Mar 02
ANO BA ANG KASALANAN NI WILLIE REVILLAME by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Thu, Mar 2, 2006

By Pablo S. Libiran

Ito ang mainit na usapan ng mga tagasubaybay ng tanyag na tv-host ng programang Wowowee na si Willie Revillame na inaakusahan, kasama ang iba pang top official ng ABS-CBN tulad ni Eugenio Lopez, Jr., pangulo at executive officer ng naturang television network. Kasama rin si Charo Santos, vice-president for rntertainment, Rene Luspo, security chief ng ABS-CBN, Marilou Almaden, production manager, at Mel Feliciano, staff officer ng naturang istasyon.

Ang mga nabanggit na personalidad ay inaakusahan ng Volunteer Against Crime and Corruption Chairman Dante Jimenez at Martin Dino. Isinumite ng mga ito ang kanilang rekomendasyon kay NBI Acting Director Nestor Mantaring. Ito’y dahil sa malagim na tragedy sa Ultra Sports Center na kumitil sa 74 katao, nakasugat at nakasakit ng may 687 na iba pa.

Matatandaan na noong araw na naganap ang naturang trahedya, umiiyak na nagsalita si Willie sa harap ng maraming tao na matiyagang naghintay at pumila para makasali sa mga inihandang games sa Wowowee. Sinabi ni Willie na ang tanging hangad lamang nila ay makapagpasaya at makatulong sa mga manunuod kung kaya sinikap nilang makaipon ng malaking papremyo sa mga palarong kanilang gaganapin. Sinabi rin niya na ang mga perang nalikom na iyon ay galing din sa mga kababayan nating balikbayan na dumadalo sa naturang show dahil sila ay mga miyembro ng TPC o Television Filipino Channel. Bawat bumabati at pumupunta roong balikbayan ay boluntaryong nagbibigay ng dolyar. Iyon ay ipinamamahagi rin ni Willie sa mga contestants na may mga natatanging kakayahan sa pag-awit, pagtula o pagsasayaw.

Ang totoo, sa kulang sa isang taong pagsasahimpapawid ng programang ito, nakakuha na ito ng napakaraming tagasubaybay at naging napakalakas ng pagtaas ng rating ng Wowowee sa mga survey na isinagawa ng mga independent company para malaman kung ano ang pinanonood ng mga tele-viewers kapag tanghali.

Bukod dito, marami ring Pilipino sa ibang bansa ang umuuwi dito sa Pilipinas dahil sa paanyaya ni Willie na mag-balikbayan sila at mag-guest sa Wowowee. Dahil na rin sa ginagawa ni Willie, maging ang Department of Tourism ay ginawaran siya ng parangal ng Ambassador of Goodwill.

At ngayon nga, matapos ang naturang trahedya, marami ang nangungulila at nagtatanong kung kailan muling isasahimpapawid sa telebisyon ang nabanggit na noontime show. Pero bagama’t marami ang nananabik, marami rin naman ang tumututol na ibalik iyon dahil makapagpapaalala lamang daw ito sa malagim na trahedya.

Marami ang nagsasabi na labis ding na-apektuhan ng pangyayaring ito si Willie. Bagamat nuon ay hiniling niya sa management ng ABS-CBN na pansamantala muna siyang magli-leave, may mga nagsasabi na may mga sandali raw na napapatanga si Willie at kung minsan ay nangingilid pa ang luha nito. Sinasabi rin ng marami na hindi na rin nakukuhang magbiro ni Willie, bagamat nakilala siya nuon ng marami na isang masayahing tao at lagi nang may nabubuong kapilyuhan sa isip nito. Personal din siyang nakiramay at nakipaglamay sa mga pamilya ng mga namatay.

Sa naunang fact finding committee na nagsiyasat nuon, sina Willie at ang iba pang opisyal ng ABS-CBN ay inakusahan ng Homicide Through Reckless Imprudence at iba pang kaso na kaugnay nito. Bukod dito, may isa pang komite na binuo ng Department of Justice, pero sinasabing hindi.nakuntento si Secretary Raul Gonzales sa naging resulta ng pagsisiyasat ng kasong ito.

Maging si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay tuwirang nagpahayag ng pagsisi sa mga namumuno sa ABS-CBN nang kapanayamin siya sa isang programa sa himpilang DZRH. Subalit sinasabi ng marami na hindi makaka-impluwensiya sa mga nag-iimbestiga ang paninisi ng pangulo, pagka’t ang tinitingnan nila ay ang anggulo na kung bakit nagkagulo at nagtulakan ang maraming tao na naging resulta sa malagim na trahedya.

Pero hindi ang mga taga-ABS-CBN lamang ang inaakusahan sa naturang trahedya. Maging ang mayor ng Pasig City na si Mayor Enteng Eusebio ay isinasangkot din. Kabilang din sina Police Superintendent Raul Medina at Arnulfo Awa ng Kemer Security Agency and isinama rin sa mga iniimbistigahan.

Bilang pagtugon ng mga taga-ABS-CBN sa paanyaya ng NBI, dumalo sa naturang tanggapan si Atty. Regis Puno, abogado ng ABS-CBN, at nagpahayag ito na anumang oras na anyayahan ang kanyang mga kliyente ay pupunta ang mga ito at magbibigay ng kanilang panig. Bagama’t humiling ng isang linggo si Atty. Puno para mapag-ipon-ipon daw ang kanyang mga kliyente.

Samantala, bilang tugon sa reklamo kay Willie, nag-pahayag siya nang ganito: “I am just a mere talent. I am not involved in the various logistics and preparations.” Pero inamin din ni Revillame na dumalaw din siya sa PhilSports (dating Ultra) bago ang nakatakdang pagpapalabas ng unang anibersaryo ng Wowowee. Subali’t sinabi niya na hindi niya alam ang dami ng taong nakapila dahil ang kanyang dinalaw na lugar ay “selected” at “limited” lamang.

Nagpahayag din siya noon at nanawagan na kung makikita ng mga nagnanais lumahok na marami nang nakapila, huwag na silang makipagsiksikan pa at sa ibang pagtatanghal na lamang sila lumahok sa Wowowee. Iyon ay narinig naming sinabi ni Willie bago nangyari ang naturang trahedya.

Sa kasalukuyan ay may 71 tao nang hawak ang mga taga-VACC na handang tumestigo, laban sa mga taga-ABS-CBN at mga opisyal ng pamahalaan at mga security agency. Sila’y nanumpa na rin sa mga ipinahayag nila at isinalaysay sa ikalilinaw ng naganap na Ultra Tragedy.

Bilang host at contract star ng ABS-CBN, may pananagutan nga ba si Willie Revillame? At kung siya’y mapapatunayang kasangkot sa kasalanan, ano kaya ang magiging kaparusahan ng host ng naturang noontime show? Abangan na lang po natin ang managing resulta at imbestigasyon ng kasong ito.