Jun 30
DI NA BA INTERESADO ANG MOVIEGOERS SA BUHAY NI PACMAN? by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jun 30, 2006

Ni: Pablo Libiran

Marami ang nagtaka kung bakit hindi nag-click sa takilya ang pelikulang Pacquiao, the Movie na ginampanan ni Jericho Rosales bilang Manny Pacquiao. Maganda naman daw ang pagkakagawa nito na pinamatnugutan ni Direktor Joel Lamangan. Bukod sa talagang nagampanan nang maayos ni Jericho ang kanyang papel, nag-aral pa ito ng boxing para makuha ang pag-suntok ni Pacman sa kalaban.

Dahil dito, marami tuloy ang nag-iisip ngayon kung ito na raw ba ang katapusan ng career ni Jericho o na-apektuhan siya sa pag-alis sa pamamahala ng kanyang dating manager. Iba na ang humahawak na manager nito kung kaya hindi daw na naging maganda ang publicity ng ginawa nitong pelikula o mga TV show.

Bago kasi itanghal ang naturang movie, may mga naging pahayag si Jericho na pagkatapos ng ginagawa niyang pelikula ay pansamantala muna siyang mamamahinga. Masyado raw kasi siyang nabugbog sa mga eksena sa naturang movie. May mga pagkakataon kasing ang suntukan nila ng kanyang ka-eksena ay tutoong natatamaan siya, kaya halos malamog daw ang katawan ni Echo tuwing matatapos ang labanan.

Kaya naman pagkatapos ng naturang pelikula ay nagsabi siya na mag-papahinga raw muna siya. Sabi nga ng ibang nakarinig, titigil na pala si Jericho sa pag-aartista. Pero hindi pala yon ang tutoong kahulugan noon na magpapahinga na muna siya. Bukod kasi sa Pacquiao, the Movie, katatapos lang ni Echo ng kanyang televisionm series na Ang Panday na pawang eksena rin ng labanan at espadahan ang kanyang ginampanan.

Ang tutoo, noong ginagawa ni Jericho ang pelikulang naglalarawn ng buhay ni Pacquiao ay talagang laging nakasubaybay roon si Manny. Bukod kasi sa tunay na buhay nito ang isinasalarawan ay nagbigay rin ito ng malaking halaga para sa ikagaganda ng bawat eksena. Kunbaga ay isa si Pacman sa mga producer ng pelikulang ito.

May mga nagsasabi naman na baka masyado nang over-exposed si Manny kaya nangyari ito. Sa marami kasing babasahin ay nailarawan na ang buhay niya. Bukod dito ay kabi-kabila na rin ang mga television and print media commercials ni Pacquiao.

Ayon na rin sa mga namamahala sa boxing card na Mano a Mano na gaganapin sa ika-2 ng Hulyo, hindi rin naging mabili ang ticket sa Araneta Coliseum. Bukod daw kasi sa hindi gaanong kilala si Oscar Larios, masyado pa rin daw mahal ang mga ticket na nagkakahalaga ng P50,000 ang ringside. Ang kasunod nito ay P30,000 para sa Lower Box. Samantalang ang Upper Box ay P20,000. Ang pinaka-mababang halaga raw ay P7,500.

May mga sportswriter, photographer at reporter din na nagreklamo sa mga organizer ng naturang laban dahil ang ibinibigay raw ditong mga ticket ay hindi sa ringside. Sa halip ay sa Upper Box na kung saan ay kinakailangan pa nilang magdala ng telescopic lenses para lamang makakuha ng larawan. Bunga nito, sinabi ng ilang writers na sa television na lamang daw sila manunood para hindi sila mahirapan.

Nang makarating sa kanila ang reklamong ito ay agad namang gumawa ng hakbang ang mga kinauukulan. Pinalitan ang ticket na nabanggit at ibinigay sa kanila ang magandang puwesto na gaya nang ibinibigay sa kanila sa iba’t-ibang international fight na kanilang kinover.

Gaya ng pelikulang Pacquiao, the Movie, si Pacman din ang isa sa mga producer ng Mano a Mano na gaganapin sa ating bansa. Kung hindi kikita ito nang gaya nang kanilang inaasahan, maaaring mabawasan ang premyo ni Pacman. May pahayag din ang mga boxing aficionado na hindi pa gaanong sikat si Larios na gaya nina Morales, Barrera at iba pang Mexican na nakalaban ni Pacquiao.

Dahil na rin sa naging resulta sa takilya ng Pacquiao, the Movie, medyo naging bantulot na rin daw ang iba pang producer na gawin ang mga istoryang naka-line-up sa kanila para kay Manny Pacquiao. Natatandaan pa namin na bago mamatay si G. Serge Custodio ay may inihahanda siyang pelikula para kay Manny na may titulong Pacman.

Pero may nagsasabi rin na maaaring kung si Manny ang gumanap sa Pacquiao, the Movie as himself ay maaaring naging hit din ito. Subali’t hindi mapag-sasabay-sabay ni Manny ang paggawa ng pelikula and at the same time ang career din niya as a boxer dahil kung gagawin niya ito ay mawawala ang concentration niya sa training at pakikipag-sparring.

Sinusulat ito ay hindi pa nalalaman ang resulta sa pakikipaglaban ni Manny Pacquiao. Sa Linggo (July 2) pa ang pakiki-pagsagupa ni Pacman. Pero ngayon pa lamang ay umaasa na ang marami sa kanyang tagumpay. At baka bago sumapit ang araw ng laban ay baka ma-sold-out na rin ang lahat ng ticket sa Mano a Mano fight card na inaabangan.