Oct 07
WINNING STORYLINES SERIES by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Fri, Oct 7, 2005

(This is the second of five installments of the five grand winners in the just concluded 1 st FAP Screenplay/Storyline Contest. Last week, our Fapweb printed Mariit 3. For the next three Fridays, we will be reprinting the three other grand winners —editor)

SA DIBDIB NG MGA ALON
Ni Emmanuel A. dela Cruz

Bata pa si Heling, hindi na niya nagisnan ang kanyang mga magulang. Sabi ng kanyang Lola Agrifina, nasawi daw sila, kasama pa ng ibang taga-isla noon, lulan ng Dona Esperanzang lumubog patungong siyudad. Nasadsad ang bapor sa isang mahabang ungos ng bato, ilang milya ang layo sa isla, na lumilitaw kapag kati (mababa ang tubig). Hindi na natagpuan ang mga labi ng kanyang magulang.

At sa pamamagitan ng isang ritwal sa Kabisayaan ay susubukan nilang makuha ang mga kaluluwa nito mula sa dagat.

Tangan ni Agrifina ang kanyang sanggol na apong si Heling habang isinasagawa ng mga kalalakihan ang ritwal sa kanilang isla. Dadalhin ng mga ito mula sa bahay ang paboritong upuan ng mga sumakabilang-buhay patungo sa dalampasigan. Pagkatapos tawagin ang mga kaluluwa sa pamamagitan ng mga dasal ay kusang uupo daw ang mga kaluluwa, mula sa ligaw na dagat, sa mga upuan. Kakailanganin ang ilang kalalakihan sa isla para iuwi ito sa bahay kung saan dadausin ang lamay.

Sa ganoong paraan lang daw matatahimik ang mga kaluluwa sa kabilang-buhay. Pero matitimbuwang ang mga magbubuhat sa bigat ng silya bago pa man ito makarating sa bahay. Kaya maliligaw uli ang mga kaluluwa ng mga magulang ni Heling. At hindi na babalik nang muling paupuin sa ritwal.

NANG MAGLABING-PITONG gulang na si Heling, minsang umuwi siya galing sa paliligo sa dagat ay madadatnan niyang may bisita ang kanyang lola—si Bien, 40 anyos, matandang binatang taga-karatig-isla, kilala at respetado sa kanilang lugar at medyo nakaaangat sa buhay. Ibig na nitong mag-asawa para may makatuwang sa buhay, mag-aalaga sa kanya at mabigyan siya ng mga anak. Hinihingi nito ang kanyang kamay sa kasal, napagkasundo na pala sila ng kanyang lola. Nagkatotoo na nga ang kinatatakutan ni Heling, ang magkahiwalay sila ng kanyang lola na tila pinapamigay na lang siya sa isang lalaking para na niyang ama.

Balak sana ni Bien na sa kabilang isla idaos ang kanilang kasal, kung saan maayos na ang bagong-gawang bahay nila, pero tinutulan ito ni Heling. Nag-alala siya na sa kahinaan ng katawan ng kanyang lola at nang muling mapaalala dito ang trahedya ng kanilang pamilya sa dagat.

Pagsakay ng bagong-kasal sa pinalamutiang bangka na magdadala sa kanila sa kabilang isla, sa kanilang bagong buhay, nakapagpalubag ng loob kay Heling ang bagong tanawin. Nangagarap siyang magiging tiwasay ang buhay niya sa piling ng asawa at para na rin sa ikatatahimik ng isip ng kanyang lolang kumakaway sa pamamaalam.

Abot-tanaw na nila ang kabilang isla nang masiraan sila ng motor doon sa pamosong ungos ng bato sa gitna ng laot. Totoo pala ang sinasabi ng kanyang lola. Naalala niya ang kwento ng kanyang lola noon tungkol sa alamat ng ungos na yun. Tungkol sa bawal na pag-iibigan ng isang sirena at isang taga-isla, na tinutulan ng tadhana at nauwi sa pagkamatay ng magsing-irog. Ang ungos daw na yun ang tanda ng kanilang pagmamahalan at kasawian, mula sa labi ng dalawa ay nabuo ang ungos ng bato, isang tagpuan na kalahati ay nasa tubig, kalahati ay sa lupa.

