Jan 12
MMFF – LAST HIRIT by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jan 12, 2005

By Issa Sebullen

Matagumpay ang nakaraang Metro Manila Film Festival, mula sa mataas na antas ng kalidad ng 8 kasaling pelikula hanggang sa benta sa takilya. Ayon sa nakararami, ang judging ay kapuri-puri dahil ang mga nagsipanalo ng awards ay karapat-dapat.

Sentimental favorites pa rin ang Best Actor at Best Actress na sina Christopher De Leon at Vilma Santos, respectively. Inaasahan pero surprising naman ang pagiging Best Supporting Actor ni Dennis Trillo. Ganun din si Rebecca Lusterio bilang Best Supporting Actress. Ayon sa balita, hindi nakarating si Rebecca sa awards night dahil wala siyang pamasahe mula sa Bohol patungong Manila.

Marami ang nagtatanong kung bakit tinalo sa Best Picture ng Mano Po 3 ang Panaghoy Sa Suba. Well, gabuhok lang naman siguro ang diperensya. At sa palagay ko, sa Best Actor ay gabuhok din ang agwat ni Boyet kay Cesar. Kasi naman si Cesar, nagpatanggal ng buhok!

Sa overall ay Mano Po 3 at Panaghoy Sa Suba ang nagsihakot ng mga tropeo. Ngunit ilang entries ang hindi man nakatanggap ng major award ay nakangiti pa rin ang mga producers. Eto ang gross sales ng MMFF from Dec. 25 until Jan. 2, figures are in millions of pesos.

Enteng Kabisote – 93
Happy Together – 37
Spirit of the Glass – 34
Mano Po 3 – 30
Lastikman – 22
Sigaw – 21
Panaghoy sa Suba – 12
Aishite Imasu – 11

Ang Enteng Kabisote na walang ipinanalong award ay umalagwa sa bentahan. Kung baga sa karera ng kabayo ay nasa finish line na si Enteng at nasa kalagitnaan pa lang ang mga kalaban. Isang palatandaan ito na hindi lang istorya ang nagdadala pagdating sa takilya kundi ang artista na rin.

Isa pang patunay ay ang Happy Together na pangalawa sa bentahan. Malamang na si Kris Aquino ang nagdala ng pelikula ngunit malaki ang naitulong ng Starstruck sweethearts na sina Mark Herras at Jennylyn Mercado pati na rin sina Rainier Castillo at Yasmien Kurdi.

Hindi man box office hitters ang young stars sa Spirit of the Glass, nakahatak pa rin ito sa takilya dahil tradisyon na ang horror tuwing Kapaskuhan. Very catchy din ang title pati na ang theme na familiar sa mga tao.

All star cast ang Mano Po 3 at makabuluhan ang istorya kaya disappointing ang benta nito. And to consider the expenses, ilang location shoot ang ginawa sa Thailand at sa China. Siguro sawa na ang tao sa ka-Intsikan.

Isa pang disappointment (sa producers) ang Lastikman. Pero understandable ang hina sa takilya dahil hindi naman kilala ang title roler. Besides, masyadong higante si Vic Sotto para patungan ni Mark Bautista. Kung sana si Sarah Geronimo ang talagang bida, baka may laban pa.

Another surprise (loser) is Sigaw. Parang nabalian ng pakpak ang Mulawin stars. That goes to show na mababa pala ang rating nina Richard Gutierrez at Angel Locsin pagdating sa movies. Sa movies kasi actual ang figures hindi gaya sa TV na kadalasan ay parang hula lamang ang numero ng survey.

Totoong nanaghoy ang Panaghoy Sa Suba dahil sa dialogue. Yes, na-turn off ang marami dahil mahirap lunukin ang isang palabas kung binabasa mo ang dialogue. Unless siguro kung Bisaya ka. For a consolation, malaki ang panalo ng Panaghoy Sa Suba kung ilalako ito sa internation release o international film festivals.

Nakakapanlambot ang performance ng Aishite Imasu 1941 sa takilya. What went wrong? Yan ang tanong na hindi masagot. Box office hitter si Judy Ann Santos. Classic ang istorya at may historical touch pa ang setting. Hindi kaya na-bad trip ang moral-minded audience dahil kabaklaan daw ang ibinabando? Sa totoo lang, halos lahat ng press release ng Aishite Imasu ay tungkol sa role ni Dennis Trillo bilang isang bading.

It’s all over but the shouting, sabi nga nila. Marami tayong natutuhang leksyon sa katatapos na Metro Manila Film Festival. Sana ay magsilbing gabay ito sa susunod na taon upang maging totoo ang tagumpay ng festival – lahat ng entries ay kikita.

And for 2005, magandang balita ang balak ni Kris Aquino na mag-produce. Business partners daw sila ni Sen. Bong Revilla sa kanilang Lucky Frog Ventures. At ang unang hirit yata ay pang-MMFF. Good luck!

- – - – - – - – -
A Lyceum professor, Issa Sebullen is a 3-time Palanca awardee who is on the last leg of her doctoral studies.