Apr 21
ARNEL IGNACIO: MAY LUHA RIN BA SA KABILA NG TAGUMPAY? by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 21, 2006

Ni Pablo Libiran
(Screenwriters Guild of the Philippines)

Sinasabi na kapag ang tao ay isang masayahin at mapagpatawa, tiyak na masaya rin ang tunay na buhay na ginagalawan nito. Sa madaling-sabi’y walang puwang sa kanya ang kalungkutan o dili kaya’y problema. At ang maganda pa nito, ang tao raw masayahin ay hindi tumatanda. Walang magiging pileges ang kanyang mukha.

Sa maraming pagkakataon ay totoo ito. At marami rin sa mga komedyante natin na kinikilala hanggang sa kasalukuyan ang magaganda at matatagumpay ang kani-kanilang mga buhay. Bukod sa nagiging masagana rin ang mga kabuhayan, marami rin ang humahanga at nagmamahal sa kanila. Paano nga’y iniisip ng mga kasama nila na walang puwang sa kanila ang lungkot kapag kasama nila ang taong mapagpatawa.

Pero kung may mga tao mang tagumpay at mauunlad ang mga buhay, may mga tao rin naman na kabaligtaran ang tunay na buhay na kanilang ginagalawan. May mga komedyante rin na matapos managumpay ng habang panahon, ngayon ay pawang hikahos at malulungkot ang mga buhay na ginagalawan. Wala na ring producer o kaya’y mga director na kumukuha sa kanila para gumanap at maipamalas ang kanilang mga talino at kakayahan.

Isa si Arnel Ignacio sa masasabi nating naging matagumpay rin ang kanilang career bilang host ng mga sumikat at tumanyag na mga programa sa telebisyon. Dahil bukod sa mahusay itong umawit, kakaiba rin ang talent nito at galing sa pagpapatawa. Ang kaunting clue na ibinibigay ng director ay kanyang nadi-develop at higit napapaganda.

Isang pagkakataon pa rin, dahil sa kanyang mahusay na pag-e-emcee sa Videoke Challenge ay kinuha siya ng Channel 2 upang gawing host ng Magandang Tanghali Bayan. Binayaran siya nang malaking halaga at pinapirma sa isang exclusive contract para mag-host ng mga bagong programa.

Pero hindi naman nangangahulugan na kapag nag-click ka sa isang programa ay magiging click ka rin sa iba pa. Sa madaling sabi, hindi nadala ng kakalugan ni Arnel ang kanyang mga kasama upang mapataas ang rating ng Magandang Tanghali… kaya naman pagkatapos ng ilang buwan, ay parang naisa-isantabi ulit si Arnel.

Bukod sa problemang iyon, sumulpot ang iba pang mabigat na problema kay Arnel. Ito’y kaugnay ng personal na relasyon niya sa kanyang maybahay. Na dahil sa isang maselan na problema, ang asawa ni Arnel ay nakipaghiwalay sa kanya. Maging ang pagkandili o pag-aalaga sa mga anak nila ay isa pa ring mabigat na problema na nakapagpagulo sa isipan niya.

Pero sa kabila ng mga problemang iyon ay nagsawalang-kibo lamang si Arnel. Nanahimik siya at hindi niya ninais na lalong bumigat ang mga problema. Pero talaga yatang kung ano ang mga nakamit niyang tagumpay sa una ay may kaakibat namang iyong mabibigat na problemang dapat paglabanan ng isang tao.

Hindi lang sakit ng damdamin ang naranasan ni Arnel. Nagkaroon din siya ng sakit na mabigat at talagang mahirap yatang mabigyan agad ng lunas. Pero hindi pa rin sumuko si Arnel. Sa halip ay lalo niyang pinagtibay ang pananalangin at pananalig sa Poong Lumikha. Bukod pa sa ginagawa niyang pagpapagamot.

At maganda naman ang naging resulta nuon. Sa halip na magmukmok at mang-hina si Arnel ay lalo siyang sumigla at laging napapanuod na lumalabas sa mga personal appearances. Pinatatawa niya ang maraming taong may problema at pinasasaya rin niya ang mga ito sa kanyang mga kanta.

Bumista rin si Arnel sa mga kaibigan niyang mga senior citizen, lalung-lalo na iyong mga taga-PUSCA (Philippine United Senior Citizens’ Association) na dating itinatag ni Lola Luz Gonzalez. Nagbigay rin siya ng tulong at binisita rin niya ang mga bahay ampunan. Dito’y lalong sumigla at gumaan ang pakiramdam ni Arnel.

Ayon na rin sa kanya, “Napakaganda ng pakiramdam, lalo’t muli kong binabalikan ang mga dating lugar na aking pinupuntahan. Gayon din ang mga dati kong kaibigan at kakilala na matagal-tagal ko na ring hindi nakikita. Para bang nawawala ang aking mga problema,”ang sabi pa niya.

At pagkaraan ng ilang buwang pagkakawalay ni Arnel sa mother studio niya, muli na naman siyang kinuha nito para maging host ng isang malaki at magandang programa sa telebisyon. Maganda rin ang titulo nito. Napapanahon. Ito rin ang ginagamit na slogan ng isang kompanya ng telepono at ng mga miyembro ng Hyatt 10.

Now Na! Ito nga ang titulo ng pinakabagong programa ni Arnel Ignacio. Ito’y mapapanuod tuwing araw ng miyerkules, mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi sa QTV Channel 11. Tipong game show rin ang format ng show na ito na kung saa’y talagang forte ni Arnel Ignacio. At ayon na rin sa mga nakapanuod na naturang show, talagang masaya at maganda ang pagho-host dito ni Arnel kung kaya ito’y susubaybayan ng mga nasusugid niyang tagahanga.