Sep 16
ACTION MOVIES MAKE ME CRY by Corie Henson  |  Posted in Articles  |  on Fri, Sep 16, 2011

Talking of action movies, the first name that comes to my mind is Fernando Poe, Jr. It may be because FPJ had been making movies regularly and hitting the box office with his fists and his guns during my college days.

Pero para sa iba, mas gusto nila si Lito Lapid, Rudy Fernandez, ang mag-amang Revilla, at marami pa. Syempre hindi puwedeng mawala sa unahan ng listahan si Joseph Estrada na naging pangulo ng Pilipinas.

Action movies ang dahilan kung bakit naging successful sa pulitika ang mag-amang Joseph at Jinggoy Estrada, pati ang mag-amang Ramon Revilla. Muntik na ring maging pangulo ng bansa si FPJ, hindi ba?

Truly, during the heydays of the Philippine movie industry, the action movies gave the drama movies a good competition. Pag may bagong action movie sa sinehan, big deal ito. Hindi nga lang kasi uso ang premiere showing noong panahong iyun.

With the daring stunts, out of this world costumes, and colorful language, so many guys enjoyed the action movies. Meron akong mga classmates na ginagawang inspiration, hindi lang ang mga action stars kundi pati mga eksena o dialogue.

Pinasikat ni Ramon Revilla ang expression na “Bubulukin ko ang tumbong mo.” Andyan din ang “Anak ng teteng” ni Eddie Garcia at ang immortal na linya ni Rudy Fernandez sa Markang Bungo na “Trabaho lang, walang personalan.”

But if we look carefully, napakarami palang dapat mapansin sa mga local action movies. Una na rito ang typical plot ng paghihiganti o vengeance. Sabi nga sa foreign movies, reversal of fortune ang pivotal part ng story.

Bukod sa pagiging api ng bida sa umpisa ng pelikula, kadalasan na siya ay mahirap sa buhay at mababaw lang ang narating. Ang kontrabida naman ay madalas na nakakaangat sa posisyon – mayaman o may mataas na katungkulan.

Sa hitsura o porma, bakit kaya ang bida ay laging naka-jacket o long sleeves? Ang kontrabida naman ay either napakaganda ng attire o sobrang marusing ang ayos. Diyan siguro ipinakikita ang contrast ng bida versus kontrabida.

Sa setting naman, madalas makita ang isang pondahan o maliit na sari-sari store kung saan nag-iinuman ang mga pangit na kontrabida. Dadaan ang bida para piliting tumagay o kaya ay dadaan ang leading lady para bastusin.

Permanent fixture sa action movies ang warehouse o malaking bahay. Pagpasok sa loob ay makikita ang mga maskuladong lalake na pangit ang mukha. Sila ay nagsisigarilyo, nagsusugal at nag-iinuman ng alak.

Sa encounter ng bida sa kanyang mga kalaban, madaling malaman kung sino ang kontrabida at kung sino ang extra na stuntman. Isang suntok lang ang kaya ng stuntman samantalang ang kontrabida ay tumatagal ng isang oras sa suntukan.

Ang isang nakakapagtaka ay ang halos walang katapusang labanan. May mga action movies na suntukan o barilan ang makikita sa mahigit kalahati ng pelikula. Yan daw ang essence ng action movie – ang labanan.

Ang bida ay sumasagupa sa hindi mabilang na kalaban na tila ba hindi siya napapagod at hindi tinatablan ng sakit. Pero pagkatapos ng labanan ay napapasigaw ang bida sa sakit ng mga galos na ginagamot ng leading lady.

Pagdating naman sa barilan, ilang beses nating nakita ang isang tauhan na naubusan ng bala. At ano ang ginawa sa baril na walang bala? Itinapon. Hindi na mabilang ang baril na itinapon ng kontrabida at pati na rin ng bida.

Sa baril pa rin, kapag nakahawak ang leading lady at naiputok ang baril, siguradong sapul ang target. Hindi na kailangang sabihin na ang leading lady ay first time lang na makahawak ng baril.

Ang speaking of leading lady ng action movies, napakahinhin niyang kumilos pero pagdating sa labanan ay kaya niyang magpatumba ng kontrabidang lalake. At matapang din siya lalo na kung ang kontrabida ang kaharap.

Pangkaraniwan sa action movies ang eksenang malapit nang patayin ang bida. Nakatutok sa kanya ang baril ng kontrabida pero bago kalabitin ang gatilyo ay maglilitanya muna ang kontrabida hanggang dumating ang pagkakataon na makaalpas ang bida.

At sa punto ng kamatayan kung saan naghihingalo ang bida o leading lady ay hindi nawawala ang litanya ng mga kadramahan. Imbes na dalhin sa ospital o tumawag ng doktor, magsusumbatan o magkukuwento pa ng mga nakaraang pangyayari.
Ang budget ng pelikula ay mahahalata sa blasting o putukan. Kapag overkill ang putukan, that means malaki ang production budget. Minsan naman ay bitin ang putukan kaya obvious na bitin din ang budget.

Sanay na tayo sa late response ng mga pulis sa action movies kung hindi rin lang konektado sa bida ang pulisya. At pagdating sa pag-aresto, para bang kilala na ng mga pulis kung sino ang dapat hulihin.

Naitatanong ko tuloy minsan na ang mga nasabing kapansin-pansin ay totoo kayang ginaya lang natin sa foreign movies? O baka naman ang foreign movies ang gumaya sa ating mga action movies?

Para sa mga komento, puwede kayong mag-email sa corzhens@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/