Oct 21
WINNING STORYLINES SERIES by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Fri, Oct 21, 2005

(This is the fifth and last winner of the recent FAP Screenplay/Storyline contest. The other four winners had been reprinted in the FAPWEB for four consecutive postings. We cannot reprint the three grand winners in the screenplay category though interested producers can avail of copies of these scripts for their consideration.—JNC )

ANG PALASYO NI IVAN
Ni James Edward Golla

Ipinanganak na bulag si Ivan, 17 years old, ngunit bilang manonood ay makikita natin ang kanyang ‘nakikita’ sa gitna ng panghabang-buhay na kadiliman. Ang kwento ay hahabi sa imahe ng mapait na realidad ng kanyang buhay at ng kanyang mababangong persepsiyon sa kapaligirtan.

Lumaki si Ivan sa paniniwalang ang mundo ay umiikot sa walang hanggang kaligayahan at kasaganaan, siya bilang prinsipe ng lahat ng ito, batay na rin sa mga imbentong kwento ng inang si Senyang, isang magnanakaw. Hindi natatalos ng kanyang kamalayan ang miserableng pamumuhay sa isang dumpsite sa Maynila. Ito ang nagsilbing tahanan niya sa huling sampung taon ng kanyang buhay. Ito ang kanyang palasyo.

Pansamantalang pamamalagi lamang ang orihinal na plano ng kanyang inang si Senyang sa dumpsite. Ito ay habang hinihintay ng ina ang share sa nakulimbat na halaga sa niloobang bangko. Ang pera sanang ito ang mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan at magtutustos sa kanyang operasyon. Ngunit, hindi na kaylanman darating ang perang ito. Oonsehin ang kanyang ina ng mga kasabwat. Tuluyan na siyang mabubulag. Hindi na rin mababalikan ng ina ang dating buhay sa probinsya dahil tinutugis na ito ng batas.

Ang walang ligtas na situwasyong ito ang magbubunsod kay Senyang na papaniwalain siyang maginhawa ang kanilang buhay. Dahil higit sa ano pa man, tumatakas na lang ang kanyang ina sa katotohanan. Sa kanyang walang muwang na isipan, mahuhubog nito ang mundo sa paraang pinangarap nito ngunit nabigo.

Magbubukas ang pelikula ng nagngangalit na bulldozer at backhoe. Pagkatapos, unti-unting lilinaw ang malapantasyang tagpo. Isang bundok ng blue rose petals ang babati sa atin. Nilulukuban ito ng green na kalangitan. Kulay violet ang mga tao (kung tao man sila dahil kaiba sa nakagawian ang kanilang hitsura) na masayang naglalaro habang ang mga ito’y dinidiligan ng masaganang petals mula sa makinang nagluluwa nito. Tinatanaw ito ni Ivan mula sa kanyang palasyo.

Ngunit imahinasyon lang ito ni Ivan.

Ang kanyang ‘nakita’ ang magiging biswal natin sa mga unang bahagi ng pelikula. Papaniwalain tayo na ito ang reyalidad although may hints na maghahatid sa atin ng pagdududa. Bakit magkasalungat ang naririnig natin sa ating nakikita? Totoo ba ang ating nakikita? Pagdududahan natin ang napakagandang anghel na dadalaw kay Ivan minsang aalis si Senyang upang ‘makipaglaban sa digmaan’. Mula sa kalangitan ay dadapo ito sa kandungan ni Ivan upang aliwin siya. Walang malisya. Ngunit bakit may umuungol?

Sa Quiapo makukumpirma ang ating mga tanong. Malalaman natin na naroon tayo kahit hindi ito ang ating makikita sa screen kundi isang karnabal; karnabal na ang nangingibabaw na ingay ay sermon ng pari. Masayang-masaya si Ivan dahil ngayon lang siya muli nakisalamuha sa napakaraming tao. Panay ang check ni Senyang sa kanya.

Biglang nagkagulo sa karnabal. May sisigaw na “mandurukot!” Tiula isang pirated VCD copy, madi-distort ang ating biswal. Ang susunod na eksena sa presinto kung saan uusigin si Senyang, wala na tong makikita—pulos audio na lang. Hindi na mabi-visualize pa ni Ivan ito. Magpapalit-palit ang imahe sa screen gaya ng sa slot machine. Tila pumipili si Ivan ng akmang persepsiyon pero hindi makaka-decide. Si Senyang lang ang nag-iisang constant.

