Dec 23
SGP SEMINAR NAGTAPOS by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, Dec 23, 2005

By Pablo Libiran

Isang masigla at napakasayang graduation at Christmas party ang naganap sa Film Academy of the Philippines office noong nakaraang Sabado, Disyembre 17, nang magkaroon ng graduation ang mga dumalong participant sa Film Appreciation & Criticism Seminar na itinaguyod ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts) at pinamatnugutan ng Screenwriters’ Guild of the Philippines. Ginawa ang seminar sa sunud-sunod na 12 Sabado ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.

Kasabay ng graduation ang Christmas party na inihandog ng naturang samahan.

Naging panauhing pandangal sa naturang pagtitipon ang Chairman ng FAP na si Atty. Espiridion D. Laxa na bumigkas ng napakaganda at madamdaming talumpati ukol sa problema ng mga prodyuser sa local na industriya ng pelikula.

Marami kasi ang nagtatanong kung bakit unti-unting lumalamlam ang local film industry. Wala na ba tayong magagandang istoryang pampelikula na maaaring magustuhan ng masa? O dili kaya’y bihira na ba talaga ang mga producer na magtatangkang mag-produce ng mga pelikula sa ating bansa? At talaga bang mas murang bumili ng mga foreign film kaysa mamuhunan sa mga pelikulang gawa sa ating bansa?

Sa kanyang talumpati, inihayag ni Atty. Laxa ang mga kadahilanan kung bakit kakaunti na ang pelikulang ginagawa sa ating bansa kung ikukumpara sa ibang bansa.

“Tayo ang may pinaka-mataas na amusement tax kung ikukumpara sa ibang bansa na gaya ng Thailand , South Korea , Japan , Malaysia , Australia , New Zealand at maging sa US man. Tatlumpung porsyento ang amusement tax sa atin. Ang kasunod ay Korea na 7.5 percent lamang,” ang malungkot niyang pahayag.


Si FAP Chairman Espiridion D. Laxa habang nagsasalita sa pagtatapos ng seminar ng Screenwriters’ Guild of the Philippines .

“Bukod dito, may 10 percent VAT pa tayo. Five percent withholding tax on film shares. P8,000 to P10,000 MTRCB classification fee per film. Twenty percent custom duty on imported unexposed films na kinakailangan sa paggawa ng pelikula. Thirty five percent profit tax totaling 50 percent of gross income. Kaya ano pang matitira sa mga mamumuhunan sa pelikula?,” tanong ni Atty. Laxa.

“Idagdag pa rito ang hindi mapigilang pamimirata ng mga pelikula. Na hindi pa naipalalabas sa mga sinehan ay may kopya nang mabibili sa mga bangketa,’ and sabi pa niya.

“Noong 1996, tayo’y nakagawa ng 164 na pelikula. Noong 1997 ay 187. Noong taong 2000 ay 86 lamang at nitong 2003 ay 80 na lamang ang nagawa. Paunti nang paunti,” pagpapaliwanag nito.

“ Para tayo’y makagawa ng mga magagandang pelikula, kailangan pa natin ang mga visual effect. Pero napakamahal noon . Kagaya ng ginamit na airplane attack sa pelikulang Aishite Imasu na hinango sa film footage ng tunay na labanan sa World War II. Iyon ay nagkahalaga ng P15 million sa 5 minutong exposure nito sa screen.” dagdag ni Atty. Laxa.

“Marami tayong magagaling na talento at mahuhusay ang ating mga film technician. Pero di magagamit ang kanilang talino kung walang producer na mangangahas na gumastos nang malaki at mamuhunan,” idiniin niya.

“Masasagip pa ba natin ang local movie industry?…Ang sagot ko’y OO…Kung magigising ang ating pamahalaan at tutulungan ang ating mga producer na mabawasan ang mga tax sa paggawa ng pelikula. Kung kikilos tayo, sana’y ngayon na,” ang pagwawakas na pahayag ng Chairman ng FAP.

Hinamon din ni Atty. Laxa ang mga manunulat na sumulat ng mga artikulo at lathalain upang maiparating sa mga kinauukulan ang naturang problema para muli mating mabuhay ang industriya ng pelikulang Pilipino sa ating bansa.

Tungkol naman sa seminar, bawat participant ay naging kapana-panabik ang paghihintay dahil pipili ng pitong pinakamahusay at pinakamagandang evaluation report para sa semiar. Sina G. Tessie Parreno, Pantaleon Gavino at Oscar Ejercito ang ilan lamang sa pitong mapapalad na pinagkalooban ni SGP President Pablo S. Gomez ng tig-P2,000 gantimpala.

 
Kasama ng ilang participants sa SGP seminar sina Prof. Joven Velasco, ang seminar director, at Anna Maria Fajardo, ng FAP secretariat (naka-upong magkatapat sa desk).

Ang diwa ng Pasko ay pinatingkad din ng pag-awit nina Danilo Santos , Prinsipe ng kundiman, Atty. Cres M. Odulio at Berting Halili na pawang nagsi-awit ng mga kundiman at pamaskong awitin. Naging panauhin din si Jennilyn Custodio na naging finalist sa Born, Di Ba? singing contest na napapanood sa Channel 2. Inalayan din siya ng tulang parangal ng sumulat ng akdang ito.

Nagpasalamat din si Ginooong Pablo Gomez sa NCCA at kay Professor Jovenal Velasco na siyang naging seminar lecturer at nagpalabas ng mga magagandang CD o DVD version ng foreign at local films.

Ipinaaabot din niya ang pasasalamat sa mga resource speaker na gaya nina Ms. Boots Anson-Roa, Direktor Maryo J. de los Reyes, dating pangulo ng SGP Ricardo Lee, Scriptwriter Manny Buising, Michiko Yamamoto, Agnes Uligan at Direktor Lino Cayetano.

Sa kabuuan, naging isang ganap na tagumpay ang naturang seminar at nadama ng mga opisyal at miyebro ng SGP at mga seminar participant ang tunay na diwa ng Kapaskuhan.