May 13
SHOWBIZ FAMILY NAMES by Corie Henson  |  Posted in Articles  |  on Fri, May 13, 2011

Noong araw ay napakahalaga ng pangalan sa showbiz kaya madalas gumamit ng screen name ang mga artista. Kung minsan ay pangit ang pangalan at kung minsan naman ay hindi akma sa panlasang Pilipino.

Ang pagpalit ng pangalan ay dikta ng mga movie studios gaya ng Sampaguita at LVN. Noong araw kasi ay glamor ang pinakamahalaga sa mga leading man o leading lady kaya malaking bagay ang pangalan nila.

Hindi raw magandang pakinggan ang Gloria Galla kaya ginawang Romero. Pero ang kapatid ni Gloria ay isa ring artista, si Tito Galla. Masyadong foreign sounding ang Dorothy Jones kaya pinalitan ito ng Nida Blanca.

Foreign din ang dating ng Muhlach kaya Amalia Fuentes ang screen name na ipinagamit sa kanya. Pero ang mga anak ng kanyang mga kapatid na lalake na sina Niño, Aga at Arlene ay Muhlach na ang ginamit.

Masyado namang native ang Roberto Sumilang kaya pinalitan iyun ng medyo Spanish na Romeo Vasquez. Kaya ang anak ni Romeo at Amalia ay Anna Lisa Sumilang a.k.a. Liezl na asawa ni Albert Martinez.

Kapuna-puna ang mga sikat na artistang may apelyidong Santos gaya nina Vilma, Judy Ann, Charo, Jimmy, Leny at Tony. Mga tunay nilang apelyido ang Santos pero hindi sila related to each other.

Si Leny Santos ay kasabayan ni Julie Vega at ka love team ni Edgar Mande. Si Tony Santos naman ay award-winning actor sa classic movie na Biyaya Ng Lupa opposite Rosa Rosal.

Si Jimmy Santos ay dating basketball player sa NCAA at PBA na naging kontrabida at later on ay naging comedian. There’s no explanation needed for Vilma, Judy Ann and Charo Santos, who are stars in their own right.

Ang apelyidong Garcia naman ay nahanay sa pagiging kontrabida sa pangunguna ni Joe Garcia, Rodolfo Boy Garcia pati na rin si Bino Garcia. Si Eddie Garcia siguro ang pinakasikat na kontrabidang Garcia at eventually ay naging bida pa nga.

Ang iba pang Garcia ay naging bida rin gaya ni Ernie at ni Jean na naging asawa ni Jigo – naging anak nila si Jennica. Hindi man nagtuloy ang pagiging bida ay sumikat rin si Patrick Garcia na ama ng anak ni Jennylyn. Hindi rin related ang mga nasabing Garcia.

Ang mga Poe, sa pangunguna ni Fernando Poe at Fernando Poe, Jr ay pawang magkakamag-anak. Mga anak ni FPJ si Lovi at si MTRCB Chairman Grace Llamanzares samantalang mga kapatid naman niya si Andy at Conrad.

Directly related din ang mga Quizon sa pangunguna ni Georgie at mga pamangkin niyang si Sahlee, Rolly, Jeffrey at Eric. Andyan din si Boy 2 at Vandolph. Ironically, ang pinakasikat sa kanila na si Dolphy ay hindi gamit ang Quizon.

Ang Cruz clan, sa pangunguna ng musician na si Carding Cruz, ay nag-ambag din sa local showbiz. Hit ang mga pelikula ni Tirso Cruz III sa tambalan nila ni Nora Aunor noong 1970s.

Mga pamangkin ni Pip sina Sunshine, na naging asawa ni Cesar Montano, ang singer na si Geneva, si Donna at ang box office prince na si John Lloyd. Pinsan nila si Sheryl na anak ni Jessie Cruz a.k.a. Ricky Belmonte.

Pare-parehong Roces pero hindi related to each other si Susan, Rosanna at Anna, mga bida in their own right. Jesusa Sonora Levy De Poe ang real name ni Susan habang si Rosanna naman ay Jennifer Adriano and used Ana Maceda as her first screen name.

Ang isa pang malaking showbiz clan ay ang Salvador na pinangunahan ni Lou Salvador, reputedly ang may pinakamaraming anak (among the actors). Sikat noong araw si Leroy, ang panganay na anak at si Jojo a.k.a. Lou Salvador, Jr.

Ang bunsong si Phillip ay multi-awarded. Si Maja ang pinakabata sa mga Salvador ngayon dahil almost retired na si Jobelle na anak ni Leroy. Character actor dati si Jumbo, isa pang kapatid nina Leroy.

Anak ni Rosemarie Gil si Mark at Cherie. Marami pang artista sa pamilya nila pero Eigenmann at De Mesa ang gamit. Hindi related sa kanila ang singer/artista na si Nikki Gil pati na ang pulitko at later nag-artista rin na si Eddie Gil.

Jose Bautista at Jose Revilla, parehong Jose na sumikat sa showbiz using another name. Ramon Revilla ang ginamit ni Jose Bautista samantalang Armando Goyena naman ang kay Jose Revilla.

Ang yapak ng Revilla ay sinundan ni Princess at Bong samantalang ang tunay na Revilla ay ginamit ng Palmolive girl na si Maritess at ng kanyang kapatid na si Tina, sikat na tv host noong araw.

Ang mga Padilla ay binubuhat ngayon ni Robin at ni Zsa Zsa. Nagmula sila kay Jose na naging anak si Jose Padilla, Jr., dating boxer bago nag-artista, at si Carlos na naging anak naman ay si Carlos Padilla, Jr. a.k.a Sonny, sikat na boxing referee at ama ni Zsa Zsa.

Sa side ni Robin ay nag-artista rin ang kanyang mga kapatid na si Rustom at Rommel. Lately ay naging BB Gandanghari ang screen name ni Rustom nang kanyang aminin na isa siyang bakla. Si Bela Padilla na pamangkin ni Robin ay hindi talaga Padilla.

Hindi na kailangang pagandahin ang Ignacia Mabugat para maging Verni Varga. Hindi na rin kailangang palitan ang Cesar Manhilot para maging Montano. Tanggap na ngayon kung Pempengco man ang iyong apelyido o kahit Enchong pa man ang first name mo.

Para sa mga komento, puwede kayong mag-email sa corzhens@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/