Sep 02
MOVIE TRIVIA: MGA ARTISTANG NAGING POLITIKO by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Sep 2, 2005

By Tante de Ramos

(Nag-iisa lang ang dating artista na naging Pangulo ng Pilipinas, si Pangulong Joseph Ejercito Estrada. Pero marami na ang galing sa puting-tabing na naging opisyal ng pamahalaang nasyonal at lokal. Narito ngayon ang listahan ng mga artistang naging politiko mula sa ating movie trivia expert, Tante de Ramos.— editor )

Joseph Estrada – Multi-awarded bilang artista, matagal na panahon na naging alkalde ng Lungsod ng San Juan sa Metro Manila. Naging senador at naupo ding bise-presidente. Naging presidente rin ng ating bansa. Lumabas sa mga pelikulang Hari ng Tondo at Ang Lawin at ang Agila na kasama si Fernando Poe, Jr. Nagtayo ng J.E. Productions at Emar Productions na kanyang sariling movie outfit. Ang ilang pelikula na nalabasan nya ay Asiong Salonga, Mamang Sorbetero at Geron Busabos.

Rogelio dela Rosa – Naging senador nang unang pumasok sa politika. Kumandidatong Pangulo ngunit siya ay umatras nung halalang nanalo si Pangulong Diosdado Macapagal.. Ginawang ambassador sa embahada ng Cambodia. Lumabas sa pelikulang Maalaala Mo Kaya, Ang Tangi Kong Pag-ibig at Lydia, pawang katambal si Carmen Rosales. Ilan pa sa mga pelikula niya ay ang Sohrab at Rustum kasama ang kanyang kapatid na si Jaime dela Rosa sa pangunahing papel, Garisson Trese , Prinsipe Amante kasama si Delia Razon at Rosa Rosal, Isang Libong Kagandahan, Voice of Freedom at Victory Joe katambal si Norma Blancaflor, Tiniente Rosario katambal si Lucita Goyena.

Freddie Webb – Naging senador matapos maglingkod bilang congressman ng Paranaque. Matagal ding lumabas sa TV sitcom na Chicks to Chicks, kasama sina Nova Villa, Carmi Martin, Chuchi, Maria Teresa Carlson, Chito Arceo at iba pa. Lumabas din sa mga pelikula.

Ramon Revilla Sr. – Nanalong senador. Ipinakilala sa pelikulang Kurdapya katambal si Gloria Romero na prodyus ng Sampaguita Pictures. Nagtayo ng sariling movie outfit, ang Imus Productions, na nagsa-pelikula ng mga true-to-life story na sya mismo ang gumaganap katulad ng mga pelikulang Nardong Putik, Mayor Gulapa at Bianong Bulag.

Tito Sotto – Naging senador. Naging popular bilang isa sa comedy trio na Tito, Vic (Vic Sotto) and Joey (Joey de Leon). Gumawa sila ng maraming pelikula sa iba’t-ibang produksyon. Marami rin nagawang sitcom sa telebisyon tulad ng Iskul Bukol at magpa-hanggang ngayon ay lumalabas pa rin sa noontime TV show na Eat Bulaga.

Robert Jaworski – Kumandidato at nanalong senador. Dating varsity basketball player ng University of the East at ng Toyota at Ginebra San Miguel sa Philippine Basketball Association (PBA). Introducing sa pelikulang Fando na si Fernando Poe Jr. ang bida na prodyus ng FPJ Productions. Lumabas din siya sa mga pelikula sa bakuran ng Imus Productions. Biyenan niya si Sen. Ramon Revilla Sr.

