Jul 14
ANG LIHIM NG LAKAS NI PACMAN by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 14, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran

Nakatutuwang mabatid na ang isang kababayan natin ay umaani ng pagkilala at pag-hanga, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo man. Ito ang nabatid naming kamakailan na pinagbotohan ng mga world veteran sports writers and columnists ang pangalan ni Manny Pacquiao bilang nangungunang boxer pound for pound sa buongt mundo.

Ayon na rin sa impormasyon na natanggap namin, ang samahang ito ng mga manunulat ay binubuo ng may 40 kinikilalang sports writers at inilabas nila ang talaan ng mga pinaka-mahusay na boxer sa buong mundo sa kasalukuyan. Kasunod ni Pacman si world heavyweight king Vladimir Klitschko (no. 2); cruiserweight Oneil Bell (no. 3); light-heavyweight Bernard Hopkins (no. 4); at super-middleweight Joe Calzaghe (no. 5).

Nakamit ni Pacman ang naturang pagkilala dahil sa sunud-sunod niyang tagumpay sa mga Mexican fighters na lahat ay pinaluhod niya sa lona. Tulad nina Marco Antonio Barrera, Hector Velasquez, Juan Manuel Marquez, Erik Morales at Oscar Larios.

Nagmula ang resulta ng listahan sa 40 voting members ng WBM sa Amerika, Canada, England, Ireland, Italy, Panama, Australia at New Zealand. Si Roger Mayweather, ang dating number one pound for pound boxer, ay napunta sa ika-walong puwesto. Nasa top 15 naman si Brian ‘Hawaiian Punch’ Viloria.

Nang tanungin si Pacquiao ukol sa bagay na ito ay sinabi niya na: “Masayang-masaya ako dahil bihirang mabigyan ka ng pagkakataon kaya nagpapa-salamat ako sa mga nagtiwala sa kakayahan ko,” ang sabi pa niya.

Samantala, ngayon pa lamang ay nagsasanay na si Morales para sa kanilang ikatlong pagsasagupa ni Manny. Talaga raw pinaghahandaan na niya ang laban nila ni Pacquiao. Subali’t si Manny ay sa susunod na buwan pa makapag-sisimula ng kanyang training. Ito’y dahil na rin sa napakaraming commitment na tinatapos ni Pacman. Kabilang na rito ang mga commercial at mga personal appearances sa mga television shows at sa mga lalawigan.

Pero ano nga ba talaga ang sikreto ni Manny Pacquiao at bakit napakalakas niyang sumuntok at nakatatagal ng 12 round sa pakikipag-sagupaan? Marahil ay matatawa ang marami sa sikreto o lihim ni Pacquiao. Ito po ay dahil sa gulay na malunggay.

Kung iisipin, mabibihira sa mga kinilalang tao ang magsasabi ng kanilang lihim at sikreto, lalo na’t ito’y may kaugnayan sa lakas ng isang tao. Pero natatawang ipinagmalaki ni Manny na ang kinain niyang tinolang manok bago siya lumaban nuon kay Larios ay may sahog ng napakaraming dahon ng malunggay.

Hindi lang ang mga writer o sport reporter ang nakapuna ng bagay na ito kay Manny. Na sarap na sarap ito sa pagkain ng tinolang manok at para bang ngumunguya si Manny ng spinach na paborito naman ni Popeye na laging natatalo ang kanyang mortal na kalaban na si Brutus..

Ito rin ang ipinayo ni Pacman kina Kris Aquino at James Yap nang minsan silang magka-kwentuhan. Na magkakain daw lagi si James ng malunggay at tiyak na lalong lalakas ang katawan nito at titibay ang resistensiya nito sa paglalaro ng basketball.

Sabi pa nga ni Manny, kung titingnan daw ang kanilang refrigerator, makikita raw doon ang napakaraming dahon ng malunggay. Kapag may sinabawan daw siyang manok o dili kaya ginisang munngo, tiyak na lalahukan niya iyon ng malunggay. Kaya naman lumalakas ang kanyang katawan. Laging nasa kundisyon.

Kung iisipin, may punto talaga si Manny na kumain ng mga gulay, hindi lamang ng malunggay. Ang gulay ang sikreto ng mga mahahabang buhay ng mga nakatatanda nating mamamayan. At marahil iyon ang naging panuntunan ni Manny– ang mapangalagaan nang husto ang kanyang katawan dahil iyon ang kanyang puhunan.

Bagama’t sinasabi na hindi nakatapos ng pag-aaral si Manny at ito’y maituturing na nagbuhat lamang sa isang mahirap na pamilya, pero ngayon ay hindi na matatawaran ang kanyang kinita dahil sa pagiging isang boksingero.

“Kanya-kanya lang ho sigurong swerte yan,” ang naka-ngiting pahayag ni Manny nang makapanayam. “At kapag dumating na sa iyo ang suwerte mo ay marapat lamang pag-ingatan at matutuhan mo ang paghawak ng perang darating sa iyong kamay.”

Sa isang pakikipanayam nga na ginawa kay Manny ni Korina Sanchez, binanggit na
si Manny na ang pinaka-highest-paid endorser ng mga produkto. Sa San Miguel Corporation na lamang ay binayaran na si Manny ng P25 million. At bukod sa napakarami pa niyang inindorsong produkto, nakatakda na rin siyang gumawa ng commercial sa U. S.

Pero may isa pang produkto na binaggit ni Manny na talaga daw makakasira sa kalusugan. Pero sinabi ni Pacman na hindi raw pwedeng ipahayag iyon sa publiko dahil malaking kumpanya ang gumagawa noon at maaaring magalit sa kanya ang may-ari at namamahala noon.

“Bilang isang boxer ay talagang inaalagaan ko ang aking katawan. Hindi ako umiinom ng alak nang sagaran. Paminsan-minsan lang o okasyunal. Hindi rin ako naninigarilyo at bihira akong mag-puyat. Pag nagsimula na akong mag-ensayo, talagang puro ensayo na lang,” ang sabi pa ng itinuturing na People’s Champ.

Maging ang mga taga-showbiz ay naiimpluwensiyahan na rin ni Manny Pacquiao. Karamihan sa mga kabataang artista ay nag-eensayo na rin ng boxing dahil sa nalalapit na torneo o labanan na magaganap sa Star Olympics. Iyon daw ay tig-tatatlong round lang pero kailangan pa ring paghandaan. Ang nakataya ay karangalan.