Jul 09
KUWENTONG KABABALAGHAN SA MGA SINEHAN by Mon Nepomuceno Orbeta  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 9, 2010

Nakaranas na ba kayo ng kakaibang pangyayari sa inyong buhay tulad ng bigla na lang ay tila may aninong dumaan sa inyong harapan, gayong wala namang ibang tao? Nakakita na ba kayo ng mga bagay sa inyong tabi na bigla na lamang gumalaw ganung nag-iisa lamang kayo sa inyong silid? Nangyari na ba sa inyo na humiling kayo ng masama patungkol sa inyong kagalit at ito’y nangyari? Napakarami ngang mga kakaibang pangyayari sa ating paligid na di maipa-liwanag kung kaya’t nagkikibit-balikat na lamang tayo kahit pa nga ba nakaramdam tayo ng kilabot.

Mayroon akong isang kaibigan na madalas na nakararanas ng mga ganitong pangyayari at tila kakambal na nga niya ang mga kuwentong kababalaghan. Siya si Napoleon na nagpaunlak naman na ma-interview ko at pumayag na maisulat ko ang ilan sa kanyang mga nakakapanindig-balahibo na karanasan. Pero ang mga ikukuwento ko lamang dito ay ang mga kakaiba at kababalaghang mga nangyari sa loob ng sinehan, ganun din ang kanyang kakaibang sakit, ang “addiction”.

Opo, self-confessed addict si Napoleon, isa siyang “Adik sa Sine”. Ayon kay Napoleon, four years old siya nang unang makapasok sa sine (Gotesco Cinema, Monumento) at tandang-tanda pa niya na pelikula ni Dolphy at Liezel Sumilang (daughter of Ms. Amalia Fuentes) ang palabas na ang title ay Pinokyo en Little Snow White. Bigla na lamang daw umiyak si Napoleon dahil sa likuran niya, nakita niya ang isang lalaking maitim na puno ng balahibo ang mukha at nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kanya na tila sadya siyang tinatakot. Nagsumbong siya sa Papa at Mama niya na kasama niyang nanonood, pero nang lingunin niya ulit ay wala na ang maitim na lalaki sa likuran.

Thirteen years old na siya nang muling manood ng sine, kung saan nanalo siya ng raffle ticket sa school para sa movie na The Prince and the Pauper. At kasama ang tatlong kaklaseng babae, nanood sila sa Galaxy Theater sa Avenida Rizal. Excited si Napoleon dahil first time niyang umalis na walang kasamang matanda at kasama pa niya ang classmate niya na crush niya. Pagdating sa loob, naupo sila sa gawing unahan, at dahil medyo inaaninag pa nila ang paligid, di nila napansin na may katabi pala silang isang lalaki. Di pa nagtagal, nakapag-adjust na ang mga mata nila sa loob ng sinehan, at dali-dali ay nagyaya ang mga kaklase niyang babae na lumipat ng upuan. Walang tutol na sumunod si Napoleon, sapagkat ang tutoo ay kanina pa siya kinikilabutan, at naisip niya, baka nakita rin ng mga kaklase ang babaing nakaputi na dumaan sa kanilang harapan na di naman naglalakad at tila nakalutang. Nalaman ni Napoleon nang pauwi na sila, iba pala ang nakita ng mga kaklase niyang babae. Isa palang “exhibitionist” ang lalaking katabi nila dahil ayon sa classmates, nakita raw nila na nilalaro ng lalaki ang kanyang ari.

Nang sumapit ang MMFF ng taong iyon, tuwang-tuwa si Napoleon dahil isinama siya ng Auntie niya para manood ng Mamang Sorbetero ni Former President Erap and Celeste Legaspi. Anong gulat ni Napoleon dahil sa Galaxy theater na naman sila manonood, pero wala na rin siyang nagawa dahil inilibre lamang siya ng auntie, at “buenas” naman daw dahil wala namang nagpagkita na kung ano sa loob ng sinehan.

Nang mag-3rd year high-school ay nalipat si Napoleon sa Baliuag, Bulacan at doon ay naging paborito niyang libangan ay manood ng sine sa mga double-program na palabas. Palibhasa ay mura lang kaya’t ang baon niya na pambili ng pagkain ay kasya nang pambayad sa sine. At doon na raw nagsimula ang pagiging adik sa sine ni Napoleon. Linggu-linggo sa tuwing magpapalit ang palabas sa sinehan ay siguradong naroon siya sa tatlong sinehan ng Baliuag, ang Henson, ang Victoria at isa pa na di na niya maalala ang pangalan. Noon daw ay tatlong buwan nang nag-“showing” sa Maynila bago ipalabas sa Baliuag ang mga Tagalong films, pero pag English Films, lalo raw mas matagal.