Magigising si Heling sa pangangarap pagdating ng ilang mangingisdang pumapalaot na tutulong sa kanila. Mga tauhan ito ni Bien sa pangingisda. Si Clodualdo, isa sa mga makisig na binata, ang makakaayos ng kanilang motor.

Habang papadagat na ang dalawang bangka sa magkabilang direksyon ay magkakatinginan sina Heling at Clodualdo.

MANINIBAGO SA unang buwan ni Heling sa isla. Wala siyang makausap at parati lang siyang naiiwan sa bahay, nakatunganga. Hindi naman na siya makapaglaro o makaastang parang bata dahil “may asawa na siyang tao”. Minsan nga’y madidinig niya sa mga huntahan ng mga katiwala at kasama sa bahay, na yun lang naman ang trabaho niya, maghintay na magbunga ang sinapupunan, lumobo ang tiyan at mabigyan ng tagapagmana ang kanilang amo.

Mas babagal ang buhay sa islang ito. Ang mga kalalakihan, dilim pa’y mangingisda na, pagkatapos ay maglalasingan na pag tumaas na ang araw hanggang maghapon. Ang mga kababaihan ay ganun din. Pagkatapos maglinis, asnan at magbilad ng dadainging isda ay magtsitsismisan na lang tungkol sa walang-katoryatorya nilang buhay.

Ngunit mas mahirap pa para kay Heling ang matuto at masanay sa buhay may-asawa. Hindi niya alam kung sino sa kanila ni Bien ang malamig. Hindi nila makuha ang kiliti ng bawat isa, marahil dahil na rin sa agwat ng kanilang idad. Naalala niya ang kanyang lolang naiwan niyang nabubuhay na lang mag-isa.

Malamig ang pagsisiping ng mag-asawa. Ngunit kalaunan ay nagbunga rin. Nung araw na nalaman ni Heling na buntis siya, lumabas siya ng bahay, pagkatapos mabagot sa pagsusulsi ng kung anu-ano. Nagpasya siyang sumagap ng sariwang hangin sa may dalampasigan. Mahangin noon at kulimlim ang araw. Maya maya’y mawawalan ng ulirat si Heling at magkakamalay na lang siya sa loob ng isang bahay. Papasok ang isang lalaki, may dalang mangkok ng mainit na sabaw. Maaalala ni Heling kung sino ito. Si Clodualdo, ang tumulong sa kanila. Malalaman niyang ipinatawag na pala nito si Bien.

Hindi yun ang huli nilang pagkikita. Maglalandas ang kanilang daan kung saan-saan. Kadalasan ay wala si Bien, asikaso ang pag-aangkat ng mga gamit at bilihin sa mga karatig-isla at sa bayan. Minsan sa pagdalaw sa kanyang lola ay makakapagusap sila tungkol sa kanilang buhay-buhay. Di magtatagal ay magkakapalagayan ang loob ng dalawa. At lingid kay Bien na abala sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan, sabik sa pagdating ng kanyang panganay na anak, ay unti-unting magbubunga ang kanilang bawal na pag-iibigan.

SAMANTALA SA isang banda ng isla ay nagwawala at naglalasing na naman si Petronilo, ang dating kapitan ng isla. Wala naman nakakapigil sa kanya. Kahit bugbugin pa nito ang asawa at gutumin ang mga anak ay walang pwedeng makialam dito. Takot lang na bumangga sa kanya, siya yata ang hari ng islang ito, ang hari ng mga siga. Ang balita pa nga ng mga taga-isla ay may hostess na naman itong ibinabahay sa may tumana.

Kaya lalong nakakapanibago ang minsan-minsang pananahimik nito. Para bang bagyong nagbabadya, parang katahimikang nagpapauna sa unos.Si Petronilo ang nakapansin ng nakaligtaan ng iba. Hindi dahil matalas ang kanyang paningin, kundi matalas lang talaga ang kanyang pang-amoy, mapa-alak, mapa-pera at lalo na ng tawag ng laman.

Dahil sa pagnanasa niya kay Heling mula pa ng unang nasipat niya ito at sa pagsunud-sunod dito ay madidiskubre niya ang lihim nito. Ang lihim na gagamitin niyang pain sa pamimingwit ng matabang isda.

Tuso si Petronilo, mabibitag niya at makukuha ang gusto niya kay Heling, tapos hindi pa siya paaawat, gusto na rin niyang angkinin ito ng buong-buo. Makakatakas lang si Heling nang kabuwanan na niya. Maglalagi na siya sa bahay at magpapabantay sa asawa. Hindi tuloy makalapit-lapit si Petronilo, pati na rin si Clodualdo.

