Jul 28
MGA PAHIWATIG NI FPJ by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 28, 2006

Ni Pablo R. Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines

Sinasabi ng marami, lalong-lalo na iyong nakakaalam sa pagkausap ng kaluluwa o ng third eye na kapag ang isang namatay ay may proyekto o dili kaya’y may problema na hindi nabigyan ng solusyon o kalutasan, ang mga kaluluwa nito ay nananatili sa lupa.
At kung minsan ay nagpaparamdam sa kanilang minamahal o sa mga taong may kinalaman sa problemang kanilang naiwan.

Kung minsan, ang mga ito’y nagpaparamdam sa pamamagitan ng pagdapyo ng hangin o pagbagsak ng isang bagay sa tahanan o kinaroroonan ng nagpaparamdam. Gayong kung tutuusin ay wala namang hangin na maaaring magpabagsak sa isang bagay.

Sa maraming pagkakataon, nasubok na rin ng sumulat ng lathalaing ito ang pagpaparamdam ng isang namayapa. Bago namatay ang aking ama, nagkaroon ng problema ang strainer sa aming banyo. Sinabi ko iyon sa aking ama. At ang kanyang tanging katugunan ay kukuha siya ng taong gagawa niyon.

Subalit bago naipagawa iyon ng aking ama ay inatake siya sa puso at namatay. Kaya nang nakaburol na siya ay hindi magamit ang aming comfort room na nasa ibaba ng aming bahay. Mabuti na lamang at mayroon kaming comfort room sa itaas. Nang mailibing ang aming ama, kinagabihan ay may nagpupukpok sa aming silong. Hindi ako bumaba sa pag-aakalang sa kalapit-bahay lamang namin iyon. Pero kinabukasan nang umaga nagulat ako nang makita ko ang pagkawala ng tubig sa sahig ng comfort room.

Ang nakita ko roon ay buhangin na parang hinango sa ilalim o sa tubo ng naturang strainer. Kaya naman binuhusan ko iyon at laking pagkabigala ko na tuloy-tuloy na bumaba ang tubig. Nawala ang bara sa strainer. Kaya naman naisip ko na kahit patay na ang aking ama ay tinupad pa rin niya ang naiwang pangako.

Iyon din ang pakiramdam ng reyna ng pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces, balo ng namayapang actor na si Fernando Poe Jr. Hindi humihiwalay sa kanya si Da King at lagi nay nakasubaybay sa kanyang ginagawa.

“Talagang mahal na mahal ni Manong Ronnie si Manay Inday,” kwento ni Miss Dolor Guevarra. “Dahil kahit sa panaginip ay nagpapakita ito kay Ate. Sa panaginip din nagpahiwatig si Kuya Ron na gusto niya ang television series na John en Shirley para kay Manay Inday,” ang dagdag pa niya.

Nasaksihan ni Dolor na minsang papunta si Manay Inday sa studio para sa taping ng bagong TV series kasama si Dolphy at Maricel Soriano, bigla dumating ang gumagawa ng musuleo ni Kuya Ron at isinoli kay Maay Inday ang larawan ni Kuya Ron na pinagkopyahan nito. Ang ginawa ni Manay Inday, ipinalagay niya ang larawang iyon sa dashboard ng van. Nakatitig ang larawan ng naka-ngiting FPJ kay Manay Inday kaya naman naka-ngiting nasabi ni Manay Inday ang ganito: “Aha, sasama ka pala sa first taping day ko!”.

Nabanggit tuloy ni Miss Dolor yung project na garden nila ni Manay Inday. “Kahit ako, nanaginip ako na sinasabi sa akin ni Kuya Ron na gusto niya ang garden na inayos namin. Dahil nagandahan si Kuya Ron ay nakangiti siya sa aking panaginip. Natutuwa rin sigurado siya dahil alam niyang nalilibang si anay Inday ngayon dahil muli na naman itong aktibo sa telebisyon.”

Ayon pa rin sa ilang malalapit na kaibigan ni Susan, kapag nakikita nilang malungkot ito ay kumukuha siya ng mga video tapes ng pelikula ni FPJ at pagkaraan ay pinapanood niya iyon. Kapag nakita niyang maganda ang eksena ay napapangiti siya lalo’t sa mga pelikulang iyon ay buhay na buhay ang hari ng aksiyon.

At hindi lamang sa mga video tapes mapapanood ang mga pelikila ni FPJ. Maging sa telebisyon ay laging itinatanghal ang kanyang mga pelikula.

“Sayang at napakabata ni FPJ nang mamatay,” ang pahayag ni Director Pablo Vergara na may ilang ulit ding naging director ni FPJ sa pelikula. “Dapat ay marami pa siyang nagawang pelikula dahil maraming taong umasa sa kanya noon. Gumagawa na nga lang na pelikula si Da King para matulungan at magka-trabaho ang mga taong yon. Kaya naman gayon na lang ang panlulumo ng marami nating kababayan nang mamatay siya”

“Walang nang makakatulad pa kay FPJ. Nag-iisa lang siya sa trono sa pagiging hari ng pelikulang Pilipino. Maging sa puso ng mga taong natulungan niya ay tiyak na hindi na nila malilimutan ang panahon nung nakilala at nakapaglingkod sila kay FPJ. Dahil nga lagging natutugunan ng tulong ang paglilingkod at pagta-trabaho nlang yon,” pagwawakas ni Director Pablo Vergara.

Samantala, ang John En Shirley, ang pinakabagong comedy series ABS-CBN Channel 2, ay pangungunahan ng comedy king na si Dolphy at Susan Roces. Makakasama rin nila rito sina Maricel Soriano, si Vandolph at ang iba pang ka-anak ni Dolphy. Ito’y mapapanood tuwing sabado, pagkatapos ng Komiks. Kaya abangan ang maganda at puno na katatawanan ng seryeng ito sa telebisyon.