Apr 14
ANO BA ANG PANG-AKIT NI MICHAEL V.? by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 14, 2006

(Screenwriters Guild of the Philippines)
Maraming tao ang sinisikap maging mahusay na komedyante, subalit hindi nagki-click sa pananaw at pangmalas ng mga moviegoers at mga televiewers. Kung minsan, sa kapipilit ay magiging mais o corny ang kanilang mga comedy. At kapag sumosobra naman, nagiging OA o overacting.

Subalit iba si Micheal V. Para bang sa kaunti lamang niyang pag-galaw o pag-arte ay napapatawa na niya ang marami. Katulad na lamang ng pag-gaya niya ng iba’t ibang boses. Tutuong tao man tulad ni Mike Enriquez ng 24 Oras, at mga karakter na likhang-isip lamang pareho ni Bitoy at Junie Lee. Ang lahat ng iyan ay nabibigyan niya ng iba’t ibang karakter. Kapag ginaya niya ay talagang gayang-gaya.

Maging si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nagagaya niya ang boses at ang pag-arte. At kapag napanood mo ay tiyak mapapatawa ka. Masasabi mo sa sarili na iba talaga ang talent ni Micheal V. Kung natatandaan pa ninyo, unang nakilala ang pangalan ni Micheal V. bilang mag-aawit. Naging hit ang kanyang awiting Pinukpok Mo ng Martilyo na patungkol sa isang babaing malupit na lahat nang pananakit ay ginawa sa lalaking umiibig.

Pagkaraan, nagkasunod-sunod na ang mga movie offers sa kanya sa iba’t ibang pelikula na siya ang bida o kaya’y nasa second lead role. At ang mga pelikulang iyon ay kumita sa takilya.

Dahil sa pambihirang talent ni Micheal V., hindi nag-atubili ang Channel 7 na kunin siyang contract star. Binigyan agad siya ng mga programa na kung saan ay lagi siyang bida. Isa na ruon ang Bubble Gang na umabot na rin sa sampung taon ang pagsasa-telebisyon.

Duo’y madalas na umaawit at nagsasayaw si Micheal V. Tuwang-tuwa ang marami lalo’t siya ang gumanap sa eksena. Katulad na lamang nang pag-gaya nila at pag-spoof sa mga popular at magandang TV commercials.

Halimbawa, ang produkto ay Fita biscuit. Sa halip na Fita ay gagawin nilang Tita. At pagkaraan ay ida-dramatized nila. Halos kopyang-kopya, pero and pagkakaiba lang ay nakakatawa. Gayon din ang mga produkto ng UNILIVER na ginagawa naman nilang UDILIVER.

Syempre ang mga ito’y hinihingi nila ng permiso sa kompanya. Na sa halip na magalit ay lalo pang natutuwa sa kanilang ginagawa. Kaya naman kahit na late na ang pagpapalabas ng Bubble Gang ay click na click ito at top rated lagi sa mga survey.

Talagang nakakatuwa si Micheal V., kaya naman binigyan pa ulit siya ng isa pang TV show na kung saan ay siya ang host. Ito ang Bitoy’s Funniest Videos. Dito’y may pinapakita silang mga film clips o mga nakakatawang kuha sa video na maaaring sinadya o nakunan ng hindi sinasadya.

May mga eksena rin si Micheal na nagpapanggap siyang driver ng taxi. Iibahin ang ayos ng mukha niya at babaguhin pati boses niya. Lolokohin niya ang sasakay na pasahero at pagkatapos ay sasabihin sa bandang huli na sila’y kinunan sa telebisyon. Nagugulat pa ang pasaherong iyon. Tawa naman nang tawa si Micheal V. pagkatapos ng nagawa niyang pagbibiro at kalokohan.

Bukod sa dalawang programang nabanggit, mainstay rin sa Eat Bulaga na kung saa’y nakikipagtagisan siya ng talino sa pagpapatawa kina Tito, Vic at Joey. Duo’y umaawit din siya.

Dahil na rin sa hindi napigilang pagsikat at pagiging paboirito ni Micheal V. ng mga televiewers, madalas din natin siyang mapanood na product endorser. Katulad halimbawa sa JOY dishwashing liquid. Maging ang GLOBE telecommunication ay isa rin siya sa mga endorser. Makikita mo ang kanyang larawan sa mga haligi at sa mga istasyon ng LRT at MRT.

Maging ang kilalang MULTI-VITAMINS ay ginawa rin siyang endorser. Nakatuwad siya pero nakakatawa. At kahit nakahubad siya ay okey lang ang shot dahil hindi masagwa. Nagpapamalas ng sigla. Endorser din siya ng BEAR BRAND sterilized milk. Dito’y iba-iba ang ginagamit niyang boses.

Tunay na nakakaaliw at nakakatuwa ang mga gimmick ni Micheal V. Hindi pilit at hindi nakakainis. Kaya naman kami ay bumabati at nagbibigay halaga sa kanyang talino at kakayahan sa pagpapatawa.