Jul 08
MOVIE TRIVIA: MGA PELIKULANG MAY SEQUEL by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 8, 2005

By Tante de Ramos

Ang nakatalang labing-tatlong pelikula ng artikulong ito ay ang may pinakamaraming sequel or remake ng mga karakter na halos halaw sa komiks o radyo. Apat lang sa 13 ang sinulat para sa pelikula pero kasama dito ang isa na siguro sa pinakamatagumpay na sequel series, ang Lo Waist gang.. Para sa movie trivia ngayong linggo, tunghayan ninyo ang mga pelikulang Pilipinong ito.

Darna – Ang unang lumabas na Darna ay si Rosa del Rosario. Si Mila Nympha ang lumabas sa papel na Narda. Si Ace York (Ace Vergel) aysi Ding at si Cristina Aragon ang lumabas naValentina na may buhok na ahas. Ito ay sa produksiyon ni Fernando Poe Sr., ang Royal Productions. Sa Darna at ang Babaeng Lawin ay ang dating cast ang lumabas at nadagdag si Elvira Reyes bilang babaeng lawin. Sa Darna at ang Babaeng Tuod ay si Gina Alonzo ang lumabas na Darna. Sa Darna at ang mga Planetman si Vilma Santos ang lumabas na Darna, suportado ng mga baguhang artista ng Sampaguita Pictures bilang mga planetman. Sa Lipad, Darna, Lipad, si Vilma Santos uli ang lumabas dito. Ang mga naging kalaban niyang mga higante dito ay sina Cesar Ramirez, Max Alvarado, Divina Valencia at Ike Lozada. Si Helen Gamboa ang kontrabida na siyang may kapangyarihan mag-utos sa mga higante na maminsala. Ang mga iba pang lumabas na Darna ay sina Eva Montes sa Premier Productions at si Gina Pareño sa Sampagiuta Pictures. Ang mga huling artistang na Darna ay sina Anjanette Abayari, Nanette Medved at Regine Velasquez. Sa telebisyon ang lumabas na Darna ay sina Alma Moreno, Lorna Tolentino, Judy Ann Santos at ang pinakahuli ay si Angel Locsin. Lumabas din si Dolphy sa isang ispup bilang Darna Kuno.

Dyesebel – Ang unang lumabas na Dysebel ay si Edna Luna na katambal ni Jaime de la Rosa sa isang pelikulang ginawa ng Premier Productions at kinunan sa Hundred Islands sa Pangasinan. Ang mga sumusunod na lumabas dito ay si Vilma Santos na katambal si Romeo Miranda. Ang kontrabida rito ay si Cristina Reyes. Ang iba pang lumabas na Dyesesel ay sina Alice Dixon at si Charlene Gonzalez.

Kapitan Kidlat – Ang unang lumabas sa papel na ito ay si Armando Goyena na prodyus ng LVN Picture. Sa telebisyon nang ipalabas ang Kapitan Kidlat ay si Ricky Davao naman ang kinuhang bida para gumanap dito.

Captain Barbel l – Ang unang lumabas na Captain Barbell ay si Willie Sotelo na prodyus ng LVN Picture. Ang sumunod na lumabas dito ay si Edu Manzano na kapag nasa katawan ni Tenteng ang lumalabas ay si Herbert Bautista. Ang sumunod ay si Ramon “Bong” Revilla Jr. na lumabas na Captain Barbell. Ang katambal dito na bidang babae ay si Regine Velasquez. Si Ogie Alcasid naman ang lumabasa bilang Tenteng.

Og – Ang pelikulang may sequel na pinangungunahan palagi ni Jesus Ramos na naging Mr. Philippines. Ang isang sequel ay Si Og Sa Maynila na tinatampukan din ni Leila Morena bilang bidang babae. Ang Lo’ Waist Gang at si Og sa Mindoro ay tampok pa rin si Jesus Ramos na kasama naman sina Fernando Poe Jr, Zaldy Zshornack, Boy Francisco, Herminio “Butch” Bautista, Boy Santa Romana, Paquito Toledo, Mario Antonio, Tony Cruz, at si Teresita Mendez na siyang kasamang babae sa cast ng pelikula. Ito ay prodyus ng Premier Productions.

