino.

Para sa mga komento, puwede kayong mag-email sa corzhens@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/