Jan 08
1ST PNP FILM FESTIVAL – ISANG “EXPLOITATION” NG YOUNG FILIPINO FILMMAKERS by William Mayo  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jan 8, 2010

Noong nakaraang taon, naimbitahan kami sa Film Academy of the Philippines ng mga opisyales ng community relations office ng Philippine National Police sa isang pulong. Kasama ang yumaong FAP Chairman na si Atty. Espiridion Laxa ay nag-paunlak kami na dumalo.

Una pa dito ay nalathala sa mga pahayagan na ang mga pelikulang nagpapakita ng kapulisan ay dapat dumaan sa PNP at ang mga pelikulang hindi aayon sa kanilang panlasa ay hahambalusin ng demanda. Ang balitang ito ay agad gumawa ng apoy sa dibdib ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula. Isang industriyang walang ni anumang makuhang tulong sa PNP ay tila gusto pang talian at gipitin.

Agad naman itong itinanggi ng kanilang butihing tagapagsalita na si Gen. Bartolome. Tulong lamang daw ng industriya ang hiling ng kapulisan para mai-angat naman nang kaunti ang luray-luray nilang imahe.

Ang pelikula ay salamin ng buhay. Bahagi ito ng kulturang Pilipino. Anumang “genre” ng pelikula—comedy, drama o action man—ay nag-papakita ito ng mga bagay-bagay sa ating buhay at kalagayang panlipunan. Sa pelikula, ang ginto ay ginto, ang putik ay putik, at ang kasamaan ay di dapat ilahad bilang mabuti.

In short, habang may pulis na ganid at abusado sa totoong buhay, meron nyan sa movies. E papaano na yung mabubuting mga pulis? Ah yan ang problema ng PNP. Me bugok sa hanay nyo, damay kayo.

Hindi tungkulin ng pelikula at ng media na paguwapohin ang kapulisan at itago ang malalaki nilang tiyan. Kung makakalusot lang naman. Kaya ang aming diskusyun sa pulong na yun ay napunta sa pagsusuot ng tamang uniporme, pulis na may bigote at kalbo. At tamang paglalagay ng mga insignias. He he, ayos ! Yun lang pala e.

Heto na ngayon . Palpak ang unang atake ng PNP. Ang napagbalingan eh yung mga musmos na estudyante. Mga batang artista na may masidhing paghahangad na makagawa ng kanilang pelikula.

Sa isang sulat na aking nabasa ay ini-imbitahan ng PNP ang mga paaralan na sumali sa kauna-unahang PNP Film Festival. Sa sulat na ito ay di binabanggit kung ito ba ay contest dahil wala namang binabanggit na premyo. Ang maliwanag lang ay may nakalaang 25 libong piso para sa lahat ng sasali at mapipili. P25,000 na pelikula ? (Sa Cinemalaya, P500 libo ang grant na kadalasan ay kapos pa). Kahit still pictures ang gagamitin dito, imposibleng magkasya. Ah, bahala nang maghanap at gumawa ng paraan ang mga estudyante. Mag-abono, mag-solicit sa mga pulitiko, at kahit mamalimos matupad lamang ang mithiing makagawa ng sarili nilang pelikula.

Ok lang sana. Talaga namang ganun ang mga artista, me pamamaraan para sa kanilang sining. Pero wag namang gamitin yun ng isa pa namang National Institution para sa kanyang sariling interest.

Maliwanag na “exploitation” yan ! Magpapapogi ka, gumastos ka ! PR Campaign yan eh.

Ang mga Young Filmmaker ang Future ng Filipino Film Industry. Huwag abusuhin !


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/