Aug 19
MGA OFW SA WOWOWEE by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Sat, Aug 19, 2006

Ni Pablo R. Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines

Noong miyerkules (Agosto 2, 2006). nagtaka ang sumulat ng artikulong ito kung bakit napakaraming bus na may nakalagay na karatulang OWWA na nakaparada sa Panay Avenue at Bohol Avenue sa Quezon City, malapit sa building ng ABS-CBN Channel 2.
Ang dahilan pala noon ay naging panauhin sa programang Wowowee ang mga bagong dating nating OFW na pawang nanggaling sa Lebanon.

Sila’y mga balikbayan na noon pa mang nasa Lebanon ay pinapangarap nang makasali sa popular na show na Wowowee na napapanood nila via TFC (Television Filipino Channel) Kaya naman nang makauwi sila rito sa ating bansa ay iyon agad ang hiniling nila sa mga opisyal ng OWWA. Na makapanood at makalahok sa naturang programa.

Kasabay noon , ipinakita rin ng mga cameraman ng ABS-CBN ang mga kababayan nating naiwan sa Our Lady of Miraculous Church sa Beirut. Ang mga ito’y pawang nag-iiyakan at nakikiusap na sila’y tulungan upang makabalik sa ating inang bayan. Ang ibang nakapanayam ay nag-sabi ang naging hirap na tinitiis nila sa pagkakaroon ng mga among hindi umuunawa sa kanilang kalagayan. Kahit binobomba na ang kanilang kinaroroonan ay ayaw silang payagang lumikas at makauwi rito sa ating bansa. Ang iba ay pinagbibintangan na sila ay magnanakaw.

Kaugnayan nito, dalawang Pilipinang domestic helper ang naiulat na namatay nang magtangka ang mga itong tumakas sa kanilang pinagtratrabahuhan. Ayon na rin sa ulat na natanggap, nagpapaalam ang mga ito para makabalik na sa Pilipinas, subalit hindi pinayagan ng kani-kanilang amo. Kung kaya nang makakita sila ng pagkakataon ay lumundag sila sa terrace ng mga gusaling kanilang kinaroroonan.

Dahil sa balitang iyon, nag-iyakan ang lahat ng mga mga nakarinig at nakapanood ng balita. Maging ang mga OFW at mga balikbayan na nanggaling sa iba’t-ibang bansa ay nagsi-iyakan, awang-awa sa mga sinapit ng mga kapwa natin Pilipino sa Lebanon. Ang totoo marami sa kababayan natin ang ayaw umuwi sa mga probinsyang kanilang pinanggalingan dahil sa karamihan rito ay walang perang panguwi.

May mga kababayan pa rin tayo na kung kaya gusto pumunta sa Wowowee ay nagbabakasakali sa Willie of Fortune o dili kaya’y sa Kwarta o Bayong na mga palarong ginagawa sa naturang programa.

“Ibig ko pong magkapera at kung manalo ako ay gusto ko namang makapag-uwi ng kahit anong paalubong sa aking pamilya” ang pahayag ng isang nakapanayam na nagbabakasakaling makasali sa palaro ng Wowowee.

”Kung manalo po ako ng malaking halaga, kalahati noon ay ibibigay ko sa kababayang naiwan sa Lebanon” ito naman ang sinabi ng isang OFW na kasamang dinala sa OWWA.

Ang iba, kahit hindi gaanong marunong sumayaw at kumanta ay pinipilit niyang makapagbigay saya. Kaya naman ito ng kani-kanilang talino at binigyan sila ni Willie ng tig P1,000 o $50 na mula sa TFC subscriber. Kaya namang tuwang tuwa ang mga naturang OFW kahit hindi siya manalo sa pinahuhulaang pamagat ng musika.

Dahil na rin sa mga narinig ng ibat-ibang malungkot na karanasan ng mga OFW sa bansang kanilang pinanggalingan awang awa naman ang mga miyembro ng TFC. Kaya naman,kahit hindi sila hingan ni Willie ng pera ay kusang loob silan nagbigay.

Sa kabilang dako, maging ang OWWA Administrator na si G. Marianito Roque ay nagpasalamat sa pamunuan ng ABS-CBN na pinaunlakan nila ang kahilingan ng ating mga bagong dating na kababayan na ang mga ito ay makasali sa at makapanood ng popular noontime show.

Sinabi niya na kung iyon ang makakapagbigay sigla at tuwa sa ating mga kababayang balikbayan ay gagawin nila ang kanilang magagawa upang makapagbigay ng kasiyahan. Ipinahayag din ng administrator Roque na may mga binabalak na silang mga plano kung paano mabibigyan ng hanap-buhay o pagkakakitaan ang mga napa-uwing mga kababayan.

Sa ngayon ay sinisikap pa nilang makumbinsi ang mga nalalabi pa nating kababayan sa Lebanon na lisanin na at umuwi na ng Pilipins bago mahuli ang lahat. Subalit ipinahayag rin nila na hindi magiging madali ang paglikas ng mga ito sa Lebanon dahil halos walang madaanan. Binomba na ng mga taga-Israel ang mga tul;ay na kanilang dadaanan, kaya malaking hirap ang kinakaharap ng ating embahada para maisagawa ang pagpapalikas.

Maging ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay labis na nalungkot sa pagkamatay ng dalawang OFW sa Lebanon na gusto na makauwi sa ating bansa. Kaugnay nito nagpalabas na rin siya ng kukulang pondo para sa mass evacuation ng mga natititra pang Pilipino sa Lebanon. Sana raw ay hindi na maulit ang nangyari sa dalawng Pilipina na naghahangad na makabalik sa ating tinubuang lupa.

Nakikipag-ugnayan rin ang ating mga diplomatic representative sa mga magiging possible exit na pagdadaanan ng nalalabi pang OFW. Binabalak na rin nilang gumamit ng barko para masakyan ng mga Pilipino pabalik dito sa ating bansa.