Feb 05
SHOWBIZ NYAHAHA – LEONE by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Sat, Feb 5, 2005

By Sandra Orros Co

Advanced greeting ko na ito – Happy Valentine’s Day – dahil baka matabunan na naman ang article ko at sa Holy Week na ma-publish. Sa totoo lang, kina-career ko na ang pagsusulat dahil hindi na ko nakakapagtinda ng mani sa kanto ng Panay Avenue at Quezon Avenue. Ay, teka, babatiin ko pala ng Happy Valentine’s ang mga taga Film Academy secretariat na si Ana Fajardo, Lea Bernardez, Lima Dugtong at ang mga boys na si Rolly Calanog, Nonoy Vivero, Sonny Francisco at Camilo. Yung cheque ko, ha?

Jose Gabriel Bautista ang pangalan ng anak ni Jolo Revilla at Grace Adriano. Marami ang umaayaw sa palayaw na Leone ng baby na unang apo ni Rosanna Roces at ni Sen. Bong Revilla and Lani Mercado. Para sa akin, okey na ang Leone na maging palayaw ni Jose Gabriel kesa naman kunin pa ang first syllables ng mga pangalan niya. Ang sagwa ng JO-GA, di ba?

Tanong: Ano kaya kung naging manugang ni Berting Labra si Nora Aunor?
Sagot: Baka naging apo niya si Labra de Aunor.

Kapag lalake ang baby ni Ruffa puwedeng isunod ang pangalan sa kanya kahit pangit pakinggan ang Rufo. Pero ang hindi puwedeng isunod sa pangalan ng nanay ay kapag lalake ang naging anak ni Assunta at Jules.

Tanong: Ano ang mangyayari kung sa Amerika nakatira si Eddie Gil?
Sagot: Baka naging anak niya si Beverly Gil.

Ewan kung totoong may anak na lalake si Fred Panopio na ang pangalan ay Fred Panopio, Jr. Ewan din kung ang nickname nun ay FPJ.

Pasingit muna. Belated happy birthday to our favorite celebrity na si BOOTS ANSON-ROA. Kaya naman naging favorite ng lola nyo si Boots… bukod sa maganda, matalino at mabait, very exemplary pa ang kanyang family life. Kaya kung may tinatawag na Mr. Clean, siya naman si Mrs. Clean. Just sad to hear na may problema sa kidney ang kanyang beloved son Joey. Boots and Pete Roa just celebrated their 40th wedding anniversary last month (January) at birthday naman ni Boots last Jan. 30. O, big time talaga si Tita Boots dahil for the first time nagkaroon ng picture ang column ko!

Tanong: Kung ang Eat Bulaga ang paboritong noontime show dito, ano ang paboritong noontime show sa Africa?
Sagot: Eat Baluga.

May balita na sa pagtatapos ng Mulawin ay papalitan ng similar fantasy at si Diego (ng Bubble Gang) ang bida. Hindi pa confirmed kung ang title ng teleserye ay MULABI.

Tanong: Sinong actor ang laging nagmamadali?
Sagot: Si Race Cortez

Kelang lang ay nakasabay namin sa highway si Anjo Yllana. Siya ang nagda-drive, nakabukas ang bintana at naninigarilyo. Payong friend lang, Anjo, oks lang magsigarilyo habang umaandar ang kotse pero huwag na huwag kang dudura. Minsan may nakasakay ako sa bus, isang lalake, pogi pa naman pero dura nang dura. Bigla na lang may umober-take na container van, nasagian ang bus. Ayun, tanggal ang ulo nung lalakeng dura nang dura. Siyempre huminto ang bus kaya naki-usyoso ako. Yung ulo ng lalakeng dura nang dura ay napunta sa may damuhan. Ilang pulis at Barangay tanod ang nakapaikot. Nagtataka ako kung bakit hindi pa nila kinukuha ang ulo. Itinuro sa akin ng isang pulis ang ulo sa damuhan. Kaya pala hindi nila madampot kasi, kasi yung ulo… dura pa rin ng dura!

Tanong: Sino sa concert scene ang sobrang mamilipit sa pagkanta?
Sagot: Si Nyoy Bulate.
(Editor’s note: Akala ko si Pilita, sorry, mali pala).

May mga nagtatanong kung bakit bihira nang lumabas ang column ko sa website. Kasi po mga tita at tito, may rating din kami dito at hindi kayo nagvo-vote sa article ko. Kaya kung gusto ninyong mapadalas ang NYAHAHA column ko just click the poll on the right side of this page, click nyo ang YES.

At para sa gustong maki-join sa ating nyahaha, send nyo lang sa fap_web@yahoo.com with the subject nyahaha. Lahat ng contributor ay ililista ko sa aking diary para mapadalhan ng regalo sa Pasko. O, nice ba? Till then, Batuten and arrivederci, Pichi-pichi… S.O.C.