Jan 13
AYOKONG MANOOD NG SINE by Alex J. Socorro  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jan 13, 2006

Ayokong manood ng sine kaya napag-iwanan na ako ng kalakaran sa local showbiz. Sa totoo lang, mabibilang ang pelikulang napanood ko sa iilang sinehan na napasok ko magmula noong araw na double-program pa ang mga sinehan kapag hindi ito first-run theater. Ngunit hindi ako natatakot sa kadiliman ng sinehan at wala rin akong pangamba kung magkasunog man. At lalong hindi ako takot sa mga bading na nanghahala sa kadiliman. May mas malalim na dahilan kung bakit ayokong manood ng sine.

Rainbow Theater ang nagbinyag sa aking 5-taong gulang na mga mata. Kilala ng tiyahin ko ang takilyera kaya nalibre kami ng kuya ko sa bayad na beinte sentimos sa balcony. Hindi ko matandaan ang pamagat ngunit naaalala ko pa rin ang isang batang sumasakay sa malaking ibon na nagmula sa bibig ng bulkan. Hindi ko rin nauwaan ang buong palabas dahil sadyang naagaw ng naglalakong tindero ang interes ko sa pamaya’t mayang pabulong na sigaw ng “Mani, juicy, popcorn, Pepsi..” Hindi pa nangangalahati ang pelikula ay dumukot ng 10 sentimos ang kuya ko at bumili ng malamig na soft drink para ipanulak sa baon naming pandesal na may palamang itlog na maalat. Paglabas ng sinehan ay nagmistula akong bulag sa Carriedo dahil sa matinding silaw na dulot ng papalubog na araw.

Bago maglipat ang taon ay muli akong nakapasok sa Rainbow. Hindi ko naunawaan dahil English ang Ten Commandments pero natuwa naman ako sa magandang kulay ng Technicolor at sa balbas ng bidang si Charlton Heston. At hindi ko makalimutan ang pamumula ng puwit ko dahil sa kagat ng surot.

Riverside Theater ang sumunod kong pinasok na sinehan. Matapos magbayad ng 20 sentimos ay diretso ako sa orchestra para panoorin ang Ito Ang Lalake. Feel na feel ko ang palabas dahil habang gumagalaw ang tren na tinutuntungan ni Jess Lapid ay gumegewang naman ang kinauupuan kong mahabang bangko na yari sa kawayan. Lalo pang naging makatotohanan nang pumailanlang ang usok sa gilid ng tren na yun pala ay nanggagaling sa mga katabi kong nagsisigarilyo. Sa pagpalit ng palabas sa ka-double na pelikulang English ay biglang nagdilim ang telon at umalingawngaw ang sigawang “Soli bente! Soli bayad!” Habang hinihintay ang pagbabalik ng palabas ay tinawag ko ang naglalakong tindero at nagpasasa na lang ako sa ice drop na may kumpol na munggo sa dulo.

Pansamantalang inupahan ng lola ko ang Vida Theater kaya muli akong nakapasok ng libre at muli ay sa balcony nakaupo. Technicolor na ang pelikulang Tagalog kaya mas maganda ang haplos sa mga mata ko. Bakbakan ang palabas at si Fernando Poe, Jr. ang bida ngunit hindi ko na matandaan ang pamagat o ang istorya dahil ang nanikit sa aking alaala ay ang masarap na turon na may langka sa loob na niluluto mismo sa gilid ng balcony. Hindi ko na babanggitin ang mapanghing alingasaw na nagmumula sa CR.

Binatang taring na ako nang magyaya ang isang kabarkada sa Empire Theater. Nagitla ako nang tumambad sa aking mata ang mukha ni Nora Aunor at Manny De Leon. Wala sa aking hinagap na ang palabas na pinasok namin ay You Are Always In My Heart. Masakit man sa kalooban ay hindi ko maitanggi na minsan ay naging bahagi ako ng bakya crowd.

Ang una kong nobya ang nagsama sa akin sa Magallanes Theater, isang sosyal na sinehan. Foursome kami ng best friend niyang model na ang boyfriend naman ay isang Fil-American. Malaki ang screen ng Magallanes kaya pagpasok pa lang ay kitang-kita ko na ang pagbulaga ng parang malaking anyo ng puwit. Maya-maya ay naghiwalay ang magkabilang pisngi na yun pala ay ulo ni Pugo at ni Tito Varela. Parang na-renew ang membership ko sa bakya crowd dahil si Nora Aunor na naman ang bida. Kaming Matatapang ang Apog, ang titulo na nagpatapang sa apog ko.

Bagong kasal ako nang buksan ang bagong Raymond Theater. Hindi ko na maalala ang titulo ng pelikulang pinanood ko na si Dina Bonnevie ang bida. Ang hindi ko makalimutan ay ang 2 poste ng gusali na nakaharang sa mismong gitna ng screen. Kaya kahit chikahan at puro pa-cute ang palabas ay maaksyon ang ulo ng mga nanonood sa walang tigil na paggalaw para makita ang screen sa kabilang panig ng poste. Pero in fairness, malakas ang airconditioner nila dahil siguro napakababa ng kisame.

Ang iba pang sinehan kong napasok ay Shaw, New Frontier, Rizal at Ideal (eejal ang pronunciation) na pawang wala na yata sa mapa. Ang Rainbow sa N. Domingo St. sa tapat ng San Juan Municipal Hall ay matagal nang naisara. Ganun din ang Riverside sa tabi ng Mandaluyong market na naging Empire muna bago pinalitan ng Amor at tila nakasara na rin. Na-condemned na ang building ng Vida sa Herran St., Paco, Manila bago pa mag-Martial law. Ang Magallanes sa Makati at ang Raymond sa Boni Avenue sa Mandaluyong ay matagal na ring nag-rest in peace.

Kaya bilang tulong sa naghihirap na local movie industry ay hindi na ako nanonood ng sine ngayon. Walang kinalaman ang pirated VCD sa pasya ko dahil wala naman akong video player. I have come to terms, sabi nga sa English, na hindi baleng maiwan ako ng panahon kaysa naman isa-isang magsipagsara ang mga sinehang papasukin ko. Yan lang ang maitutulong ko sa movie industry, ang pag-iwas ng kamalasan sa mga sinehang papasukin ko!

Comments to this article can be sent to ajsocorro@yahoo.com