Feb 09
NAPUSOY NA PUSO by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Feb 9, 2005

Pagdating sa puso, si Annabelle Rama ang masasabing guerrera o palaban. Nagawa niyang tumakas sa kanila sa Cebu upang habulin si Eddie Gutierrez. Kahit walang kilala sa Maynila, naghanap ng magiging kaibigan para may matuluyan.

Naging obsessed siya kay Eddie at handa niyang gawin ang lahat makuha lang si Eddie. Inayos niyang mabuti ang balak. Ang final plan niya ay ang pakasalan siya ng elusive gigolo. Bilang unang hakbang, tinawagan niya ang phone number ni Eddie pero walang nangyari hanggang maramdaman niyang iniiwasan siya. Na-feel tuloy ni Annabelle na para siyang isang ordinary fan lamang. Mabuti at hindi pa uso ang word na stalker noon.

Sa flashback, nagkakilala si Annabelle at Eddie sa Cebu. Matapos ang sandaling pag-uusap ay nagkatitigan sila, wika nga. At ang sumunod ay ang happy ending na sinasabi, sa kama nagtuloy si Annabelle at Eddie. Ngunit hindi pala ganung ka-igsi ang istorya dahil hindi happy ending ang nangyari. Para kay Eddie, it was just a fling.

At para huwag magmukhang isang fan lamang, nagpilit pumasok si Annabelle sa showbiz. Natanggap naman siyang dancer sa isang noontime TV show. Doon niya nakilala si Mina Aragon. Nakagiliwan siya ni Mina kaya pinatuloy siya sa kanilang bahay. Bukod dito, tinulungan pa siya ni Mina na kontakin si Eddie. Pero talagang madulas na parang hito si Eddie sa mga babae noong panahong iyun. Walang nangyari sa intercession ni Mina.

Ngunit walang kaabog-abog, biglang narinig ni Annabelle ang boses ni Eddie sa telepono. What irony, ano? So, nagtagumpay ang plano ni Annabelle dahi nakita pala siya sa TV ni Eddie. Matapos mag-eyeball ay nagtungo sila sa sinehan sa Makati. At siyempre, ayon sa balak ni Annabelle, naging instantly close sila, physically, mentally and emotionally.

Being the girlfriend, nagpakita ng sobrang pagkaselosa si Annabelle. Very possessive siya in nature kaya halos lahat ng babaeng dumidikit kay Eddie ay nakakabangga niya. Ang isang masakit kay Annabelle ay parang hindi naman seryoso si Eddie sa kanilang relasyon.

At dahil insecure na siya sa mga artistang kalaban sa puso ni Eddie, pinasok ulit ni Annabelle ang showbiz. Pero hindi na ang TV kundi ang movies na talaga. Suwerte namang naging bida agad siya at starring role pa sa Adam and Eve. Patas na ang labanan, artista versus artista. Busy man sa shooting si Annabelle ay madalas pa rin silang magkita ni Eddie. Nagkasunod-sunod ang pelikula ni Annabelle ngunit marami ring movie offers siyang tinanggihan. Priority kasi niya ang pagbabantay kay Eddie. Laging plantsado ang schedule ng date ni Annabelle at Eddie.

Tanong: Kung ang Eat Bulaga ang paboritong noontime show dito, ano ang paboritong noontime show sa Africa?
Sagot: Eat Baluga.

At ayon pa rin sa plano, nabuntis si Annabelle. Inaasahan man, nalungkot pa rin si Annabelle nang magtago si Eddie sa Amerika. Mag-isa niyang pinagdusahan ang hirap ng pagbubuntis. Ngunit sa paglirat sa mundo ng magandang mukha ni Ruffa, nabago ang ihip ng hangin. Excited na umuwi si Eddie mula sa Amerika.

Muli silang nagsama at ayon pa rin sa plano ay muling nagbuntis si Annabelle. Ngunit unsyami pa rin siya dahil hindi pa rin naging seryoso si Eddie sa kabila ng kanilang 2 anak na si Ruffa at Rocky. Balik sa plan B, lumipad patungong Amerika si Annabelle. Iniwan niya ang 2 anak kay Eddie. Umasenso naman ang buhay ni Annabelle sa Amerika at parang sandaling nakalimutan ang pagkasawi. Mahirap mang pawiin ang lungkot sa kanyang 2 anak na naiwan sa Pilipinas, nagsumikap si Annabelle. Pinilit niyang makabili ng sariling bahay.

Bigla na naman ang pangyayari. Naaksidente si Eddie, nabangga ang kotse niya. Sa pag-uusap sa telepono, sinubukang alukin ni Annabelle si Eddie na sa Amerika magpagaling. Hindi inaasahan, dumating si Eddie sa Amerika kasama ang 2 anak. Sa muling pagsasama, ipinakita ni Annabelle ang tunay niyang pagmamahal kay Eddie. For the first time ay tumalab ang kanyang plan A. Inalok siya ni Eddie ng kasal.

Despite the hardships in the US, nakaraos si Eddie at Annabelle bilang husband and wife. Dumami ang kanilang anak. Kung anu-anong trabaho ang pinasok ni Eddie para buhayin ang pamilya. Malakas nga ang balita noong araw na nagtitinda ng kaldero si Eddie sa US.

Sa muling pagbabalik sa Pilipinas, hindi naman nahirapan si Eddie na mag-comeback sa showbiz. Sa suporta ng ilang loyal friends sa showbiz, naging artista si Ruffa. Later ay si Richard naman ang namamayagpag.

Napusoy ni Annabelle Rama ang puso ni Eddie Gutierrez. Malamang ay hindi na magbabago ang takbo ng istorya. Ngunit kung sakaling mag-segue ang istorya, sigurado tayong laging may nakahandang plan B si Annabelle.