Jul 02
MGA AWITING SARILING ATIN by Mon Nepomuceno Orbeta  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 2, 2010

Ang Kundiman (o Cundiman) ay isang uri ng tradisyonal na musika ng pag-ibig. Ang liriko ay sinulat sa Tagalog at ang melodiya ay kadalasang banayad, nakaka-antig ng puso at makabagbag-damdamin, sapagkat ang kundiman ay karaniwang inaawit noong araw upang mangharana at umakyat ng ligaw.

Ang Kundiman ay maituturing na mataas na antas ng sining na nagsimula pa noong ika-18 siglo. Mataas na antas sapagkat hindi lamang ito naglalaman ng mga awit ng pag-ibig sa babaing sinisinta , kundi naglalaman din ito ng mga tula ng pag-ibig para sa bayan at kalayaan.

Noong taong 1872, isinulat ng isang paring Franciscano na si Father Joaquin de Coria ang “Nueva Gramatica Tagalog Teorica-Practica” kung saan ay nalathala ang iba’t-ibang mga awiting Tagalog tulad ng “Diona and Talingdao” (awitin ukol sa mga gawaing bahay), Indolanin and Dolayin (mga awit sa lansangan), Soliranin (awit sa bangka), Haloharin, Oyayi and Hele-hele (mga awit-pampatulog sa sanggol), Sambotani (awit sa piyesta at pagtitipon), “Tagumpay” at “Dopayinin” (mga awit ng tagumpay sa pakikipaglaban), “Kumintang” (awit-pag-ibig na sinasabayan ng sayaw-pag-ibig) at Cundiman o Kundiman (awit-pag-ibig para sa harana).

Pinaniniwalan ng mga iskolar at kompositor na tulad ni Dr. Francisco Santiago (ama ng Kundiman at ama ng Pilipinong awit ng nasyonalismo) at Nicanor Abelardo (kompositor ng “Bituing Marikit” at “Mutya ng Pasig”) na ang Kundiman ay nagsimula sa lalawigan ng Batangas dahil noong 1888, isang Espanyol na manunulat at historiyan, si Wenceslao E. Retana, ang nagsulat ng isang aklat na pinamagatang “El Indio Batangueño” na naglalaman ng liriko ng tanyag na kundiman mula sa Batangas. At narito ang excerpt ng nasabing liriko:

Aco man ay imbi, hamac isang ducha
Nasinta sa iyo, naghahasic nga
Di ba guin si David ng una ay aba
Pastor ay nag harin ng datnan ng awa?
Estrebillo:
Hele ng Cundiman
Hele ng Cundangan
Mundo palibhasai, talinghaga lamang
Ang mababa ngayon bucas ay marangal.

Ang Kundiman noong panahon ng himagsikan ay naging awitin din na sumisimbolo sa nasyonalismo at mismong si Dr. Jose Rizal ay nagsulat rin ng isang kundiman na nagsasaad ng pagdurusa ng bayan, pag-aalab ng damdamin ng mamamayan at muling pagbangon hanggang matubos ang minimithing kalayaan.

KUNDIMAN NI RIZAL
Tunay ngayong umid yaring diwa at puso
Ang bayan palibhasa’y api, lupig at sumuko.
Sa kapabayaan ng nagturong puno
Paglaya’y nawala, ligaya’y naglaho!
Datapuwa’t muling sisikat ang maligayang araw
Pilit na maliligtas ang inaping bayan
Magbabalik man din at laging sisikat
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan!
Ibubuhos namin ang dugo’y ibabaha
Ng matubos lamang ang sa Amang Lupa!
Hanggang ‘di sumapit ang panahong tadhana
Sinta ay tatahimik, tutuloy ang nasa!
Sinta ay tatahimik at tutuloy ang nasa!
O Bayan kong mahal
Sintang Filipinas!

At sa panahon ng himagsikan noong taong 1896 -1898 laban sa mga Kastila, ang pinakatanyag na kundiman ay ang “Jocelynang Baliuag” na nagpasidhi sa nag-aalab na damdamin ng mga Rebolusyonaryong Tagalog lalo na sa Bulacan kaya’t binansagan itong “Kundiman ng Rebolusyon”. Ang awitin ay naglalaman ng pagmamahal patungkol sa isang babaing nagngangalang “ Josefa “PEPITA” Tionson y Lara na siyang sumisimbolo sa “Inang Bayan”.

