Jul 21
SHARON CUNETA: AKTIBO ULIT SA PELIKULA by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 21, 2006

Ni Pablo R. Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines

Marami ang nakakita kay Sharon nang manood ito sa Araneta Coliseum sa labanang Mano-a-Mano nina Manny Pacquiao at Oscar Larios. Tulad ng pangkaraniwang fans, sigaw rin nang sigaw ang Megastar, lalo’t tinatamaan nang mga malakas na suntok ang Mexican fighter. Napatayo rin ito nung napabagsak ni Manny si Larios.

Sabi ng mga nakapanood kay Mega, para rin daw itong pangkaraniwang tao na hindi napipigilan ang kagalakan, lalo’t nagtatagumpay ang kanilang kababayan. Kaya naman
sa halip na pagtawanan siya ng mga nakakita sa kanya ay lalo pa siyang hinangaan ng mga nanonood sa naturang laban.

Hindi lang ang pagsigaw at labis na katuwaan ang napansin ng iba kundi pati ang pagiging slim ni s Shawie. Ano raw kaya ang kanyang iniinom at malaki ang nabawas sa timbang nya?

Sabi nga ng malapit na tao kay Sharon, tinototoo niya ang pangako niya na pagkatapos ng mahabang pamamahinga ay muli siyang magiging aktibo sa paggawa ng pelikula. Katunayan may tatlong movie na siya na gagawin under Star Cinema. Ang isa ay ang pagtatambalan nila ni Aga Mulach at ididirihe ni Joyce Bernal

May impormanteng nagsabi na nakipag-meeting na si Mega sa mga namamahala ng GMA Films para sa posibilidad na paggawa ng pelikula. May naka-line up na ring movie na pagtatambalan nila ni Sen. Bong Revilla. Maaaring makasama rin ni Mega si Ai-Ai de las Alas sa isang movie na gagawin naman under Imus Production.

Nauna rito, may ginawa na rin siyang documentary film na may titulong March of the Penguins. Ito’y itatanghal ngayong Agosto. Ang Filipino version nito ay may pamagat na Penguin..penguin…paano ka ginawa? Ito ay iri-release ng Unitel Films. Ang magaling na foreign actor na si Morgan Freeman ang nag-narrate sa English version ng documentary film.

Katatapos lang din ni Sharon sa kanyang album sa Sony BMG na pinamagatang Isn’t it Romantic? at ito’y mabibili na sa mga record bar.

Naging abala pa rin si Mega sa kanyang mga commercial sa television. At siympre binibigyan rin niya ng panahon ang pag-alalaga sa anak nila ni Sen. Kiko Pangilinan.

Ang totoo may mga lider din pulitiko na humihimok kay Mega na pumasok sa larangan ng pulitika. Gusto nilang ikandidato si Mega na maging mayor ng Pasay City. Pero natatawa lang ang actress dahil sa sinasabi niyang magco-concentrate na lang muna siya sa paggawa ng movies.

Kung natatandaan pa ninyo, mahabang panahon rin naging mayor ng Pasay City ang tatay ni Sharon na si Pablo Cuneta. Halos walang tumalo sa kanayang ama noong itoy nabubuhay pa. Ito’y dahil na rin sa magandang record ng pagseserbisyo ng namayapang ama.

Gaya ni Mayor Vilma Santos na naging mahusay ring mayor ng Lipa, sinasabing magiging magaling ring public servant ang Megastar. Pero noong nakaraang eleksyon ay walang nakakumbinse sa kanya para pasukin ang larangan ng pulitika.

Pero sabi ng mga political experts, kapag ang taong bayan ang humiling ay tiyak na matutunaw din ang puso ng matatag na paninindigan. Tulad ng nangyari kay FPJ nang lumaon ay nakumbinsi rin.

Hindi nagsasalita nang tapos ang Megastar pero ayon sa mga kaibigan niya ay may mga priorities na dapat nyang paggugulan ng panahon at oras.

Isa na sa mga ito ay ang pag-aaral niya sa University of the Philippines, Kamakailan ay gayon na lang ang katuwaan niya nang makapasa sa entrance test. Pumapasok siya roon pero hindi araw-araw.

Ang pagkakamit ng award ay isa rin sa gusto niyang pag-ukulan ng pansin. Bagamat may mga award na siyang nakamit ay gusto rin niyang madagdagan pa iyon bilang katibayan ng kanyang husay at galing sa napiling propesyon.