Mahina ang puso ng bata pagkapanganak. Pilit dadaanin sa hilot ng komadrona ngunit lalala. Itatakbo ito sa center at ipapagamot, pero pagkaraan lang ng tatlong araw ay mamamatay ito.

Nagluluksa pa si Heling sa pagkamatay ng anak nang malaman niyang mahina na ang kanyang lola at pinapatawag na siya nito. Bago mamatay ang kanyang lola ay may ibubunyag ito sa kanya. Humihingi ito ng tawad sa kanya. Kung bakit isang araw ay parang pinamigay na lang niya ang apo sa pagiisang-dibdib. Natakot kasi siya na maiwan itong mag-isa sa buhay. Mula nang mamatay ang mga magulang nito ay nagkaroon na siya ng mga pangitain na di matahimik ang mga kaluluwa nito at gusto nilang isama si Heling sa kabilang buhay sa sinapupunan ng dagat. Yun ang dahilan kung kayat ipinakasal niya ang apo, para maiba ang tadhana nito.

Yayakapin ni Heling ang kanyang lola at magpapasalamat bago bawian ng hininga. Dala-dala ni Heling ang mga sinabi ng lola papauwi sa kabilang isla, habang nakatanaw sa ungos ng bato.

LALONG LALAMIG ang pagsasama nina Bien at Heling. Lalo namang mag-iinit si Petronilo kay Heling. Si Clodualdo na lang ang pagasa ni Heling na takasan ang lahat.

Malaki ang pagkakautang ng pamilya ni Clodualdo kay Bien. Kahit habang-buhay pa siguro siya manilbihan dito ay wala rin. Binabalak umalis ni Clodualdo at isasama niya si Heling. Maghihintay sila ng tamang pagkakataon.

Magigipit sa pera si Petronilo sa kasusugal. Balak niyang huthutan si Heling. Tutol si Heling. Ayaw niyang maubos ang pinaghirapan ng kanyang asawa. Ang tanging kinabubuhay na lang nito. Babantaan siya ni Petronilo sa maaari nitong gawin. “Bibigyan kita ng panahong makapag-isip-isip.”

Nangangamba si Heling na baka ibunyag ni Petronilo ang lahat kay Bien, pati ang pagtataksil nila ni Clodualdo. Ipagtatapat ni Heling ang lahat kay Clodualdo.

Magbabalak silang umalis ng gabing yon, lulan ng bangkang binili ni Clodualdo sa isang kaibigan sa murang halaga. Susulat ng pamamaalam si Heling kay Bien, kung saan ipagtatapat niya sa asawa ang lahat-lahat.

Bandang alas-onse ay papalaot na ang dalawa. Tama ang hinala nila, uulan. Magpapasya si Clodualdo na lalangoy pabalik at kukuha ng ibang bangka. Mapapapayag din niya si Heling na tumututol.

Maghihintay si Heling. Matagal na panahon din ang lilipas, magiging bagyo na ang ulan, tataas ang tubig at papalubog na uli ang ungos ng bato.

May ilaw na makikita si Heling mula sa malayo. Pagmamasdan ito ni Heling sa gitna ng ulan. Sakay ng isang bangka ang isang matandang babae, ang kanyang lola, may hawak itong lampara. Nakatingin lang ito kay Heling na may lungkot sa mukha bago muling mawala.

Hindi maglalaon ay makikita ni Heling ang katawan ni Clodualdo, dala ng mga dibdib ng mga alon patungo sa sinapupunan ng dagat.

Si Heling ay lalamunin ng ulan, alon at dilim.

Kinaumagahan, matatagpuan ang katawan ng isang lalaki, sira-sira ang mukha sa may tumana. Mula noon ay walang bubugbog sa mga mag-iina ni Petronilo.

Bigla na lang nawala si Bien.

Di na rin natagpuan ang mga katawan nina Heling at Clodualdo sa dagat. Kung kaya’t dadausin uli ang ritwal ng pagtawag sa kanilang kaluluwa.

Tahimik na uli ang dagat at ang mga isla pagkatapos ng bagyo. At muling makikita ang ungos sa gitna ng dagat, na parang nakatanod lang sa lahat. WAKAS