Lito Lapid – Naging Bise-Gobernador at Gobernador ng Pampanga. Naupong Senador nung halalan ng 2004. Unang ipinakilala bilang leading man sa The Jess Lapid Story, Estibador, Anak ng Tulisan, Isla Santo Nino katambal si Laarni Enriquez at ang biopic na Ben Tumbling

Ramon “Bong” Revilla Jr. – Pareho ni Lito Lapid, naging bise-gobernador at gobernador din siya ng Cavite. Sumunod sa yapak ng kanyang ama bilang artista, sumikat din siya sa mga true-to-life story. Ilan sa kanyang mga pelikula ay ang Dugo ng Panday, Alega Gang, Supremo, at Alex Boncayao Brigade kung saan kasama niya si Ronnie Ricketts. Sa telebisyon matagal siyang kasama sa sitcom na Idol Ko si Kap katambal si Ruffa Mae Quinto. Sisimulanj na ang bago niyang sitcom na Hokus Pokus.

Jinggoy Estrada – Nanalong alkalde ng Lungsod ng San Juan katulad ng kanyang ama. Naupong senador nitong nakaraan halalan. Siya at ang kanyang inang si Sen. Loi Ejercito ay ang kauna-unahan mother-and-son team na nanungkulang mga senador nang sabay. Siya ay lumabas sa pelikulang Jamias (Barako ng Maynila), isang Panday sequel kung saan katambal niya si Kris Aquino, Eagle Squad kung saan kasama niya sina Robin Padilla, Edu Manzano ER Ejercito, Ricky Davao, Monsour del Rosario. Katambal si Joey Marquez, tampoik sin siya sa Utang ng Ama.

Dennis Roldan – Nanalong kinatawan sa isang distrito ng Quezon City . Sa isang pelikula nakatambal si Marilou Sadiwa sa isang bold movie. Naging kontrabida sa pelikulang Salome na pinangunahan nina Gina Alajar at Johnny Delgado.

Joey Marquez – Naupon alkalde sa Lungsod ng Paranaque . Lumabas sa pelikulang Bikining Itim katambal si Alma Moreno na naging asawa niya. Sa Hari ng Yabang, nakasama si John Estrada. Sa telebisyon lumabas noon sa sitcom na Palibhasa Lalaki at ngayon ay Lagot Ka, Isusumbong Kita.

Rey Malonzo – Naging alkalde ng Lungsod ng Caloocan . Lumabas sa Operation Balikatan kasama si Eddie Garcia at ilang foreign actors. Karamihan sa pelikulang ginawa niya ang tema ay karate. Nagtayo ng sariling movie outfit na Twin Dragon Productions.

Edu Manzano – Naging bise-alkalde ng Lungsod ng Makati . Sa pelikula siya ay lumabas sa Captain Barbell. Nakatambal si Vilma Santos sa isang pelikula na ginawa sa ibang bansa. Sa isang martial arts movie, nakasama niya sina Cynthia Luster, Ricky Davao at Gabriel Romulo.

Anjo Yllana – Siya ay naging Konsehal sa Lungsod ng Paranaque. Naupong bise-alkalde nung huling halalan. Sa pelikula nakatambal niya si Sheryll Cruz sa isang love-drama movie. Sa telebisyon nakalabas siya noon sa Palibhasa Lalaki. Kasama pa rin siya bilang host sa Eat Bulaga na isang noontime show.

Jestoni Alarcon – Naging konsehal sa Lungsod ng Antipolo at ngayon bise-gobernador ng Rizal. Naging contract star ng Seiko Film kung saan naging action star siya, kasabay nang papasikat na si Robin Padilla na nasa Viva Films. Naka-tambal na halos lahat ng leading ladies ng Seiko. Huling lumabas sa pelikula bilang si Maganto sa Tomagan.

Johnny Wilson – Siya ay naging bise-alkalde ng Lungsod ng Makati. Naging bida din sa pelikulang Gun For Hire. Madalas lumabas bilang kontrabida sa papel ng syndicate head o mastermind. Anak niya si Monique Wilson na isang mahusay na stage actress at lumabas din bilang Miss Saigon.

Herbert Bautista – Ilang beses nang nahalal ng bise-alkalde ng Quezon City. Isang komedyante na miyembro ng Bagets, nag-bida siya bilang Kumander Bawang at bilang si Tengteng sa isang remake ng Captain Barbell na nilabasan naman ni Edu Manzano

Connie Angeles – Naging bise-alkalde ng Quezon City. Ilang pelikula rin ang kanyang nalabasan noon kasama ang ilan niyang kakotemporaryo. Naging host ng isang Children’s Show sa television.

