Jun 02
TULOY ANG LABAN NI SUSAN by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jun 2, 2006

Ni: Pablo Libiran

Walang Susan Roces o isa man sa kamag-anak ng yumaong Fernando Poe Jr. ang pumunta sa pag-paparangal ng mga napiling national artist ng National Commission on Culture and the Arts na pinamatnugutan ni Ms. Cecille Guidote-Alvarez. Gaya ng payo nina dating Senador Tito Sotto, walang pagtanggap ng award na naganap para kay Da King.

Subalit kahit hindi dumalo ang mga kapamilya ng namayapang actor, ipinagpatuloy pa rin ang pagpaparangal sa iba pang napili ng komisyon at hindi na rin tinawag o binanggit pa ang pangalan ng namayapang actor na naganap noong ika-9 ng Hunyo sa Malacañang

Pero binanggit ni NCCA Director General na si Ms. Alvarez na hanggang sa huling sandali ay pinagsikapan nila na makumbinse ang sinuman sa kapamilya ni FPJ para may tumanggap ng parangal pero walang pumunta kahit isa.

Binanggit rin ni Mrs. Guidote na pinakiusapan nila si Mrs. Boots Anson-Roa para kumbinsihin ang biyuda ni FPJ pero hindi ito nakatanggap ng positibong sagot. Dahil ditto, hindi maikubli ni Ms. Guidote ang pagkadismaya at sinabing “Hindi naman nabawasan ang credibilidad ng NCCA dahil sa kapasyahan ng pamilya ni FPJ.

Kung natatandaan pa ninyo, noon pa man ay marami na ang pumipigil kay Mrs. Susan Roces na huwag dumalo sa gagawing parangal sa yumaong Fernando Poe Jr. Isa sa kanila ay si Senador Aquilino Pimentel na nagsabing “Para sa ano pa ang ibinibigay na award kay FPJ? Na matapos ang mga ginawa nila ay saka nila aamuin ang kapamilya.” Halos ganun din ang tema ng pahayag ni Senator Tito Sotto.

Ang award ay personal sanang ipagkakaloob ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Pero marami ang nagsabi na mabuti na ring hindi ito tanggapin ni Susan o ng sino mang miyembro ng pamilya ni FPJ. Baka raw kasi kung ano pa ang masabi ni Susan kung tuluyang pumunta ito sa okasyon.

Sa isang banda, ang hindi rin pagtanggap ng award ni Susan ay isang malinaw na indikasyon na hindi pa naglulubag ang galit ni Mrs. Poe kay Pangulong Arroyo at maaaring magsalita pa ito laban sa nakaupong pangulo

Samantala’y nagpahayag rin si Ms. Alvarez na maaaring naimpluwesyahan lamang si Mrs. Poe ng mga taong nasa paligid niya kaya naging negatibo ang tugon nito sa imbitasyon ng NCCA at ng Malacañang. Nag-parungit pa rin ito na kung si Dating Pangulo Joseph Estrada ang na-nominate sa naturang kategorya ay hindi raw nito tatanggihan ang National Artist award.

Sinasabi ng marami na ang personal na imbitasyon ni Mrs. Arroyo para sa asawa ni Da King ay isang malinaw na indikasyon na gusto makipag-rekonsilasyon ng Malacañang sa kapamilya at kapanalig ng naging mahigpit na kalaban na si Da King.

Sa kabilang dako, kung hindi man daw nila binamggit ang pangalan ni FPJ sa mga nabigayan ng award ay ginaya lamang nila ang patakaran ng Ramon Magsaysay Foundation na kung saan hindi rin binabanggit ang pangalan ng awardee na hindi
o hindi nagpadala ng kinatawan.

Sinabi pa rin ni Chief of Staff Mike Defensor na hindi naman nila binabawi ang award na para kay Da King . Pwede raw ipadala na lamang ito sa tahanan nila Mrs. Poe o pansamantalang itatago sa Cultural Center of the Philippines.

Idinagdag din ni Defensor na labis na nalungkot ang pangulo sa hindi pagsipot ni Mrs. Roces at ng sinumang kapamilya nito. Pero niliwanag na hindi rin nakadama ng pagkainsulto ang pangulo sa nangyaring hindi pagsipot, manapa’y iisipin na lang niya na may mahalagang commitment raw ang inaasahan niya sa pagtitipon.

Marami rin ang nagtatanong kung ano pa kaya ang susunod na hakbang ng mga taga- Malacañang para mapalubag ang sama ng loob ni Mrs. Susan Roces at ng kapamilya at taga-supporta ni Da King. Sabi nga ng iba…sa pulitika daw “there are no permanent friends and enemies…”