Suddenly, magiging ‘normal’ ang lahat.

Isang singkwenta anyos na babae na may akay-akay na binatilyong bulag ang tatambad sa atin sa screen. Binabaybay nila ang daan paakyat sa bundok ng basura. Abang-abang ang kanilang itsura. Sila sina Senyang at Ivan, at ito ang reyalidad ng kanilang buhay.

Tulad ng dati, papabanguhin ni Senyang sa anak ang kinasangkutang gulosa Quiapo. Isa lamang daw itong laro. Lilinlangin ang anak.

Sa pagdaan ng mag-ina sa pulutong ng magbabasura ay maririnig natin ang opinion ng komunidad. “Mga baliw” kung tukuyin sila ng mga ito. Mapapakli lang ang mga lihim na pagkutya sa pagdating ni Lota, 27 anyos na magbabasura at isang undiagnosed nymphomaniac. Alam na ng buong komunidad ang tungkol sa kakatihan ni Lita, ngunit hindi si Ivan.

Detached si Ivan sa mundo sa kagustuhan na rin ng kanyang ina.

Sa duration ng pelikula, hindi magkakaroon ng interaction sina Ivan at Lota. Ngunit may mararamdaman tayong kuneksyon. May mga tanong tayong mabubuo sa mga palihim na sulyap ni Lota sa binatilyo. Tuturuan tayong maging malisyoso.

Isang hapunan, habang pinapaniwala ni Senyang ang anak na ang mantika ng manok ang pinakamasarap na ulam sa buong mundo, may kakatok sa pinto. Si Miding, ang ina ni Senyang. Naremata raw ng bangko ang bahay nila sa probinsiya. Wala itong matutuluyan.

Estranged ang mag-ina sa isa’t-isa, kaya malaking biro ng tadhana ang pagsamahin sila sa iisang bubong. Sa kabila nito, pakikisamahan ni Senyang si Miding para sa anak na kay tagal nang nangngulila sa mga kadugo.

May moment na ang maglola lang ang makasama. Madalas siyang isama nito sa lugar kung saan ang “bunot”, “chow”, at “hits” ang maririnig. Although kaiga-igaya pa rin ang mabubuong pantasya sa isip ni Ivan, maghihinala tayo sa mga kilos ni Miding.

May moment din na mag-iisa si Ivan sa karnabal. Sa pagitan ng ingay sa paligid ay kalansing ng panaka-nakang bagsak ng barya.

Magigimbal si Senyang nang personal niyang madiskubre na pinupwesto ni Miding bilang beggar si Ivan sa Cubao sa tuwing iiwan niya ang anak para maghanap-buhay. At gaya niya, nag-iimbento rin pala ng kwento si Miding upang makumbinse ang apo.

Sisirit ang galit ni Senyang sa inang hanggang ngayon pala’y gumon pa rin sa sugal. Ang bisyong ito ang dahilan kung bakit nalubog sila sa hirap. Ito ang nagtulak sa kanya upang gawin ang mga bagay na kahit sa bangungot ay hindi niya pinangarap. Una na dito ang mabuhay sa pagnanakaw.

Palalayasin ni Senyang si Miding. Itatakwil na niya ito.

Dahil dito, lalong magiging protective si Senyang kay Ivan. Mas titibay ang kanyang paniniwala na wala siyang sinumang mapagkakatiwalaan bukod sa kanyang sarili. Kung dati’y nakukuntento siya sa mahigpit na habilin, ngayo’y ikakandado na niya ang anak sa loob ng bahay para matiyak ang seguridad nito habang nasa labas siya at rumaraket.

Ngunit may paraan ang anghel ni Ivan upang makapasok sa kanilang tahanan.

Likas na mabait at karinyosa ang anghel kaya agad nahulog ang loob ni Ivan dito. Inuusig man siya ng kunsensiya dahil alam niyang sinusuway niya ang ina, pag kasama niya ang anghel ay nawawaglit ito. Paano ba nama’y langit ang nararamdaman niya sa tuwing may gagawin ito sa kanya. Kaya anghel ang nabuong imahe nito sa kanyang isipan., Unti-unti’y iibig siya dito.

Magbabago ang takbo ng buhay ni Ivan sa pagbisdita ni Anna San Gabriel, ang host ng bagong inspirational TV magazine show, A Beautiful Evening. May kasama itong mga pulis upang dakpin si Senyang. Ninakaw umano ng kanyang ina ang cellphone nito. Sa pamamagitan ng makabagong locator technology natunton ito.