Nang mag-kolehiyo si Napoleon noong dekada 80 sa F.E.U. at tumuntong sa edad na 18 (allowed age para sa For Adults Only), mas lalo daw lumala ang kanyang pagka-adik sa sine. Madalas daw ay walang klase noon sa F.E.U. dahil walang inatupag ang karamihan sa mga estudyante kungdi sumama sa welgang-bayan dahil alam naman natin , matindi ang pulitika ng dekada 80 at isa ang F.E.U. sa aktibo sa paglahok, lalo pa’t kapatid ng dating Presidente Cory si Mrs. Josephine Reyes (Presidente noon ng F.E.U.) .

Sa tuwing wala ngang klase, talagang lahat ng palabas , mapa-Tagalog, mapa-Ingles, di pinalalagpas ni Napoleon. Ang matindi pa, sinuyod niya lahat ng sinehan sa paikot ng University Belt, kaya’t sabi pa niya “Name it” at siguradong nakapanood na siya sa sinehan na iyon. At di pa siya nakuntento, nang maubos na niya ang sinehan sa U-belt, dumayo na siya ng Harrison Plaza hanggang sa Film Center sa CCP complex kung saan ipinalabas ang “Experimental films” na di uso ang censorship kung kaya’t laging “Blockbuster” sa haba ng pila. At sinundan na iyon ng panonood sa Cubao, Greenhills at Makati.

Nang makapag-work na si Napoleon, ay nauso na ang mga sinehan sa Malls , at dahil may sweldo na, “can afford” niyang ikutin lahat ng Malls sa Metro Manila at ipagpatuloy ang bisyo. Kapag MMFF nga raw, limang palabas ang pinanonood niya sa loob ng isang araw. Nang ma-promote naman siya sa trabaho, nagkaroon siya ng Asian Tours at hanggang doon daw sa ibang bansa ay dinala niya ang pagka-adik. Unforgettable daw nang manood siya ng sine sa Planet Hollywood sa Indonesia kung saan ang palabas ay movie ni Sylvester Stallone at Sharon stone, ang The Specialists, na kahit napakamahal ng bayad ay sulit naman dahil “dolby surround” at “high-tech” ang sinehan at very comfortable ang upuan. Sa katunayan, 3 years later pa bago raw tayo nagkaroon ng ganoong uri ng sinehan sa Pilipinas.

Kailan lamang muling nag-ikot daw si Napoleon sa mga sinehan sa Maynila, at sabi nga niya “Nostalgic walk to memory lane”. Nalungkot daw siya kasi halos sarado na lahat ang sinehan sa U-belt at iilan na lamang ang natitira na puro double-program pa ang palabas at talaga namang “deteriorating” na raw ang façade pa lang, lalo na raw sa loob nang subukin niyang pasukin ang isa kung saan ay di siya nakatagal sa amoy at init kung kaya’t dali-dali na rin siyang lumabas.

Sa pamamasyal, nakita rin niya ang Capitol Theater sa Escolta na matagal nang sarado. Naalala raw niya nang minsan siyang manood dito noong araw, napakarami raw kababalaghan ang nangyari sa loob, tulad ng bigla na lang siya nakarinig ng babaing umiiyak kahit wala namang tao sa tabi niya. Bigla na lamang daw tila may bubulong at hihinga nang malalim sa kanyang likuran ganung wala namang tao. May mga anino pa raw siyang nakita na palakad-lakad na bigla na lamang nawala.

Pero ayon kay Napoleon, masaya na rin siya ngayon dahil aniya, nagkaroon na ng mga modernong sinehan na may 3D, iMax ang SM at Robinson kung kaya’t maipapagpatuloy pa rin niya ang kanyang bisyo sa mas comfortable, safe at masarap sa mata na paraan. At so far, mas higit daw siyang masaya sa mga bagong cinemas sa mga malls, dahil sabi pa niya, nakapanonood daw siya nang walang gumagambala sa kanya na kung anu-anong kababalaghan.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa monorbeta@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/