Dec 13
FAMAS: HINDI PA TAPOS ANG GULO by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Dec 13, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines

Sa wari ay hindi pa rin matatapos ang gulo sa samahang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences hangga’t hindi magdedesisyon ang Court of Appeals kung sino ang talagang dapat mamuno sa samahang ito. Ang grupo ni Col. Jimmy Tiu o ang grupo ni G. Arturo Padua na nag-angkin na siya raw ang may higit na karapatan.

Kung natatandaan pa ninyo, nagsimula ang gulong ito noong magdeklara si G. Art Padua na pasususugan niya ang Saligang Batas ng FAMAS para magkaroon siya ng extension sa panunungkulan. Natapos na ang kanyang dalawang-taong termino noong nakaraang Hunyo 30, 2005 kung kaya ipinasiya ng mga miyembro at mga opisyales na magdaos ng halalan noong Hunyo 25, 2005.

Sa naturang eleksiyon, ang nagwagi ay si Col. Jimmy Tui. Subali’t ayaw itong kilalanin ni G. Padua dahil siya raw ang dapat tumawag ng eleksiyon at siya pa rin ang uupong pangulo ng FAMAS dahil nagkaroon ng extension ang kanyang panunungkulan. Pinaboto ni G. Padua ang ilan sa mga dating miyembro at ang mga bagong recruit niyang mga associate member.

At para mapigilan ang panunungkulan ng grupo ni Col. Tiu, nagharap ng demanda sa Court of First Instance ng Maynila. Subali’t dahil hindi naasikaso nito at hindi makakuha ng katibayan si G. Padua para mapatunayan na may higit siyang karapatan sa pamumuno ng samahan.

Nagkaroon ng pagdinig sa korte at pagkaraan ay ipinasa iyon sa Securiy and Exchange Commission para desisyunan ang naturang usapin. Pero hindi rin naayos at napagkasundo ang dalawang grupo kung kaya’t muli itong ibinalik sa Corporate Court na siya raw may jurisdiction sa naturang usapin. Hindi rin ito nabigyan na paborableng desisyon sa panig ni Col. Tiu.

Habang dinidinig sa korte ang usapin, nagbalak si G. Padua at ang kanyang mga kasamahan na magdaos ng annual FAMAS Awards noong nakaraang Hulyo 15, 2006 sa U.P. Film Center. Subali’t nakakuha ang grupo ni Col. Tiu ng TRO (temporary restraining order) para mapigilan ito. Ang TRO ay nagmula sa RTC ng Maynila.

Upang hindi mabakante sa taong ito ang pagbibigay ng FAMAS ng parangal sa mga mahuhusay na director, artista at mga talinong gumaganap sa paggawa ng pelikula, nagdaos ng awards night ang grupo ni Col. Tiu sa Golden Fortune Restaurant noong Oktubre 13, 2006 at ang ginamit nilang pangalan ay 55th Annual Maria Clara Awards na siyang unang pangalan ng Famas

Naging maganda rin ang pagtanggap ng publiko at ng mga taga-show business sa award giving body na ito na tinaguriang Maria Clara Awards. Katunayan, ang pagtitipon ay dinaluhan ni Dr. Alejandro Roces na siyang nagbigay ng pangalan sa naturang awards, bago pa ito naging FAMAS awards.

Naging panauhin din sa naturang pagpaparangal sina G. Leo Martinez, director general ng Film Academy of the Philippines. Gayon din si Mrs. Cecille Guidote-Alvarez na chairperson ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts) na siyang naging host kasama si Rey Langit. Dumalo rin sa naturang okasyon si Don Manoling Morato na tumanggap ng award.

Nagbigay ningning din ang pagdalo ni Carlo J. Caparas, kasama si Donna Villa. Gayon din sina Atty. Nestor Mantaring na director ng NBI at G. Pablo S. Gomez na pangulo ng Screenwriters’ Guild of the Philippines. Naroroon din si G. Roy Mabasa na pangulo ng National Press Club.

Bagamat nagpalabas ng Restraining Order ang SEC na hindi pwedeng gamitin ng alin mang grupo ang pangalang FAMAS Awards, noon nakaraang buwan ay itinuloy rin nina G. Art Padua at mga kasamahan ang pagpaparangal sa mga artista at director ng pelikula at ang ginamit nila ay ang Annual FAMAS Awards.

Ang naturang pagpaparangal ay itinanghal sa studio ng Channel 4 at ito’y ipinalabas sa programa ni Undersecretary Robert Rivera sa Pilipinas Ngayon upang hindi ma-TRO. May dalawang oras ang itinagal ng pagtatanghal noon.

Hanggang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang desisyon ang Court of Appeals kung sino sa grupo nina Col. Jimmy Tiu at G. Art Padua ang dapat mamuno sa pinakamatagal nang samahan na nagbibigay ng parangal sa industriya ng pelikuang Pilipino.

Subali’t nang kausapin ni Col.Tiu ang abogado ng SEC na may hawak sa kaso ng samahang ito ay tinanong siya ng naturang abogado kung sino ang naunang nag-file ng request para ma-lift ang revocation ng permit ng FAMAS. Sinabi ni Col. Tiu na ang grupo niya ang nauna at nagbayad ng lahat ng penalty ng FAMAS sa SEC.

Maging ang business permit sa Maynila ay nakuha at nabayaran na rin ng grupo ni Col. Tiu kaya wala na sigurog dahilan pa para hindi kilalanin ang grupo ng mga tunay na miyembro at opisyales ng samahang ito—ang grupo ni Col.Jimmy Tiu.