Aug 04
SOBRANG SHOWBIZ by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Aug 4, 2006

Ni Julie Nuñez

Sa dami ng mga nag-lipanang pelikula, masasabi natin na ang simpleng buhay nating mga Pilipino ay nahahawig rin sa showbiz. At sa bawat eksena ay tiyak na may tatak na senaryo sa ating mga utak. Ang iba naman ay nagagaya o pilit na ginagaya at kung minsan ay nadadala pa natin sa pang araw-araw na pamumuhay. Aba’y subukan mong magmuni-muni, obserbahan ang iyong paligid at saka mo sabihin na mali ako. Kung hindi man ikaw ang gumagawa ay tiyak na ang nakakasalamuha mo ang salarin. Paano kamo? Aba’y basahin mo ang artikulo ko.

Kung ang guard ninyo sa lobby ay si Palito –alias Rambuto– at sa tuwing papasok ka ay babati ng “Good Morning Maam…Sir” with matching ubo. Aba’y mag isip ka. Nasa lobby ka ba ng opisina o ng ospital?

Kapag ang time administrator ninyo ay si Cherie Gil na ang morning greeting niya with a smile ay… “Welcome to hell…” kakayanin mo pa kayang makita siya sa umaga?

Karamihan sa ating mga Pilipino ay pabalat-bunga lamang ang isang imbing ngiti. Isa nang halimbawa dito ang mga sales lady. Habang tumatagal ka sa pagpili ng bagay ng gusto mo, makikita mong isang pilit na ngiti na ang lilitaw sa kanilang mga labi. Kulang na lang ay sabihing “Ma’am…Sir, bibili po ba kayo? O titignan nyo lang yan at papagurin niyo ako mag-hapon?”

Kung ang head ng Human Resource department ninyo ay si Bella Flores, aba’y pumili ka ng mahusay husay na empleyado. Kundi’y isang katakot-takot na pandidilat ang mararanasan mo.

Kung ang HR Staffing head ay si Dexter Doria … at pag pumasok ka na walang ID o hindi naka-uniform… kakaladkarin ka nila sa buhok palabas ng opisina pagkatapos kang pagsasampalin. Aba’y mas magaling. Karamihan kasi sa atin ay hindi marunong sumunod sa regulasyon. Susubukan mo pang magdahilan at sa huli ay mapaparusahan ka rin lang.

Kapag ang Employee Benefits head ay si Lolit Solis… sige, magreklamo ka na maliit ang sueldo mo… sige lang, I dare you!!!!

Kung tuwing may problema ang kompanya, ang Corporate Communications head ninyo na si Cristy Fermin ang nagbibigay ng official company statement… at ang simula nang kanyang presscon ay… “Galing ito sa isang reliable source at itataya ko ang buhay at karangalan ko dito… dahil wala akong libel case na inuurungan…” wala nga ba? Kayo may naaalala ba?

Kapag ang official company driver niyo ay si Vandolph. Explanation not required di ba?

Kung ang kasama mo mag-OT ay si German Moreno…Kakayanin mo ba? Itoy’ payong pang-kaibigan lamang. Unahin mo muna ang trabaho bago ang daldal kung hindi’y titiyakin ko sa inyong walang tulugan!

At kung noong huling company anniversary ay sumayaw ka nang naka-damit babae sa tugtog na “ang ganda ko… feel na feel ang long hair ko…” kinabukasan dumating si Robin Padilla para itanong sa yo kung niloloko mo ang kapatid niya…

Kapag ang messenger ninyo ay si Kuya Cesar, “a-ano… po…yun… Ma’am?” kundi man kasing bagal ang pananalita ay sigurado namang kasing kupad ng pagong ang kilos nito. At bago pa siya makarating sa destinasyon abot-abot na sermon na ang natanggap mo.

Kung si Boy Abunda ang Career Counselor mo at tuwing me problema ka ang tanong niya ay… “Mag-usap tayo, kaibigan… kung nasa harap ka ng salamin ano ang sasabihin mo sa iyong sarili?” Madalas ang ganitong sitwasyon, nagugulumihanan tayo sa kung saan ba tayo patutungo. At kinakailangan pang sumangguni, mabuti sana kung pag-katapos ng inyong pag-uusap ay masisiguro mo na kung ano ang nararapat mong gawin sa buhay. Paano kung hindi? Ang masama pa nito ay lalo ka lamang nalito.

Kapag si Love Añover ang voice behind your automated phone system. “Mga katsokaran… ip you chuva da number eklavu… dependots 1… ips not… luz valdez… charing!…Have a nice & lovely days”

Kung ang Office Security niyo ay binubuo ng Tulfo Brothers… bigla silang darating sa opisina mo at sasabihing “Hephephep… nag-uuwi ka ng bond paper… tarantadong to ah… manggagantsong butete ka!!!” At pag tumanggi ka… ipapanood nila sa yo ang hidden camera shots na nagpupuslit ka ng dalawang pirasong bond paper mula sa printer… habang pinoposasan ka ng mga pulis.

Kung noong Halloween party niyo ang costume mo ay Lizardo… at dun mo rin first time na-meet ang anak ng may-ari na ang pangalan ay Tristan… alias Panday. Next halloween me tribute sa buhay mo na ipapalabas.

Kung tuwing pasko ang prize committee head ay sina Bernadette Sembrano at Vicky Morales. Taon-taon din ay nananalo ka ng banana cue at pedicab showcase. At nangangarap ka na sana next time ay si Willie Revillame naman para may jeepney o taxi ka na. Oh di ba! mas sosyal ang dating. Pero wag namang pipila ka pa para bumili ng ticket at maranasan ang stampede.

Kapag si Michael Fajatin ang laging nagpe-present ng annual report niyo… “Mga Igan… nung umabot sa P50M ang ating kinita… kumita tayo ng P50M… matapos nating magtrabaho nang matindi kumita tayo ng P50M pero bago yan ay nagtrabaho muna tayo saka tayo kumita ng P50M.” Paulit-ulit diba? At uulit pa ng uulit lalo’ t kung ang ibang kasamahan mo ay naguguluhan sa paulit-ulit niyang sinasabi. Ay! pati yata ako paulit-ulit na rin!

Eto pa kung ang akala mo sa sandaling pahinga tulad ng pag-kakape o ng pag-yoyosi ay wala ng sisita sa iyo… nag-kakamali ka. Lalo’t kung ang Boss mo ay si Big Brother… at alam niya na lampas 15 minutes ka nag-coffee break kaya kailangan mo mag-type nang gamit ang ilong mo hanggang patawarin ka niya. Gugustuhin mo pa kayang mag-pahinga?

Kapag ka-opisina mo ay si Arnold Clavio at pag naka-leave siya… Malamang na may good news at bad news. Good news dahil wala siya, bad news dahil ang OIC niya ay si Arn-Arn. Akala mo pa naman mabubuo ang araw ng hindi mo sya nakikita…yun pala ay may substitute.

Kung ang department head mo naman ay si Mike Enriquez… Mag-trabaho ka ng maayos. Dahil sa bawat maling gagawain mo…HINDI KITA TATANTANAN!!!!

O tama ba ako at mali ka? Hindi natin maikakaila na malaki na ang impluwensya ng showbiz sa atin. At ang masasabi ko lang SOBRANG SHOWBIZ NA TAYO!!!