Matapos ang himagsikan, sa pagpasok nga ng ika-19 na siglo, ayon sa pahayag ng kompositor na si Felipe M. De Leon Jr. (Mula sa kanyang sanaysay na “But What Really Is The Kundiman?”), hindi lamang ang mga awitin ng pagmamahal sa sinta at bayan ang matatawag na Kundiman, kundi maging ang iba pang awitin na patungkol sa pangungulila at pagmamahal sa mga sanggol, reliyon at idiyolohiyang ipinaglalaban.

Sa pag-usbong naman at pagyabong ng Sining ng Pelikulang Pilipino, naging napakalaking bahagi ang kundiman sa paggawa ng mga pelikula lalo pa’t ang kauna-unahang Pelikulang Tagalog na pinamagatang “Dalagang Bukid” ay kinapalooban ng Kundiman. Ang pangunahing artista sa “Dalagang Bukid” na itinuturing na kauna-unahang aktres ay si Honorata “Atang” Dela Rama (kinilala rin bilang Reyna ng Kundiman) ay umawit sa pelikulang ito ng awiting kundiman na “Nabasag na Banga”.

Ang kauna-unahan namang pelikula ng Sampaguita Pictures na pinagbidahan nina Rogelio dela Rosa at Elsa Oria (tinaguriang Singing Sweetheart of the Philippines) ay hango sa awit- Kundiman ni Nicanor Abelardo na “Bituing Marikit” na siya ring titulo ng nasabing pelikula.
At syempre pa, hindi rin maaring magwakas ang karamihan ng mga pelikula noong araw kung walang kundiman na aawitin ng mga pangunahing bituin lalo na sa panahon nila Rogelio dela Rosa at Carmen Rosales. ( http://www.youtube.com/watch?v=I_Ty0XCudAs )

Sa pagpasok naman ng makabagong panahon (Huling bahagi ng ika-19 na siglo), napakalaki ng naging kontribusyon sa pagpapanatili ng kamalayan ng masa sa Kundiman ni Gng. Armida Siguion Reyna at ng kanyang programang “Aawitan Kita”, sapagkat sila ay nagsilbing tanikala na nagdugtong at nagpatuloy sa kultura ng pag-awit ng kundiman sa makabagong panahon mula sa unang bahagi ng ika-19 na siglo.

At alam n’yo, ang “Aawitan Kita” ay nanatili sa telebisyon sa mahigit 30 taon, habang nagpapalipat-lipat lamang sa iba’t-ibang istasyon ng telebisyon, kung saan ang pinakahuli ay sa Channel 5 bilang Buwanang Pagtatanghal (Monthly Special).

Taong 2005, nagsimulang magtanghal ang “Aawitan kita” sa panibago nitong anyo, sa harap ng madla sa ibabaw ng entablado (Live Performance). Ito ay naisakatuparan sa tulong ng dating Mayor ng Makati na ngayon nga ay Bise-Presidente Jejomar Binay.

Ang pagtatanghal ay tinawag na “Aawitan kita sa Makati LIVE!” ay pinangunahan pa rin ni Gng. Armida Siguion Reyna (http://www.youtube. com/watch?v=xR-A_gDVxN0) kasama ang mga mahuhusay na kompositor na sina Levy Celerio (National Artist) at Restie Umali, at ganun din ang mga mahuhusay na mga mang-aawit na sina Michael Laygo, Ivy Violan, Roberto Natividad (R.I.P.) http://www.youtube.com/watch?v=i3lpXJBr4aQ&feature=related), Charles Muñoz, Bimbo Cerrudo, Cris Villongco at marami pang iba.

Sa moderno na nga nating panahon, bagamat nagkaroon na ng maraming uri ng banyagang awitin tulad ng Pop, Ballad, Jazz, RAP, RnB at iba pa, ay masasabi pa rin nating mananatiling may puwang sa ating puso at kultura ang kundiman dahil sa mahalagang kahulugan nito sa ating kasaysayan na pumipitik sa ating mga damdamin at nagpapa-alala palagi ng pagmamahal ng mga naunang Pilipino sa ating bayan.

At tunay ngang habang nananalaytay sa ating mga dugo ang pagiging makabayan at ang pagmamahal sa sariling atin, mananatili at muli’t muli ay maririnig at patuloy na haharanahin ang ating mga puso ng mga awiting kundiman, ang mga awiting tunay na sariling atin.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa monorbeta@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/