Jul 01
FAP AT ANG PARADA NG LITSON SA BATANGAS by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 1, 2005

Ni Rei Nicandro

Nitong nagdaang Sabado, Hunyo 24, 2005, ay muling ipinagdiwang ng Balayan, Batangas, ang taunang parada ng mga nakabihis na litson. May bihis Batman, hitsurang doktor, karpintero, bumbero, punkista, pulis at ang kalaban ni Darna na si Valentina.

At siyempre pa ay duly represented ang Film Academy of the Philippines sapagkat ang FAP Director General na si Leo Martinez ay tubong-Balayan.

Tatlong guild presidents—si Manny Morfe ng Production Designers’ Guild of the Philippines, si Tony Ramos ng Assistant Directors-Production Managers Guild at Isagani Sioson ng Filipino Society of Cinematographers– ang dumalo sa selebrasyon, kasama ang mga empleyado ng FAP.

Nandoon din sina Lea Benardez, Ann Fajardo, Vangie Bulay, Julie Nunez, Camilo Navarro at Raffy Pastrana. Kasama din sa delegasyon sina Joel Apuyan ng ADPM, Direktor Bert Ortega ng KDPP, Zahn Garduce ng OSFILM, Rei Nicandro ng SGP, at sina Ralph Fajardo at Kiko Arroyo ng Fapweb. Si Roger Robles ang official photographer na kumover ng parada.

Kasabay ng parada ay ang walang humpay na basaan ng tubig tanda ng nakagawiang tradisyon sa pagdiriwang ng pista ni San Juan Bautista.

Ilan sa namataang celebrities na dumalo sa pista ay sina Angelica de la Cruz at ang basketball player na si Rommel Adducul. Ang pista at parada ay naglalayong mag-promote ng turismo at magtaguyod ng makulay na kultura at tradisyon ng Batangas.

Naging matagumpay ang taunang selebrasyon sa pangunguna nina Balayan Mayor Benjie Martinez, Batangas Governor Arman Sanchez at Congresswoman Eileen Ermita-Buhain.

Ang pagdiriwang ay tulung-tulong ding itinaguyod ng mga business establishment sa pakikipag-ugnayan sa local government.

Matutunghayan sa mga kasamang photo dito ang masayang selebrasyon ng Parada ng mga Litson.