Jul 07
MANNY PACQUIAO: KAMPEON HABANG BUHAY by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 7, 2006

Ni: Pablo Libiran

Sa wari, kuta-kutakot na swerte ang dumarating sa buhay ng Filipino boxing idol na si Manny Pacquiao. Pagka’t pagka-tapos ng matagumpay niyang pakikipaglaban kay Oscar Larios, ginawaran naman siya ng Order of Lakandula Award na mismong ipinagkaloob ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacanang noong ika-3 ng Hulyo.

Matatandaan na ang natatanging parangal na ito ay mabibihirang ipagkaloob sa isang Pilipino o dili kaya’y mataas na opisyal ng ibang bansa na nakagawa ng napakagandang paglilingkod sa kanyang bayan o bansang pinaglilingkuran.

Ang kahulugan naman ng pagiging kampeon ni Pacquiao habang buhay, ang naturang award na Order of Champion for Life, ay sa bisa ng Executive Order No. 540 na nilagdaan ni Pangulong Arroyo. Ang ibig sabihin, kahit sino ang makalaban ni Pacman at kahit matalo siya ay mananatili pa rin siyang kampeon sa puso ng sambayanang Pilipino.

Kinilala at lalong hinangaan ang kakayahan ni Pacquiao nang talunin niya sa isang napakagandang laban si Oscar Larios. Pinaluhod niya ito sa ika-pitong round at pinabagsak uli niya ito sa ika-12 round. Bagama’t nakita ng mga nanood na kayang-kayang tapusin agad ni Pacquiao ang laban ay hindi niya ginawa iyon upang lalong masiyahan ang mga boxing aficionados.

Ipinakita rin ni Pacman ang kanyang natatanging pamamaraan sa boxing. Sabi nga ng mga nakapanood, nagagawa ni Pacman na makipaglaban at makapag-exhibition at the same time. Kagaya noong maipit ni Larios ang ulo ni Pacquiao. Nagawa pa rin nitong makapagpatama ng suntok kahit nakayuko ito.

Nang tanungin kung bakit hindi niya tinapos agad ang laban ay sinabi ni Pacman na naging maginoo at mabait na kalaban si Larios. Hindi siya nagyayabang at maging sa ring ay nagawa niyang makipaglaban nang malinis. Hindi katulad ng iba kong nakakalaban na ginagamit ang ulo para pagputok ang noo o kilay ko. At iyong iba ay sumusuntok nang below the belt.

“Malakas at mataktika rin sa pakikipaglaban si Larios. Sa ikatlong round ay talagang napagtatamaan niya ako ng mga solid punch. Pero sandali lang iyon dahil pagkaraan noon ay nakaganti rin ako at hindi niya ako napabagsak. Sinabi rin ng manager ni Larios na nasira ang kalkulasyon ni Larios sa akin na mapapabagsak niya ako sa ika-apat na round. Naubos ang lakas niya.

“Makikita rin ninyo na halos ang kanang kamay na lamang ni Larios ang naisusuntok niya pagkatapos ng round na iyon. Kaya sa halip na masingitan niya ako ay naging maingat na lamang ako. Tinapos ko ang twelve round para masiyahan ang mga taong nanood sa aming labanan,” ang sabi pa niya.

Ang isa pa sa magandang suwerte na nangyari kay Manny Pacquiao ay ang dami ng television commercial na pumasok sa pagitan ng bawa’t round. Halos panay siya ang nag-iindorso sa mga naturang commercial. Maging ang mga nanood ng naturang laban ay napakarami rin. Mga artista, mga pulitiko, mga tagahanga at malalapit na kaibigan ni Pacman. Sumuporta at talagang nagbunyi sa tagumpay niya.

Nang tanungin si Pacman sa programang 24 Oras ng mga host na sina Mike Enriquez at Mel Tiangco kung may foreign company na kumukuha sa kanya para mag-indorso ng produkto ay napangiti ito at sinabi na mayroon nga. Pero hindi pa inihayag ni Manny kung anong produkto o kompanya ang kanyang iyi-indorso. Ang sinabi niya ay gagawin daw iyon sa bansa na madalas na kanyang puntahan na ang tinutukoy ay ang bansang Amerika.

Nang tanungin din si Manny kung magkano ang kinita niya sa pagpo-produce ng naturang boxing card na Mano a Mano ay hindi rin ito nagpahayag kung magkano. Basta’t ang sinabi niya ay “medyo maganda po ang kinita at talagang sinuportahan din ako nang husto ng mga kababayan ko.”

Samantala, tinanong din si Manny kung ano ang estilong gagawin niya sa pakikipaglaban kay Morales sa susunod nilang paghaharap. Kung kapareho rin daw ng ginawa niya kay Larios? Sinabi ni Pacman na mas seryoso ang gagawin niyang pakikipaglaban at sisikapin niyang magpag-retiro na si Morales sa larangan ng boxing. Dahil ayon sa mga Mahikanong nakausap ni mManny, sinasabi raw at ipinagyayabang ni Morales na hindi siya nasaktan sa labanan nila ni Pacman.

“Kayo na ang nakasaksi kung papaano pumutok ang mukha ni Morales at kung paano siya bumagsak. Pagkatapos ay sasabihin niya na hindi pa siya nasaktan. Kaya naman sa susunod ay sisikapin kong maipakita sa kanya ang tunay na Manny Pacquiao,” ang pahayag pa niya.

Noong una, nasabi ng ilang movie reporter at movie columnist na hindi gaanong kumita ang Pacquiao the Movie. Pero nitong mga nakaraang araw, nagpakita ng interest ang mga moviegoer at sinasabing parami nang parami ang mga nanonood. Maging ang mga kaibigang artista na nakapanood ay nag-i-indorso at nagsasabi na maganda ang pelikulang Pacquiao…na ginampanan ni Jericho Rosales.

Kaya hindi ba tama lamang na sabihin na kuta-kutakot na swerte ang dumarating sa buhay ni Pacman—and People’s Champ?