Dec 18
SCRIPTICISMS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Dec 18, 2009

Noong unang panahon ay tanggap ng mga moviegoers ang mga eksenang out of logic. This may be because the cinema, and later on the tv, was the only means of luxurious entertainment aside from the radio.

Sa slapstick comedy na tumatalsik ang kontrabida pag nasipa ng bida ay pang-karaniwan. Ang mga hindi matapos-tapos na suntukan sa action movies ay pang-karaniwan din. Pati ang suspense na akala mo multo pero hindi pala ay pang-karaniwang natatanggap ng audience.

Pero sa panahon ngayon ng internet ay sadyang matatalino na ang tao lalo na ang mga kabataan. Dapat sigurong maging aware ang mga scriptwriters sa pagsulat nila ng kanilang script sa movies o kahit sa tv.

Tigilan na sana ng mga scriptwriters ang stereotyping dahil nakakasawa na talaga. Matagal na nilang ginawang tanga ang audience kaya dapat baguhin naman nila ang kanilang style of writing to uplift the quality of their scripts.

1. Hideout. Ang salitang hideout na sumikat noong panahon nina Fernando Poe, Sr. ay passe o laos na. Dapat sigurong mag-imbento ng bagong term na katumbas ng hideout ang mga writers.

Ang safehouse ay nauuso na ngayon pero iba ang meaning nito. Ang itinatago sa safehouse ay mga witnesses o mabubuting tao samantalang ang hideout ay taguan ng mga masasamang tao.

2. Lockout from the outside. Nakakita ba kayo ng kuwarto na ang pinto ay puwedeng ma-lock mula sa labas? Uso ang ganitong pintuan noong panahon ni Maruja at Gabriel upang maikulong ng magulang ang suwail na anak, particularly the wayward daughter.

Pero kung gagamitin ang ganyang pintuan sa ngayon ay magiging katawa-tawa na ang eksena. Kahit siguro munting bata ay hindi maniniwala na may ganoong pintuan na puwedeng ma-lock in ang tao at hindi makalabas.

3. Tawang demonyo. In the tradition of Romy Diaz, hindi na siguro nakakatuwang marinig ang tawang-demonyo. Kapag salbahe ba ang tao ay tawang-demonyo? Hindi ba puwedeng tawang-anghel ang kontrabida?

4. Warehouse setting. Kapansin-pansin sa mga lumang pelikula na kapag may illegal transaction ang mga sindikato ay laging warehouse ang setting. Minsan naiisip ko tuloy kung may ganoon ba talagang warehouse na ginagawang kuta ng mga salbaheng tao?

Lalo na sa mga drug deals o bentahan ng mga smuggled guns, parang tanging warehouse lang ang appropriate setting. Actually ang warehouse setting ay isa ring favorite ng mga action movie directors para sa finale ng bakbakan.

5. Pretty Kabit. Ang mga kabit (kept woman) ng bida o kontrabida ay laging kuntodo sa makeup at naninigarilyo (minsan umiinom pa ng alak). Ganoon ba talaga ang mga kabit?

Sabi ng isang movie industry veteran, sa tunay na buhay raw ay bihira kang makakita ng kabit na ganyan. Karamihan daw kasi ng mga kabit ay simple lang mag-ayos at mukhang educated dahil talaga namang educated sila. Hindi na raw totoo yung dinadampot sa night club ang mga kabit ng mayayamang lalake.

6. Stupid Holdaper. Have you seen a holdup scene? Narinig nyo ba ang declaration ng holdaper “Walang kikilos ng masama!” Ilang panahon din na ganito ang standard dialogue sa mga holdup scenes. Ang mga masasama pa ang may ganang magsasabi ng walang kikilos ng masama.

This reminds me of a joke about two assassins waiting for their prey. Sabi nung isa, “Ang tagal ng target natin, dapat dumaan na yun dito by this time.” Sagot ng kasama niya habang sinisipat ang scope ng baril, “Oo nga, wag naman sanang… baka kasi may nangyaring masama sa kanya, wag naman sana.”

7. Lason. Laced with arsenic ang madalas marinig sa mga pelikulang kasing tanda ni Romeo at Juliet. Ito ang eksenang iniinom ang isang baso o kopita na may lamang inumin na may halong lason. Kadalasan pa nga ay mababaligtad ang baso – interchanging of glass – mapupunta ang may lason sa kontrabida.

Totoo kayang ginagawa pa ito? Di hamak sigurong mas realistic ang eksenang nagsasaboy ng asido sa mukha ng tao o ang ginagamit na panghiwa ang binasag na baso. Ang ganitong eksena ay totoong nangyari, kasangkot pa ang isang socialite na apo ng dating presidente ng Pilipinas laban sa asawa ng dating presidente ng Indonesia.

8. Killing scene. Dumating na ang oras ng paghuhukom, nakatutok ang baril ng kontrabida sa ulo ng bida. Pero imbes na kalabitin ang gatilyo ay maglilitanya muna ang kontrabida. Halos buong backstory ay nasabi na ng kontrabida at bago mainip ang audience ay biglang makakakawala ang bida.

9. Courtroom scene. Majority ng provincial folks, lalo na sa Mindanao, ay naniniwalang ang eksena sa court ay madamdamin. Ganun kasi ang napapanood nila sa pelikula. Laging may suspense at twist lalo na kapag ibinibigay na ang hatol.

Napakalaki ng influence ng movies sa Philippine culture. Dapat siguro ay maging maingat ang mga scriptwriters sa paglalagay nila ng mga maselang bagay sa kuwento.

Maraming Pilipino na ang paniwala ay Tagalog ang gamit na salita sa court trial. Akala rin ng nakararami na ang mga abugado ay dapat na nakasuot ng coat and tie o barong Tagalog with matching attache case otherwise hindi sila papapasukin sa korte.

Marami rin ang naniniwala na sa emergency room ng isang hospital ay agad-agad kakabitan ng kung anu-anong tubo ang dying patient. Samantalang sa totoo ay wala namang ginagawa ang mga doctor kundi sipatin lamang ang pasyente.

Bago sana isulat ng scriptwriter ang mga hindi pang-karaniwang bagay ay dapat sana nilang subukan muna. Halimbawa, gaya ng eksenang lalagyan ng lason ang baso ng bida, dapat munang subukan ng writer kung walang amoy ang lason, kung hindi nga makakahalata ang bida.

At dapat din sigurong inumin ng writer ang lason para malaman kung talagang mamamatay nga ang bida kung sakaling mainom niya ito. That way ay magiging realistic ang eksena dahil ang script ay base sa totoong pangyayari.

Goodbye, stupid writer.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/