Ngunit hindi matutuloy ang pagdakip kay senyang. Mapapahanga si Anna sa napakapositibong pananaw ni Ivan sa buhay. Makakakwentuhan niya ang host habang hinihintay nito si Senyang. Makikipagkasundo si Anna kay Senyang na babalewalain nito ang kaso pumayag lang ang huli na i-feature silang mag-ina sa TV show nito.

Walang magagawa si Senyang kundi ang pumayag. Ngunit gaya ng ginagawa niya sa anak, pababanguhin niya ang buhay, pati ang kanyang kasalanan, para sa telebisyon.

Maraming mag-o-offer ng tulong kay Ivan nang-I-ere ang kanyang istorya. Ang dating ilusyon lamang ni Senyang na magbuhay-reyna ay by chance magiging totooo. Handa na niyang lisanin ang buhay sa basurahan at magsimula ng panibago sa malayong lugar. Kung paano ipapaliwanag sa anak ang pagsisinungaling na ginawa ang magiging dilemma ni Senyang.

Patataubin sa ratings ng episode ni Ivan sa A Beautiful Evening ang nangungunang talkshow na Good Night ni Miranda Alarcon. Dahil dito, magre-reformat ang huli. Magbabagong-bihis ito bilang hard-hitting magazine show pero magpapatuloy pa rin ang pagbaba ng viewership nito. And i-discredit ang show na A Beautiful Evening ang nakikita na lang na paraan ni Miranda. Ikakasa niya sa lineup ang follow-up story tungkol kay Ivan. She senses artificiality in this boy’s documentary.

Hindi magiging mahirap para kay Miranda ang kumalap ng impormasyon. Makikipag-cooperate ang komunidad sa dumpsite na ngayon ay binabalutan ng inggit sa tinatamong swerte ng mag-ina. Pasusubalian ang istorya ng mag-ina. Kailan pa naging kahangahanga ang gawing tanga ang anak para sa kapakanan ng ina?

The journalist in Miranda comes in full swing. Gagalugarin niya ang kinalakhan ni Senyang. Makikilala niya si Helen, ang legal na asawa ng lalakeng umano’y kinabitan ni Senyang. Ito ang lalakeng niyurakan nito sa programa ni Anna.

Malalaman natin mula kay Helen ang past ni Senyang. Si Ivan ay bunga ng pakikipag-affair nito sa matandang principal ng eskwelahang pinagtuturuan—ang asawa ni Helen na si Dante. Nagsama daw for a while ang dalawa. Ngunit pera lang ang motivation ni Senyang. Nang wala nang maiabot na pera si Dante, ginamit nito ang posisyon ng lalake upang makapagkamal ng pera. Kung ilang dubious transactions ang pinasok nito na naging dahilan upang matanggal ang dalawa sa serbisyo. At kung bakit naging bulag si Ivan. Binalak kasi nitong ipalaglag ang anak dahil balakid ito sa marami pa niyang pangarap. Hindi natunaw ng mga gamot si Ivan.

Makikiusap si Helen kay Miranda na sana’y sa kanya na magtapos ang research nito sa lugar na yon. Ayaw na niyang buhayin pa ang eskandalo. May pamilya siya. Ngunit lalong magpupursige si Miranda.

Malalaman ni Miranda mula sa ilang taga-roon na si Senyang talaga at hindi si Helen ang unang pinakisamahan ni Dante. Mayaman si Helen, ginipit niya ang dalawa, sinamantala niya na buntis si Senyang, upang mapasakanya si Dante. Nagtagumpay ito.

Walang makukuhang ebidensya si Miranda para i-validate ang claim na ito. Hindi nakasulat sa birth certificate ni Ivan ang pangalan ni Dante, may hawak na marriage contract si Helen. mas nauna ang petsa ng kasal kaysa sa pagbubuntis ni Senyang.

Pipiliin ni Miranda ang bersyon ni Helen.

Kasabay nito, hindi na mapipigilan pa ni Ivan ang pangungulila sa kanyang anghel. Hindi na ito muling dumalaw nang mamalagi sa bahay si Senyang. May pera na kasi ito at hindi na kailangang rumaket pa.

Minsang aalis ang kanyang ina upang maghanap ng malilipatang bahay, tatakas si Ivan upang hanapin ang anghel.

