Jul 21
TANGA HANGA by Alex J. Socorro  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 21, 2006

Para sa isang bagong pasok sa grade one, malaking kalituhan kung ano ang pinagtatalunan nina Elisa at Paz. Maigting ang galit sa kanilang boses at sa tingin ko ay magiging pisikal ang pagtatalo nila kaya minabuti kong ipaalam sa kanila ang daing ng aking tiyan. Si Elisa ay kusinera ng lola ko at si Paz naman ay all-around maid na siya ring tagahatid sa akin sa kalapit na paaralan. Nang magkalinawan ay saka ko nalaman na ang pinag-aawayan nila ay kung sino ang mas sikat – si Amalia o si Susan?

Kapuwa malapit sa akin si Elisa at si Paz kaya wala akong malamang kampihan kung si Susan Roces nga o si Amalia Fuentes ang dapat kong hangaan. Bukod doon, hindi talaga ako mahilig sa mga artista. Ngunit dahil sa insidenteng iyun ay nagkaroon ako ng kahit konting interes sa mga mukhang lumilitaw sa puting tabing.

(Click this link for a related article: http://www.fapweb.org/archives/011306arj4.html)

Ano nga ba ang isang artista? Sa mura kong kaisipan ay talagang wala akong gana sa showbiz dahil mas dapat ko pang hangaan ang isang engineer na tulad ng aking ninong kasi nakakagawa siya ng mga gusali at tulay. Mas bilib pa ako sa tatay ko na naglilimbag ng dyaryong Manila Times. At lalo akong saludo sa lola ko na professor ng Español sa UP. Kaya nagtataka ako sa kakaibang ningning sa mga mata ni Elisa at ni Paz tuwing lilitaw sa pabalat ng Kislap o Liwayway ang kanilang idolo. Tama ang aking lola nang sabihin niyang malaking ligaya ang dulot ng mga artista sa mga alila (yun ang tawag ng mga mayayaman sa katulong nung panahong yun).

Hindi gaya ngayon na kuluntoy ang pelikulang Pilipino, noong dekada ng 1960s ay mainit ang pagtanggap ng masa sa mga pelikula kaya linggo-linggo ay may bagong palabas sa Rainbow Theater na katapat ng bahay ng lola ko sa kalye N. Domingo sa San Juan. Ang mga tagahanga ni Amalia Fuentes at ni Susan Roces ay nagpapaligsahan sa haba ng pila sa box office. Syempre kasama na rito si Elisa at si Paz, ang nabansagang mga “Tanga Hanga” sa lugar namin.

Pati ako ay madalas mapasali sa patutsadahan nina Paz at Elisa. Napaka-cute ko raw na bata at sana paglaki ko ay maging kamukha ko si Romeo Vasquez. Agad namang kokontra si Paz na dahil maputi raw ako kaya malamang si Eddie Gutierrez ang maging kamukha ko. Bago lumala ang pingkian ay sasabihin kong ayos lang kahit sino ang maging kamukha ko paglaki ko basta wag lang si Tulindoy! Sa ganung katatawanan lang nagkakasundo sina Elisa at Paz.

Isang gabi ay napansin kong umiiyak si Paz. Inagaw raw kasi ni Amalia si Romeo Vasquez. Kaya pala parang nakangiti sa pagtulog si Elisa dahil wagi siya roon sa isyu na pupunit sa tambalan nina Susan at Romeo. Hindi naman nagtagal ay nakabuwelta si Paz. Hindi raw pala kasal sina Amalia at Romeo dahil ayon sa mga tsismis ay may tunay na asawa si Romeo. Hindi pa uso ang salitang tameme pero iyun ang magandang deskripsyon sa anyo ni Elisa.

Sa paglitaw ng balita tungkol kay Anna Lisa, anak ni Amalia kay Romeo na mas kilala sa palayaw na Liezl, ay muling nagsaya si Elisa. Walang pagsidlan ang kanyang tuwa sa paglitaw ng mga litrato ng sanggol na si Liezl sa mga magasin. Perfect daw ang hitsura ni Liezl dahil nanggaling siya sa pinakamaganda at pinakaguwapong artista. Ismid ang sagot na ibinigay ni Paz kay Elisa.

Sa paglipat ko ng pag-aaral sa Mandaluyong ay napahinga ang tenga ko sa mga pagligsahan nina Elisa at Paz. Ngunit malaki ang impluwensya nila sa akin kaya paminsan-minsan akong sumusulyap sa Taliba upang malaman ang mga pangyayari tungkol kina Amalia at Susan. Sa aking paningin ay mas maganda si Amalia dahil banyaga ang kanyang kariktan. In fairness kay Paz, kaakit-akit naman ang maamong mukha ni Susan. Sabi nga ng lola ko, walang itulak-kabigin sa dalawa, hindi sina Susan at Amalia ang tinukoy kundi ang kasidhian ng paghanga nina Elisa at Paz.

Bago ako magtapos ng elementarya ay muli akong nagawi sa bahay ng lola ko. Tuwang-tuwa si Paz sa pagdating ko dahil nagiging kamukha ko na nga raw si Eddie Gutierrez. Pero mas malaki ang katuwaan ni Elisa dahil dinalhan ko siya ng kopya ng magasing Sunday Mirror na si Amalia ang nasa pabalat. Halos manlumo si Paz habang binubuklat ni Elisa ang magasin at ipinagyayabang ang litrato ni Amalia na kuha sa talon (waterfalls). Sa kabila ng paliwanag ko na ang tatay ko ang may padala ng magasin ay hindi na ko kinibo ni Paz.

