Feb 25
“GO SEE” by Mon Nepomuceno Orbeta  |  Posted in Articles  |  on Fri, Feb 25, 2011

Alam n’yo bang naglipana ngayon ang announcement sa internet na nagsasabing “Casting Call”? Ano nga ba ang mga ito? Well, ang audition, “Go See”, Screening, VTR at Casting Call ay pare-pareho lamang ang ibig sabihin na naghahanap ng talents ang isang produksyon na pampelikula, pang-telebisyon, pang-entablado, pang-TV commercials at kung anu-ano pa.

Sa dami ng nais makapasok sa industriya ng entertainment at sa kagustuhang magkaroon ng extra-income, talaga namang madalas ay dinadagsa ang mga auditions at VTR (Videotape Recording) ng mga newcomers at ng mga “not-so-newcomers”.

Kailan lamang ay nagkaroon ng malaking audition ang isang TV Network para sa mga batang edad 5 hanggang 12 para sa isa nilang bagong TV Show na “niluluto”. Hindi nagkaroon ng announcement sa publiko ang audition na iyon, subalit dinagsa ng pagkarami-raming bata na nagpamalas ng kani-kanilang talento sa pagkanta, pagsasayaw, pag-arte at maging sa pagpapatawa.

Paano nga ba malalaman ang mga casting call at audition kung wala namang anunsyo sa radyo at telebisyon?

Isa sa pinakamagandang paraan ay ang magkaroon ng kuneksyon sa mga talent agency. Ang mga talent agency kasi ang mga kadalasang nakakakuha agad ng impormasyon kung may mga kailangang talents sa tv, film, stage and advertising company.

Maganda ring puntahan ang mga website ng mga TV network, film and stage producers at advertising company upang magbasa ng kanilang mga announcement.

Mainam ring mag-join ng mga Social Network at Social Groups sa internet gaya ng Facebook upang direktang magkaroon ng komunikasyon mula sa mga talent agency at producers na madalas ay nag-po-post ng mga requirements nila na talents.

Nakakatulong din ang pagsali sa mga acting, singing and modeling workshops sapagkat habang nasa wokshop, kadalasan ay ipinapadala ang mga workshoppers para sa mga “go see” at auditions.

Isa ring paraan ay ang pagsali sa mga forums, tulad ng Film Academy of the Phillippine Forum (http://filmacademyphil.org/forum/index.php) dahil maraming “announcements of auditions and casting call” ang pino-post sa mga forums.

Pero anu-ano nga ba ang mga dapat paghandaan bago pumunta sa mga auditions?

Una sa lahat, importanteng intindihin munang mabuti ang mga talent requirements bago magpunta sa isang audition upang hindi mag-aksaya ng pagod, panahon at pera para sa transportasyon. Kadalasan ay may specific height, age, body built, skin tone at looks ang hinahanap na talent. Meron din namang “specific talent or ability” ang hinahanap gaya ng “can sing, can dance, can swim, can drive, can speak English fluently, etc.”

Kaya’t kung “swak” ka sa hinahanap na talent, maghanda ng isang “profile with pics” (para rin itong maiksing bio-data) o kaya naman ay “Set cards” na kadalasang hinahanap para sa mga TV commercial VTR. Siguraduhing ang lahat ng nakalagay sa profile at set cards ay makatutulong para sabihing bagay sa iyo ang proyekto na minimithi mong makamit.

Maghanda rin ng “self-introduction” kung saan sasabihin mo ang iyong pangalan, edad, mga talent and skills, at ganun na rin ng previous projects. Maghanda na rin ng brief solo acting skit or monologue, dance and song number kung kinakailangan, lalo na at nakasulat ang mga ito sa iyong profile.

Ngunit paano nga ba masisiguradong tutoo o lehitimo ang isang announcement ng casting call?

Maraming announcements ngayon lalo ng ng mga estudyante sa MassCom para sa kanilang thesis na short films. Importanteng makausap na muna ang mga student film producers bago pumunta sa audition upang maging maliwanag na agad ang usapan tungkol sa talent fee at shooting schedules. Ang audition ay dapat ganapin sa kanilang school upang masiguradong lehitimo itong film thesis at may pahintulot ng paaralan.

Sa mga auditions ng mga Indie Film Producers (at maliliit na stage plays), importante ring alamin kung may mga previous projects o films na ito na naipalabas na. Importante ring alamin ang background ng mga director at producer kung kaya’t kinakailangan ang research sa internet at pagtatanong sa iba pang kilala na talents. Mainam na pag-usapan na agad sa telepono pa lang ang talent fee at “limitations” sa acting, sapagkat kadalasan ay may mga roles sa mga Indie Films kung saan ay maaaring gumanap sa mga eksenang maseselan tulad ng pagpapakita ng katawan.

Ano ang mga dapat tandaan at iwasan ng mga nais mag-audition? Unang-una, HINDI DAPAT MAGBAYAD sa kahit anupamang audition. Kung ang isang naghahanap ng talent, nagpapa-audition at VTR ay humihingi ng bayad, sigurado na isa lamang LOKOHAN ang lahat, kung kaya’t mag-back-out na agad.

Iwasan ding puntahan ang venue ng isang audition na nasa alanganing lugar gaya ng isang tago o liblib na lugar, o kaya naman ay isang hindi disenteng lugar gaya ng mga “beerhouses” at “night clubs”.

Higit sa lahat, iwasang magpunta mag-isa sa isang audition ang mga kababaihan lalo na ang mga kabataan. Mas mainam kung mayroon kayong alalay or chaperone. Siguraduhin ding alam ng mga kasambahay ang address na pagdadausan ng “casting call”.

Kung kabataan naman ang dadalhin ng magulang o guardian sa isang VTR, siguraduhing nakikita ang nangyayaring VTR sa loob upang maiwasan ang “child abuse”.

Masarap subukan na sumalang sa mga mag-audition, subalit may kaakibat itong hirap at kung minsan ay panganib kung di magiging maingat. Sa bawa’t maghahangad na subukan ito, kailangang itatag ang loob sa pagkainip sa paghihintay at sa mga hirap na pagdadaanan. Subalit kapag nakamit naman ang minimithing proyekto ay walang kasing sarap ang saya na mararamdaman. Tandaan , hanggang ngayon sa makabagong panahon, pagdating sa audition at “go see”, tutoo pa rin ang kasabihang “Kung may tiyaga, may nilaga”.

For Comments and Suggestion Please e-mail: monorbeta@yahoo.com or join our forum at http://filmacademyphil.org/forum/index.php


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/