Aug 25
NAGBAGO NA SI CLAUDINE BARRETTO by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Aug 25, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines

Marami ang nakapanood ng pelikulang Sukob na pinagtambalan nina Claudine Barretto at Kris Aquino mula sa direksyoh ni Chito Roño. Na ayon sa pinakahuling resulta sa takilya, sinasabing ito ay naging box office hit. At dahil dito, binigyan tuloy ng malaking bonus sina Kris at Claudine.

Pero ano nga ba ang sikreto ng tagumpay ng pelikulang Sukob at ito’y naging box-office hit? Super-ganda ba ang istorya kung kaya nangyari ito o dili kaya’y ito ba ang kauna-unahang pelikula na pinagsamahan nilang dalawa ni Kris at pinag-kumpara ng mga moviegoer ang mga kakayahan nila?

Sabi nga ng mga nakapanood, parang hindi naman kapani-paniwala iyong komo mag-kapatid sina Kris at Claudine (hindi alam ni Kris na si Claudine ay anak ng tatay niyang si Ronaldo Valdez sa ibang babae) at nagkataon na magkasukob sila ng taon nang ikasal. Na dahil duon, isang sumpa ang naganap at ang mga abay nila at mga ninong at ninang ay pawang namatay.

May isang babae na gumawa pa ng paraan para ma-aksidente ang mga naging asawa nina Claudine at Kris. At bigla na lamang nawawala ang mga bangkay ng mga ito at hindi na nakikita pa ng mga nag-iimbestigang pulis. Sabi nga ng mga kritiko ay mabibihirang nagkakatutuo ang pamahiing ito sa tunay na buhay.

Subali’t dahil ito nga ay mula sa imahinasyon ng isang batikang director na talaga namang marami na ring pinatunayan na naging box office hit ang mga pelikulang i-dinirihe niya, lalo’t ang mga ito’y may temang katatakutan. Sabi nga’y parang nahuhuli ni Direktor Chito Roño ang kiliti ng mga manonood ng pelikulang Pilipino.

“Subali’t bukod kay Direktor Roño, ang isa pa sa mga hinangaan at naging usap-usapan ng mga tao ay ang malaking pagbabago ni Claudine Barretto, lalo’t kung pag-arte ang pag-uusapan. Kuhang-kuha niya ang arte ng isang kinakabahan at natatakot sa maaaring mangyari at kasapitan ng mga karakter. Talagang nakikipagsabayan siya ng husay sa pag-arte ni Kris Aquino.

Kunsabagay, hindi lang naman sa pelikulang iyon nakita ang mahusay na pagganap ni Claudine. Mula sa mga pa-sweet-sweet role niya noong panahon na nakakatambal niya si Mark Anthony Fernandez ay naiwanan niya ang image na iyon at napalitan iyon ng image ng full-pledged actress.

Sa pelikulang Milan ay pinatunayan niya ang husay niya sa pagganap nang mapagwagian niya ang award sa dalawang kinikilalang award-giving body—ang FAMAS at ang Luna Award ng Film Academy of the Philippines. Hinangaan din ang kanyang kahusayan sa peliklang Nasaan Ka Man at Dubai.

Kahit sa mga television series na ginampanan noon ni Claudine ay talagang sinusubaybayan siya at sinasabing may malaking hinaharap siya sa larangan ng pag-arte. Sabi nga ng isang kaibigan naming reporter, malaki ang nagawa ni Direktor Wen Deramas sa ikinahusay ng pag-arte ni Claudine.

“Nagkasama sila ni Claudine sa television series na Marina. Duo’y hinubog ni Wen ang nakita niyang pag-arte ni Claudine. Naipamalas ni Claudine ang husay sa pag-arte sa mga water scene na ginawa nila sa Marina.

“Marami pang pelikulang gagampanan si Claudine at marami pang award siyang tatanggapin, lalo’t paghuhusayan niya ang pagganap sa bawat role na ibibigay sa kanya. Para siyang si Vilma Santos noon na talagang may sincerity sa bawat pag-arte. Lagi siyang nag-uukol ng konsentrasyon para maging magdanda ang pag-arte niya,” ang sabi pa ng kritikong yon .

Kung ikukumpara sa ibang aktres, si Claudine ay hindi gumagawa ng intriga para pag-usapan ng mga reporter. Pinag-uusapan siya ngayon dahil sa husay ng kanyang pagganap at sa mga magagandang role na ibinibigay sa kanya ng kanyang mother studio.

“Kaya naman po nagpapasalamat ako kay Mam Charo Santos sa mga pagtitiwalang ipinagkakaloob niya sa akin. Magaganda ang mga movie project na ina-assign niya sa akin. Kaya naman pinagbubutihan kong maigi dahil ayaw ko pong masayang ang pagtitiwalang yon,” ang naipahayag pa ni Claudine.

“At siyempre pa, sa mga tagumpay kong ito ay laging kasama ko ang aking inspirasyon. Ang aking kabiyak na talaga namang inuunawa niya ako at lagi na’y binibigyan niya ng suporta ang mga roile na ipinagkakaloob sa akin. Hindi niya pinasasama ang aking loob kung kaya bawat pagganap ko ay nakakapag-concentrate ako,” ang pagwawakas na pahayag pa ni Claudine Barretto sa amin.