Mar 23
SHOWBIZ NYAHAHA – PASYON by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Mar 23, 2005

By Sandra Orros Co

Mahal na Araw, Semana Santa, Kuwaresma, Lenten Season. Hindi appropriate ang magpatawa kaya for once ay magiging seryoso tayo dito sa Nyahaha. Bilang pagtitika ay gunitain natin ang mga pangyayari sa nakaraang taon sa pamamagitan ng ating version ng pasyon.

Ang showbiz natin sa ngayon
Malapit nang magkombulsyon.
Ngunit pilit na babangon
Tigib man ng kunsumisyon.
Mga Pinoy sadyang gayon.

Tatlong mago ang hinirang
Sa eleksyong nakaraan.
Ang showbiz ay di nagdiwang
Batbat daw ‘to ng dayaan
Kaya hari’y naungusan.

Kris at Joey’y naghiwalay
Barretto sisters, nag-away.
Si Osang ay nalungayngay
Kay Lolit na kanyang nanay.
Si Vicky Belo’y nadamay.

Ang ABS at GMA
Bakbakan niyari’y all the way.
Ang MTB ay wa na sey
Sa Bulaga Eat everyday.
Away sa TV’y di okey.

Ang showbiz nga ay nanimdim
Sa pagpanaw niyaring Da King.
Masakit man na tanggapin
Sa libong nakipaglibing
Mga kaluluwang tambing.

MMFF nang matapos
Three hundred million ang na-gross.
Kay BF nakipagtuos
Si Mother Lily nang taos.
Incentive daw tila kapos.

Ang Let The Love ang nag-begin
Sa blockbuster ng local film.
Ang Dreamboy ay bumenta rin
Kahit na konting katiting
Ang local film, tangkilikin.

At lumitaw nga sa mundo
Anak ni Grace at ni Jolo.
Sa binyagan nagkagulo
May suminghal, may nagtampo
Si Osang ang ugat nito.

Star Awards ay umusok
Sa anomalyang pumutok.
Sa FAP awards ay tumutok
Malinis ang pagluluklok
At hindi ka magmumukmok.

Sagot sa problema natin
Tingnan ay mga bituin.
Intrigang nakakapraning
Wag masyadong papansinin.
Ang showbiz ay entertaining.

Nawa’y magsilbing aral ang mga sinapit nating kalamidad sa industriya ng pelikulang Pilipino. Nawa’y maging inspirasyon ang magagandang pangyayari. Nawa’y magkapit-kapit tayo at magkaisa tungo sa kaunlaran. Nawa’y muli tayong makabangon at maiwagayway ang bandila ng pelikulang Pilipino.

Kahiman ang karamihan ay nasa resorts, Baguio at iba-ibang lugar, pinili natin na manatili na lang sa bahay upang lasapin ang katahimikan ng Metro Manila. Yan po ang dapat gawin ng mga tulad kong may malalim na pananampalataya at walang pera.

Sa lahat ng aming readers, nakikiisa ang Showbiz Nyahaha sa panalangin ng lahat – ang makamit ang minimithing kapayapaan. Sa tingin namin, matatapos lang ang mga bangayan at awayan kung matatabunan ito ng ngiti, tawa at halakhak. Kaya kung meron kayong itinatagong nyahaha diyan, send nyo lang sa fap_web@yahoo.com with the subject NYAHAHA. Till then, Batuten and arrivederci, Pichi-pichi… S.O.C.