Fred Montilla – Naging Konsehal sa isang distrito ng Quezon City . Naging best actor sa pelikulang Bondying ni Mars Ravelo. Lumabas din sa mga pelikulang tulad ng Ika-labingtatlong Hakbang, Tulisang Pugot, Si Kerubin at si Tulisang Pugot at Tres Muskiteros kasama sina Oscar Moreno at Ric Rodrigo.

Jaime dela Rosa – Kapatid ni Rohelio dela Rosa na naging konsehal sa Lungsod ng Maynila. Ang nagawang pelikula Batalyon Trese sa Korea katambal si Nida Blanca, Sohrab at Rustom, Waling-Waling at Gitano katambal si Rebecca Gonzales. Katambal naman niya si Norma Blancaflor sa Tanikalang Papel, Honeymoon, Aladdin, Huling Dalangin, Bagong Manunubos at Parola. Sa pelikulang Kumander 13 at No Money No Honey ay katambal naman niya si Carmencita Abad sa direksyon ni Lamberto V. Avellana.

Aiko Melendez – Konsehala siya ngayon ng ika-lawang distrito ng Quezon City. Naging isa sa mga Regal Babies. Maraming ginawang pelikula sa Regal Films at Star Cinema. Anak siya ni Jimmy Melendez na naging artista rin ng Regal Films.

Barbara Milano – Siya ay naging konsehala sa bayan ng Zaragoza , Nueve Ecija. Lumabas sa mga bold movie, tulad ng Kaulayaw katambal si Allen Dizon at Biyahera kasama si Gardo Versoza.

Dennis Padilla – Konsehal siya ngayon sa Lungsod ng Caloocan. Nagsimula sa telebisyon bilang isa sa mga Hawi Boys na alalay ni Randy Santiago. Sa pelikulang Astig siya binigyan ng pagkakataon na gumanap sa pangunahing papel. Nakasama rin si Janno Gibbs at Niño Muhlach sa paglabas sa pelikula.

Isko Moreno – Konsehal ngayon sa isang distrito ng Lungsod ng Maynila. Siya ay produkto ng That’s Entertainment ni German Moreno. Nakalabas sa mga pelikula sa Seiko Films.

Robert Ortega – Konsehal sa Lungsod ng Maynila. Nakasama siya sa isang pelikula ni Fernando Poe Jr. sa ilalim ng FPJ Productions. Kapatid niya si Michelle Ortega na naging artista rin.

Cita Astals – Konsehala ngayon sa Lungsod ng Maynila. Maraming nasamahang pelikula ni Dolphy. Sa telebisyon, kasama siya noon sa sitcom na Home Alone Da Riles kasama sina Dolphy, Nova Villa, Bernardo Bernardo, Smokey Manoloto, Vandolf at Boy2 Quizon. Nang gawing pelikula ang TV sitcom na ito, nakasama pa rin siya sa cast.

Rene Requiestas – Naging konsehal sa Taguig. Nakasama ni Joey de Leon sa pelikulang Starzan na ang papel niya ay bilang si Cheta-e. Naging contract comedian ng Regal Films. Nakatambal niya si Kris Aquino sa matagumpay na pelikulang Pido Dida.

Lou Veloso – Konsehal pa rin sa Lungsod ng Maynila. Lumabas sa pelikula sa papel ng isang komidyante o kontrabida. Stage performer din siya at may hawak na grupo ng mga batang may kanya-kanyang sariling talento.

Larry “Pipoy” Silva – Naging konsehal sa isang distrito ng Lungsod ng Maynila. Lumabas sa pelikula na karamihan ay sa M-Zet Productions ni Vic Sotto. Sa telebisyon, nakalabas siya noon sa sitcom na Okey Ka Fairy Ko kasama si Vic Sotto, Madel de Leon at Charito Solis.