Nov 20
PINAKYAW NI PACQUIAO by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Nov 20, 2009

Ang huling panalo ni Manny Pacquiao laban kay Miguel Cotto ay isang patunay na si Manny na nga ang best pound for pound boxer sa ngayon, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ang 12th round TKO ay isang record na naitala bilang pang-7 weight division win na wala pang nakakagawa.

With a height of 5 ft. 6 inches, nag-umpisa si Manny sa flyweight division sa timbang na 109 pounds. Habang nananalo ay paakyat nang paakyat si Manny hanggang marating niya ang lightweight division sa timbang na 135 pounds.

At dahil naubusan na ng kalaban sa timbang na yun ay nagdagdag pa rin si Manny ng bigat hanggang makarating sa kanyang laban kay Cotto. Sa timbang na 145 pounds ay isang true welterweight boxer na si Manny.

Bukod sa sinasabing historic fight dahil sa record 7 weight divisions ay naagaw rin ni Manny ang korona ni Cotto bilang WBO (World Boxing Organization) champion sa welterweight division. Pati ang kinita niyang $20 million purse at idagdag pa rito ang pay-per-view income ay record na dahil lagpas 1 bilyong piso.

Malinaw na pinakyaw ni Manny ang mga boxing weight categories at pinakyaw na rin niya ang mga magagaling na boxers sa nasabing iba-ibang timbang. Ang dating champion at undefeated na si Floyd Mayweather ang tanging balakid sa landas ni Manny Pacquiao.

Sa larangan ng showbiz ay bumabandera rin si Pacquiao. Ang una niyang movie starring role ay ang Lisensyadong Kamao noong 2005. Katambal niya si Aubrey Miles at Juliana Palermo. Directed by Tony Bernal.

Ang sumunod ay ang Metro Manila filmfest entry na Anak Ng Kumander noong 2008 kung saan naging leading lady niya si Ara Mina. Directed by Jose “Kaka” Balagtas. Si Manny rin ang producer nito at reportedly umabot ng 25 million ang budget.

Sa darating na Metro Manila filmfest ay lalarga ang Wapacman, ang entry ni Manny Pacquiao na produced ng Solar Films. Makakasama ni Manny rito ang wrestler na si Batista at si Rufa Mae Quinto ang kanyang leading lady.

Hindi maganda ang resulta ng mga movie ventures ni Manny dahil hindi kumita ang Lisensyadong Kamao. Nalugi rin ang MMFF entry niya last year na Ang Anak Ng Kumander. Hopefully ay magiging click sa comedy si Manny Pacquiao at makabawi siya sa Wapacman.

Hindi lang sa movies kundi pati sa tv ay naglalagare rin si Pacquiao. Hindi man mataas ang rating ay buhay pa rin ang sitcom niyang Show Me Da Manny. Katambal niya rito ang tv superstar na si Marian Rivera.

Naging host din si Manny sa isang segment ng Pinoy Records sa GMA-7. Kasama niya si Chris Tiu bilang main host At meron pang balitang bibigyan siya ng bagong tv show ng GMA-7 na siya ring nag-cover ng kanyang last 3 fights.

Napadako rin sa pulitika ang landas ni Manny. Noong 2007 ay tumakbo siyang congressman sa General Santos city. Unfortunately, na-knockout siya ni Darlene Custodio, ang apo ng dating senador na si Gaudencio Antonino.

Sinasabing sa darating na election ay muling tatakbo bilang congressman si Manny. But this time ay sa Sarangani, ang probinsya ni Jinkee. Malaki na raw ang napupuhunan ni Manny sa nasabing probinsya kaya mahihirapan daw ang mga kalaban niya.

Sa totoo lang, pinag-aagawan si Manny ng mga political parties dahil alam nilang malaki ang maitutulong ng popularidad ng Pambansang Kamao. May isa pa ngang nagsabi na dahil sa huling panalo ni Manny ay baka puwede siyang tumakbong vice president under Lakas upang matulungan si Gibo Teodoro.

Tiyak na babaha na naman ang mga product endorsements ni Manny. Siya ang perennial endorser ng Alaxan. Hindi na rin mabilang ang mga tv at radio commercials na nagawa ni Manny simula pa noong sumikat siya.

Pati nga ang nanay niyang si Dionisia Pacquiao ay may mga tv commercials na rin. Ganun din ang asawa niyang si Jinkee. Parang pang-karaniwan tuloy sa pamilyang Pacquiao ang salitang milyon pagdating sa usapang talent fee.

Wala pa ring confirmation ang balitang gagawa ng music album si Pacquiao pero marami na ring press release about this. Amerikano raw ang producer at for international release pa. Si Aling Dionisia naman ay gagawa ng mtv dvd o yung tinatawag na dance album. Pero for local release naman ito.

Hindi lang sa boxing, movies, tv, music, product endorsements at pulitika humahakot si Pacquiao. Kung may Erap jokes dati, ngayon ay Pacman jokes naman ang kumakalat sa internet. Sa pagiging WBO champion ni Pacquiao ay siguradong dadami na naman ang mga Pacman jokes sa mga emails at forums.

Gusto raw ni Aling Dionisia na ang ipa-ngalan sa next baby ni Manny ay hahanguin sa pangalan nilang tatlo – Dionisia, Manny, Jinkee. Kaya bibinyagan ang bata ng Diomanjee.

Ang sagot naman sa Jumanji joke. Nahiya raw si Manny kay Jinkee kaya gusto niya na ang name ng next baby nila ay hahanguin na lang sa pangalan nilang dalawa – Manny at Jinkee. Kaya bibinyagan ang bata ng Mankee.

Sa history ng Pilipinas ay namumukod ang record ni Manny Pacquiao kung kasikatan rin lang ang pag-uusapan. Si Flash Elorde na 7 taong naghari sa junior lightweight ng WBC (World Boxing Council) ay nag-artista rin at ilang movies din ang nagawa. Pero hindi siya naging kasing sikat ni Manny Pacquiao.

Si Rolando Navarette, ang tinaguriang Bad Boy of Dadiangas, na kababayan pa ni Pacman, ay sumikat sa larangan ng boxing bilang bad boy lamang. Hindi niya narating kahit kalahati ng narating ni Manny. In fact, naghihikahos daw si Navarette ngayon at nanatiling bad boy pa rin.

Kung susumahin ang mga achievements ni Manny sa iba-ibang larangan, obvious na multi-talented siya. At obvious rin na pinakyaw na niya halos lahat ng katangian, tagumpay at ang pera.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/