Sa larangan ng pelikula ay patuloy pa rin ang pagtutunggali ni Amalia at ni Susan. Mainit pa rin ang pagtanggap sa kanila ng mga tagahanga kahit iba-iba na ang kanilang mga nagiging kapareha. Minsang makakalamang si Amalia, minsan naman ay si Susan kaya sa tingin ko ay patas lang sila ng labanan. Pero tila binibilang yata ni Elisa at ni Paz ang haba ng pila sa sinehan kaya may kanya-kanya silang statistika pagdating sa dami ng mga nanood. Kahit minsan ay hindi ko narinig sa kanila na maganda ang pelikula. Tanging sa idolo lamang nila sila nakatutok.

Sa pagtuntong ko ng high school ay muli akong nagpasyal sa San Juan. Isang family size na soft drink ang isinalubong sa akin ni Paz. Iyun ang paraan ng kanyang pagbubunyi dahil en grande ang naging kasal ni Susan at ni Fernando Poe, Jr. Sabihin pang presidente ng Pilipinas ang kanilang ninong kaya tiyak kong tameme na naman si Elisa. Ngunit nagulat ako nang malaman kong lumayas si Elisa dahil sa lubhang pagdaramdam sa mga nangyari.

Gaya ng kasabihang kay bilis ng panahon, sa pagpasok ko sa daigdig ng technology bilang computer programmer ay tuluyan kong naiwaksi ang mga pamana nina Elisa at Paz. Hindi ko namalayan na unti-unting nawala sa sirkulasyon ng pelikulang Pilipino si Amalia Fuentes at si Susan Roces.

Nang mag-balikbayan ang isang tiyahin ko ay isinama niya ko sa bahay ni Liberty Ilagan sa Antipolo. Nakakatuwang malaman na kahit tatlo na ang anak nila ni Liberty ay nagseselos pa rin daw si Rod Ongpauco kay Jose Mari. Pero nakakalungkot mabalitaan na kelan lang ay tuluyang naghiwalay ang mag-asawa. Malapit na kaibigan pala ni Liberty si Amalia at dumalo rin sa salu-salo kaya sa unang pagkakataon ay nasilayan ko nang harapan ang artistang ipinagmamalaki ni Elisa. Sa kabila ng edad ni Amalia ay maganda at makinis pa rin siya. Kaya lang ay mataba na at napakalaki pa ng bewang. Hindi ko mawari kung ano ang magiging reaksyon ni Elisa kung sasabihin ko sa kanyang parang bariles na ngayon ang kanyang idolo.

Dahil sa libangan kong pagsusulat ng kathang-isip ay napasapi ako sa SGP (Screenwriters Guild of the Philippines) at muling namulat sa daigdig ng Philippine showbiz. Ayon sa batikang manunulat na si Pablo S. Gomez, si Susan raw ang kumuha sa kanya upang sumulat ng mga scripts para kay FPJ. Gusto raw ni Susan na maiba naman ang tema ng mga pelikula ni Fernando Poe, Jr. Ayon pa rin kay Tito Pabs, tagumpay naman ang tandem nila ni FPJ dahil lahat ng pelikulang isinulat niya ay kumita nang todo-todo. Tama pala ang aking impresyon na mabait si Susan ngunit hindi ko inakala na matalino siya pagdating sa negosyo. At nitong mga huling panahon ay natuklasan kong matapang pala ang nagmamay-ari ng maamong mukha – hayagan niyang inakusahan ang presidente ng Pilipinas – not once but twice!

Sa loob ng showbiz circle ay nalaman ko na marami rin palang tagahanga sina Susan at Amalia sa mga artista, director at iba pang crew na gumagawa ng pelikula. Kung pag-arte ang pag-uusapan ay kapuwa sila walang katulad. Pareho silang may pelikulang maganda at pareho ring may pelikulang hindi maganda. Gaya ng sabi ng isang beteranong director, it is a fact that they are both highly respected.

Parang naglalaro sa isipan ko ang mga kuro-kuro nina Elisa at Paz. Wagi si Elisa dahil tahimik sa pamumuhay si Amalia sa piling ng kanyang asawang Amerikano samantalang si Susan ay isa nang biyuda. Wagi naman si Paz dahil naturingan ngang may anak si Amalia pero hindi naman sila nagkakasundong mag-ina samantalang si Susan ay maligaya kay Mary Grace at sa mga pamangkin niya. Tapos National Artist pa ngayon si FPJ samantalang si Romeo Vasquez ay tuluyan nang nabaon sa limot. Pero kung paaabutin sa pamangkin ang labanan ay panalo si Elisa dahil sikat pa rin si Aga Mulach at si Sheryl Cruz naman ay bihira nang makita kahit sa TV man lang.

Walang katapusan ang paghahambing at pagtatalo kaya sadya kong pinutol ang alaala at isiningit ang sarili kong opinyon. Parehong mayaman ngayon si Amalia at Susan, pareho rin nilang narating ang tugatog ng tagumpay sa larangan ng showbiz at sa tingin ko ay pareho silang walang mahihiling pa. Sa madaling salita, patas sina Susan Roces at Amalia Fuentes. Alam kong hindi matatanggap ni Elisa at ni Paz ang salitang patas. Tiyak mapa-praning sila sa aking deklarasyon. Pero hindi bale, kesa naman ako ang ma-praning sa mga Tanga Hangang tulad nila. Teka, nasaan na kaya si Paz at si Elisa ngayon?

Comments to this article can be sent to ajsocorro@yahoo.com