Palos – Ito ay palaging gingampanan ni Bernard Bonnin sa bawat sequel nito na siya ang bida. Ang mga sequel nito ay Alyas Palos at Palos Strikes Again . Sa mga sequel nito ay iba’t-ibang bidang babae ang gumanap, kasama na si Lourdes Medel. Ang prodyuser nito ay ang LVN Pictures.

Lo’ Waist Gang – Ang maraming sequel na ginawa sa pangunguna nina Fernando Poe Jr. at Zaldy Zshornack na kasama ang kanilang barkada. Minsan napasama na rin sina Berting Labra at Chiquito. Isang sequel nito ay Ito Ba ang Ating Mga Anak?, Lo’ Waist Gang . Ang mga sequel nito ay Lutong Macao na nag-shooting sa Hongkong, Bakasyon Grande na isang rancho ang setting. Ang bidang babae dito ay si Corazon Rivas. Ito ay prodyus ng Larry Santiago Productions.

Bondying – Ito ay unang ginampanan ni Fred Montilla sa bakuran ng Sampagiuta Pictures. Katambal niya dito si Myrna Delgado. Ang sumunod na Bondying ay si Jay Ilagan ang gumanap. At ang pinaka-huling gumanap na Bondying ay si Jimmy Santos naman.

Panday – Ito ay palaging si Fernando Poe Jr. ang bidang gumaganap. Sa bawat sequel nito ay iba-iba ditto ang bidang babae. Minsan may kasama siyang bata katulad nina Bentot Jr. at Dranreb Belleza. Ang Panday series ay produksyon ng ay prodyus ng FPJ Productions at inilalahok sa Metro manila Film Festival kung saan lagi itong nagiging top grosser. Sa ibang Panday sequel ay binigyan ng karapatang lumabas ni Fernando Poe Jr. sina Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.. Ang huling binabalak na gumanap sa Panday sequel ay si Jericho Rosales para sa seryeng pang-telebisyon sa ABS-CBN.

Mano Po – Dito ay may mga artistang hindi pinapalitan sa cast at meron namang mga artistang naaalis at may nadadagdag. Masasabing hindi naman sequel ang dalawang sumunod na Mano Po films dahil hindi naman kadugtong ang mga ito ng orihinal na istorya. Ang direktor ng Mano Po 1 at 3 ay si Joel Lamangan at ng Mano Po 2 ay si Erik Matti. Ang mga ito ay prinodyus ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films.

Liberated – Ang sequel ay ang dating cast ang lumabas na sina Diana Zubiri, Francine Prieto, Rodel Velayo at Christian Vasquez. Sa Liberated 2 ay nadagdag si Winston Elizalde sa cast ng sexy movie.Ang director nito ay si Mac Alejandre. Ito ay prinodyus ni Robbie Tan ng Seiko Films.

Lastikman – Ito ay may sequel na rin sa movie na naging box office hit. Ang unang lumabas dito ay si Vic Sotto na katambal niya dito ay si Donita Rose na bidang babae. Sa direksiyon ito ni Tony Reyes. Ang bagong lumabas na Lastikman ay si Mark Bautista na isang runner up sa Star For A Night contest. Ang katambal niya dito ay si Sarah Geronimo na siyang naging grand champion sa Star For A Night contest. Ito ay prinodyus ni Vic del Rosario ng Viva Productions na nakasali sa Metro Manila Film Festival 2004 entry. Naging box office hit uli ang pelikula. Ang director nito ay si Mac Alejandre .

Mano-Mano – Sa mga sequel nito ay palaging si Ronnie Rickets ang bida. Sa Mano-Mano 3, Arnis the Lost Art , kasama niya sina Monsour del Rosario at Ricardo Cepeda. Introducing dito ang pamangkin niyang si Bruce Ricketts. Si Gwen Garci ang bidang babae rito. Ito ay prinodyus ni Ronnie Ricketts sa kanyang Rocketts Production sa direksyon ni Ronn-Rick.