Sa kabila ng pagiging bulag, pilit gagalugarin ni Ivan ang komunidad. Hindi iisang beses siyang pinaglaruan ng mga kapit-bahay. Sino ba naman ang seseryoso sa taong naghahanap ng isang anghel? Hanggang sa mapadpad siya sa isang dampa kung saan may nagaganap na selebrasyon.

Gagawing sentro ng katuwaan si Ivan ng mga lalakeng ngayo’y lango na sa alak. But naïve as he is, hindi niya ito iindahin. Ang anghel pa rin ang kanyang bukang-bibig. Lalo na, lasing na rin siya dahil pinalitan ng alak ang softdrink na iniinom niya. Hindi na niya mapapansin ang komosyon sa isa sa mga silid. Naroroon si Lota, nakikipagtalik sa bawat isang lalakeng naroon.

Ipapasok ng mga kalalakihan si Ivan sa silid upang “ipatikim” ang langit. Magugulat si Lota. Walang ‘makikita’ si Ivan.

Pakiramdam ni Lota ay tumatagos ang tingin ni Ivan. Tila nakikita ang karumihan ng kanyang pagkatao. Sa unang pagkakataon, ma-o-overpower ni Lota ang tawag ng laman. May kung anong guilt na babalot sa kanya. Lalabas siya ng silid. Ito ang huling kita ng mga taga-roon sa kanya. Maglalaho siyang parang bula sa dumpsite.

Patuloy ang research ni Miranda sa buhay ni Ivan. Magiging desidido lalo si Miranda na alisin sa poder ni Senyang si Ivan matapos niyang malaman ang pang-be-brainwash nito sa binatilyo. Para sa kanya ito ang pinakamalaking krimen, siya na isang advocate of truth at reyna ng expose.

Makikipagtulungan si Miranda sa DSWD upang makuha si Ivan kay Senyang.

Biswal nating makikita na unti-unting maglalaho ang pantasya ni Ivan habang ipinamumukha ni Miranda sa kanya ang katotohanan. Na miserable ang kanyang buhay dahil bukod sa dukha ay bulag siya’t mangmang. Na magnanakaw ang kanyang ina. Na binuhay siya nito sa kasinungalingan. Na sa bundok ng basura at hindi sa rose petals siya nakatira. Na binalak siyang ilaglag nito kaya siya nabulag.

Didilim ang lahat para kay Ivan. Wala na siyang makikita pa sa kanyang imahinasyon.

Magsisimulang umusbong ang galit kay Ivan. Malaking factor ang pagkawala ng kanyang anghel sa pagbabagong tao niya.

Magiging passive si Ivan sa mga plans ni Miranda para sa kanya. He obediently complies sa mga tests na gagawin sa kanya para I-restore ang kanyang paningin. Makakaramdam ng little triumph si Miranda, pakiramdam niya ay nakatulong siya. Ngunit sandali lang yon.

On camera, itatanggi ni Dante na anak niya si Ivan nang pagharapin ni Miranda ang dalawa. Malikot na babae daw si Senyang at yon ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. Makakaramdam ng awa si Miranda para kay Ivan.

Ngunit ang pinakamalaking realization para kay Miranda ay nang tumestigo si Ivan laban sa kanyang ina. Child abuse ang isinampa ng gubyerno laban sa ina at pinatotohanan niya ito. Bilang mamahayag marami na siyang nakita, the worst of everything. Ngunit ang court scene na ito ang kukurot sa kanya. Malayo na ang imahe ni Ivan mula sa dating mapagmahal na anak at nangyari yon nang pumasok siya sa buhay ng mag-ina. Kukuwestyunin niya ang sarili: Kailangan bang malaman natin ang lahat? Hanggang saan magiging tama ang katotohanan?

Hindi na lang bulag si Ivan, manhid na rin siya.

Masusukol si Miranda nang itanong ni Ivan kung may pag-asang makakakita pa siya. Kakaopera lang ng mata nito, supposedly ngayon dapat ay may nababanaag na ito. Ngunit wala. Bigo ang operasyon, tulad ng sabi ng mga duktor sa simula pa lang.

Ngunit anong isasagot niya sa batang ito na gustong makita ang mundong pinagkait sa kanya ng magulang? Dahil gusto nang maging normal gaya ng iba? Upang magkaroon na patas na laban sa mundo? Dahil may gusto itong hanapin? Ang kaligayahan, sa katauhan ng kanyang anghel? Mapipilitan si Miranda na bigyan ng false hope si Ivan, labag man sa kalooban niya,. Involved na siya sa batang ito.

