Jun 25
AKO PA RIN, KILALA MO PA BA AKO? by Mon Nepomuceno Orbeta  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jun 25, 2010

May isang batang mag-aaral noong araw na nakakita ng isang kapwa-bata na umiiyak. Agad niya itong tinanong kung bakit. Itinuro ng bata ang saranggola niya na sumabit sa tuktok ng isang gusali. Dahil sa awa, agad na inakyat ng batang mag-aaral ang saranggola at kinuha. Ngunit nakita pala siya ng kanyang guro at siya ay pinagalitan. Sinabi ng guro na labis siyang nag-alala para sa mag-aaral, at isa pa, hindi raw katumbas ng buhay niya ang saranggola. Tinanong pa ng guro kung di ba niya naisip na nalagay sa panganib ang kanyang buhay? Agad na humingi ng paumanhin ang batang mag-aaral. Sinabi pa nito, hindi na niya alintana na nalagay sa panganib ang kanyang sarili dahil sa kagustuhan niyang mapasaya ang batang umiiyak. Sinabi pa ng batang mag-aaral na di niya iyon uulitin upang di na magalit at makaramdam ng pag-aalala ang kanyang guro .

Tunay nga, mas inuna pang isipin ng batang mag-aaral ang ikasisiya at ikapapanatag ng damdamin ng iba kaysa sa kanyang kaligtasan. Tunay nga, sa mura niyang edad noon ay pinatunayan niyang ang pagiging bayani ay walang kinalaman ang edad, ang naabot na edukasyon at ang yaman na taglay.

May isa pang pangyayari sa buhay ng batang mag-aaral. Nang minsan itong sumakay ng bangka ay nahulog ang isa niyang tsinelas sa tubig. Kagya’t na hinubad ng batang ito ang isa pang kapares na tsinelas at inihagis sa ilog. Nang tanungin siya kung bakit niya ito ginawa, ang sabi niya’y upang mapakinabangan ng ibang makakukuha ng pares ng tsinelas, sapagkat kung isa lamang ay wala na itong kabuluhan.

Ngayon, sigurado na akong kilala mo na siya. Tama! Siya si Pepe; ang batang Jose Rizal. Ang batang paulit-ulit nating nababasa sa libro ang buhay, gayundin ang kanyang mga ginawang kabayanihan.

“Ako pa rin, kilala mo pa ba ako? Ako si Jose Rizal. Ipinanganak sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861…” mga paunang salita ng isang aklat na siguradong binasa ng milyun-milyong Pilipino na nag-aral sa elementarya.
Kayrami na ngang libro ang nasulat tungkol sa buhay at pag-ibig ni Pepe. Mula pang-elementarya hanggang pang-kolehiyo. Iba’t-ibang paraan ng pagkasulat, iba’t-ibang lingguwahe ngunit lahat ay pawang tumatalakay sa buhay at kabayanihan ng ating pambansang bayani.

art-2010_06_25-ako-pa-rin-kilala-mo-pa-ba-ako.jpg

“Ako pa rin, kilala mo pa ba ako?…” At lalo pa nga nating nakilala si Jose Rizal dahil hindi lamang sa mga aklat naipahayag ang kanyang kabayanihan, kungdi maging sa pamamagitan ng Sining ng Pelikula. Marami na ngang nagawang mga Pelikula na nagpapakita ng buhay at kadakilaan ni Jose Rizal. At ilan dito ay ang mga sumusunod:
Ang Buhay at ang Pag-ibig ni Dr. Jose Rizal , na mula sa Bagumbayan Production noong 1956, kung saan ang papel ni Rizal ay ginampanan ni Eddie del Mar at nakasama rin dito si Edna Luna (Unang artistang gumanap ng Dyesebel), at mula sa direksyon ni Ramon Estella.

Rizal sa Dapitan noong 1997, sa direksyon ni Tikoy Aguiluz, kung saan naman ang papel na Rizal ay ginampanan ni Albert Martinez, at Amanda Page bilang Josephine Bracken.
Jose Rizal , magmula sa GMA films noong 1998 kung saan naman ang gumanap ay si Cesar Montano at mula sa direksyon ni Marilou Diaz Abaya.

Taong 1999, gumawa naman ng isang pelikula si Direk Mario O’Hara na pinamagatang “Sisa” kung saan gumanap naman bilang Rizal ay si Gardo Versoza. (Si Aya Medel bilang Sisa.)

Nang sumunod na taon, ginawa naman ang pelikulang Bayaning Third World ni Direk Mike de Leon. Ang papel na Rizal ay ginampanan naman ni Joel Torre.

At taong 2008, gumanap rin bilang Rizal si Allan Paule sa pelikulang Sisa (Indie Film) na pinagbidahan naman ni Jodie Sta Maria.

“Ako pa rin, kilala mo pa ba ako?…” Marahil sa dami ng aklat na nasulat at pelikulang nagawa ay sadyang inuukit sa ating mga isipan ang tunay na kahulugan ng pagiging Pilipino. Marahil, sadyang paulit-ulit tayong tinatanong kung tunay bang kilala natin si Jose Rizal, dahil kung tunay nga, marapat lamang na tularan natin siya sa kanyang pagmamahal at pagpapahalaga sa bayan at kapwa-Pilipino.

Ngayong buwan ng Hunyo, muling ipinagdiriwang natin ang araw ng kalayaan at araw ng kapanganakan ni Rizal. Napakagandang pagkakataon upang kilalanin at tanungin din natin ang ating mga sarili, kung tunay ba tayong Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/