Jan 13
SI JOSE NA NGA! by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jan 13, 2006

Ni Julie Ann G. Nuñez

Very exciting ang nangyaring awards night ng Metro Manila Film Festival last January 6, na ginanap sa Aliw Theater. Di hamak ang dami ng taong tumangkilik nito ngayon kaysa noong nakaraang taon. Ang mga floats sa parada noong December 24 ay talaga namang walang tulak kabigin sa ganda. Halos lahat ng mga pelikulang kalahok ay talaga namang pinag-kagastusan, pinaghandaan at sinalang maigi mula sa casting, costumes at maging ang special effects na di magpapahuli sa ibang foreign films.

Sa kabila ng mga intrigang pumapaikot sa festival, naging masaya pa rin ang awards night. Sa pangangasiwa na rin ng MBC, ang pamunuan ng DZRH, naging maayos ang programa at talagang namang nakakaaliw. Hindi rin nag-kulang sa mga sikat na artistang nagsidalo at nakilahok bilang presentors.

Gaya ng inaasahan, naging makapigil-hininga ang pagbigkas ng mga pangalan ng nanalo, mula sa best director hanggang sa tinatawag na mga technical awards. Marami ang natuwa, may mga nalungkot ngunit ang karamihan ay malumanay na ring tinanggap ang pasiya ng mga hurado. Dahil pangkaraniwan naman sa atin ang magreklamo kapag natalo, halos wala na ring pumansin sa mga sama ng loob na inilabas ng ilang mahahalagang tao sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Bukod sa best director award, matinding suspense rin ang naramdaman ng lahat ng ihayag ang nanalo ng best supporting actor. Walang nag-akala na siya ang makukuha ng trophy hindi dahil sa kulang siya sa kakayahan kundi dahil bihirang mapili sa ganong kategorya ang mga comedians… at baguhan pa. Isa pa, hindi naman masyadong lumutang ang pangalan niya sa promotion ng Enteng Kabisote 2 dahil natabunan siya ng mga kasamang malaki na ang pangalan sa industriya. Ilang sandali pa ang lumipas bago nahimasmasan ang mga tao. Siya na nga! Si Jose Manalo ang best supporting actor ng Metro Manila Film Festival Philippines 2005.


Hawak ni Jose Manalo ang tropeo habang nagbibigay ng pasasalamat sa kanilang programang Eat Bulaga.

Siyempre pa, tuwang-tuwa ang mga taga-Eat Bulaga dahil iyun ang matatawag na kuwadra ni Jose. Doon siya nagsimula bilang technical crew na noong una ay pasulpot-sulpot lang ang mukha sa harap ng TV camera. Hindi nakaligtas sa mata ni Vic Sotto at Joey De Leon ang angking husay ni Jose sa pagpapatawa. Natural na natural ang dating at napakalakas ng kanyang facial expressions. Sabi nga, hindi na kailangang magsalita ni Jose dahil sa mukha pa lang niya ay marami na siyang naipaparating sa mga nanonood. Bukod sa quick-witted, si Jose ay magaling ding makisakay sa mga jokes. Idagdag pa doon ang husay nya sa pagkanta at pag-sayaw. Na siya namang inaabangan ngayon ng marami sa atin.

Sa ngayon ay lutang ang pagiging sidekick ni Jose kay Vic Sotto. Walang kinaibahan noong araw nang namamayagpag si Joey De Leon sa pelikula, si Rene Requiestas ang kanyang alalay na agad namang sumikat at naging bida. Sa kasamaang palad, maagang namatay si Rene sanhi ng sakit na hindi maipaliwanag. Ayon sa mga taong malapit kay Rene, marami na raw itong nararamdaman ngunit ayaw namang magpatingin sa doktor.

Dahil sa magandang suporta ng Eat Bulaga, napasok na rin ni Jose ang larangan ng live stage show. Kadalasan ay kasali siya sa mini-concert sa Klownz kasama si Wally, Jimmy Santos at iba pang mga taga-Eat Bulaga. Napabilang din si Jose sa pagbiyahe ng Eat Bulaga team sa ibang bansa kailan lang. Hindi man ipinagmamalaki, marami na ring fans si Jose sa audience ng Eat Bulaga at maging ang ilan sa atin ay napapahanga sa kanya. Napatunayan na rin ang galing ni Jose pagdating drama. Ilang beses na rin siyang nag-guest sa Magpakailanman. At sa kabila ng nakakatawang mukha nya ay nagampanan nya ng higit pa sa inaasahan ang naging papel nya sa nasabing drama show.

Kung tutuusin ay hindi nga talaga nabigyan ng pansin sa promotion ang character ni Jose sa Enteng Kabisote. Siyempre, pambato ng pelikula ang bidang si Vic Sotto, Kristine Hermosa, Alice Dixson, Oyo Boy Sotto, Aiza Seguerra at marami pang ibang mas popular sa kanya. Katunayan, sa isang press release ay Ariel Manalo ang nakasulat sa bandang hulihan ng listahan ng mga nagsiganap.

Sa parangal ng Eat Bulaga, hawak ni Joey ang trophy at pabirong sinabi na ang best supporting actor ay si Jose De Leon (na kanyang pangalan). Karamihan sa audience ng Eat Bulaga ay inakalang nagbibiro pa rin si Joey nang iabot ang trophy kay Jose. Halos hindi makapagsalita si Jose at hindi natakpan ng mga patawa ang seryosong damdamin sa kanyang mukha. Halatang pinipigil niya ang pag-iyak dahil hindi siya talaga makapagsalita nung umpisa.

Siya na nga talaga, tagumpay na si Jose at malamang ay masundang muli ang kanyang pelikula. Bukod sa showbiz ay may negosyo rin silang mag-asawa na noong isang taon ay nabalitang naholdap. Isang maliit na pawnshop daw iyun na natangayan ng 300,000 pesos ng mga magnanakaw. Tapos, kailan lang ay sumingaw naman ang balita na gusto siyang kasuhan ng dating asawa. Talaga yatang alalay siya ni Bossing Vic dahil pati ang agimat sa babae ay gusto niyang manahin. But in fairness, mabait naman daw si Jose, magalang at matulungin.

Bukod sa pagkakapanalo ni Jose ng best supporting actor, ang Enteng Kabisote ang nanatiling may hawak ng trono pagdating sa box office. Nakahakot ito ng 108 milyong piso ayon sa paunang report. Ang Exodus ni Bong Revilla ay nagtala ng 75 milyon at ang Mulawin ng GMA-7 ay nakiparte ng 52 milyon. Sabi naman ni Vic, hindi kalaban ang tingin nila sa ibang fantasy film dahil ang target nila ay ang mahigitan ang kinita ng unang , na siya ring top-grosser nung MMFFP 2004 na bumenta ng mahigit 120 milyong piso sa takilya.

Bukod sa tagumpay ni Jose, malinaw din ang pagtatagumpay ng Metro Manila Film Festival 2005. Ang suma total na bentang 353 milyon ay hindi biro dahil ito ang pinakamalaking kinita ng nasabing festival. Noong nakaraang taon ay 300 milyon lamang ang perang pumasok at noong 2003 ay 328 milyon.

Marami ang nagsasabi na papalitan ang rules and regulation ng festival upang bigyang puwang ang mga hinaing ng ilang producers. Abangan natin sa susunod na Metro Manila Film Festival at sana ay ipagpatuloy natin ang pagtangkilik sa Pelikulang Pilipino, na siyang sariling atin.