Magbabalik sa research si Miranda, this time, para hanapan ng solusyon ang mga ginulong buhay. She will use her social connections para mapalaya sana si Senyang. Pero huli na. Nagpatong-patong na ang kaso nito kabilang ang kasong pagnanakaw sa bangko.

Dadalawin ni Miranda si Senyang sa kulungan para bigyan ng pag-asang makalaya. Ngunit tatanggi si Senyang sa iniaalok na tulong nito. Para sa kanya, ang pagkakakulong niya ang nagpalaya sa kanya sa kanyang mga kasalanan. Hihingi ng tawad si Miranda sa ginawa niyang panghihimasok sa buhay ng mag-ina. Pinagsisihan niya ito. Iko-comfort naman siya ni Senyang by saying that one should not feel guilty for an attempt to make someone happy. Mapapaisip si Miranda.

Galit na susugod si Lota sa bahay ni Miranda. Nakaabot kasi sa kanya ang panghihimasok ni Miranda sa buhay ng mag-ina. “Sinira mo ang buhay ni Ivan!” ang pag-uumpisa ni Lota. Mananatiling kalmado si Miranda. Alam niya ang kanyang pagkakamali. Pero sino nga ba ang babaeng kaharap niya ngayon?

Hindi na natin maririnig pa ang pag-uusap ng dalawa.

Sa isang lonely hospital room. Lagpas langit ang mararamdaman ni Ivan sa muling pagdalaw sa kanya ng anghel. Wala itong gagawin tulad noong dati pero langit pa rin ang pakiramdam ni Ivan sa pagbisita sa kanya ng anghel.

Sa mga ulap mag-uusap sina Ivan at ang anghel. Ito ang nasa isip ni Ivan.

Bubuksan ng anghel ang kanyang isipan. She’ll enlighten him. Na ang buhay ay isang choice. Hindi kailangan ang mga mata upang ma-appreciate ang mga bagay sa paligid. It only needs a heart that is willing to accept things as they are and forgive. Ang pagtingin sa buhay on a psotive side ay isang desisyon.

Tatakas si Ivan kasama ang anghel. Babalik siya sa dati niyang mundo.

Ang anghel ay si Lota.

Hindi na malalaman pa ni Ivan na sumasailalim sa psychiatruic treatment si Lota. Ni hindi niya alam na si Lota ito. Hindi na rin natin kaylanman malalaman ang madilim niyang nakaraan. Basta ang alam natin, ang nagbibigay sa kanya ng liwanag para hanapin ang tamang landas ay ang pag-ibig niya kay Ivan

Magpapaalam na ang anghel.

Mag-isang babaybayin ni Ivan ang daan pabalik sa kanilang tahanan. Bubuhos ang malakas na ulan.

Unti-unting guguhit ang ngiti sa kanyang labi.

Magbabalik ang imahinasyon ni Ivan. Ang pantasya. Ang kanyang ina, na sasalubungin siya’t yayakapin. Ang anghel at siya. Muli niya tayong iaangkas sa kanyang iulusyon. Sa kanyang palasyo. Matutuwa tayo.

May dadagundong. Maya-maya pa’y tatabon kay Ivan ang pumpon ng rose petals. May kung anong ligayang lulukob sa kanya. It’s the most peaceful sight for him.

Umuulan din sa seldang kinaroroonan ni Senyang. Hindi pa siya tulog ngunit nakapikit siya. Madiin. Pinapaglaro ang imahinasyon. Na kapiling niya ang anak. Na masaya sila. Maghahanap siya ng peace of mind.

Mapapa-iyak si Senyang. Sa sarili’y humihingi siya ng kapatawaran sa kanyang anak.

Kinabukasan, matatagpuan ang bangkay ni Ivan sa gumuhong bundok ng basura.

Hindi mag-e-ere ang show ni Miranda Alarcon na Good Night nang gabing yon. Supposedly ang komprehensibong dokumentaryo ng buhay ni Ivan ang banner story nila for the show’s re-launching. Instead, isang short message ang magpa-flash sa grainy blank screen every now and then in the duration of the time slot. “For the person who taught me how to see. May you rest in peace, Ivan. A paid advertisement of Ms. Miranda Alarcon. WAKAS