Nov 06
THE OTHER RONNIE by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Nov 6, 2009

Isa sa mga respected action stars natin si Ronnie Ricketts kaya marami ang natuwa nang siya ay hirangin bilang kapalit ni Edu Manzano sa OMB (Optical Media Board). Sabi nila ay malaki ang pag-asa na magiging matagumpay si Ronnie sa kanyang bagong posisyon.

Ayon sa news item sa Manila Bulletin, sabi ni Ronnie na “I would like to involve the youth sector by going on a campus tour and making a music video that will appeal to them.” Ibang approach ang gustong gawin ni Ronnie dahil mukhang hindi nga naman very effective ang puro raid na lang.

Gusto rin ni Ronnie na magkaroon ng involvement si Robin Padilla dahil si Robin ay malapit sa mga kababayan nating Muslim. Malaki rin ang magiging involvement ng sports activities gaya ng basketball na isa sa mga libangan ni Ronnie.

Bilang isang action man, nakausap na pala ni Ronnie si Senator Bong Revilla, ang dating pinuno ng VRB (Video Regulatory Board) upang mahingian ng information at advice. Naka-schedule na rin ang meeting niya kay Edu Manzano, who recently resigned his post as OMB chairman.

art-09nov06-the-other-ronnie-pic.jpg
Ronnie Ricketts during the wake of Atty. Espiridion Laxa

Ang isang katangian ni Ronnie na kahanga-hanga ay ang kanyang advocacy for clean living. Bukod sa hindi pagsisigarilyo at hindi pag-inom ng alak ay itinutulak ni Ronnie ang physical activities gaya ng martial arts at sports lalo na sa mga kabataan.

There was a time na may offer kay Ronnie na gumawa ng cigarette commercial worth P3.5 million pero tinanggihan niya. Dahil dito ay binigyan siya ng parangal ng WHO (World Health Organization) noong 2004.

Tumulong rin si Ronnie sa mga anti-drug campaigns. Pero hindi siya nag-ingay dahil gusto niyang ipakita ang sincerity sa kanyang ginagawa. Hindi raw magandang tingnan yung konting trabaho tapos tambak ang press release.

Hindi alam ng karamihan na si Ronnie ay spokesperson ng Philippine Cancer Society. Hindi cancer survivor si Ronnie o sino man sa kanyang pamilya. Gusto lang niyang makatulong. Sa mga activities ng PCS ay laging kasama niya si Mariz, ang kanyang asawa na isa ring artista.

Ang laging dialogue ni Ronnie sa kanyang mga speaking engagements ay “avoid smoking, eat right and healthy, exercise and live a healthy lifestyle. But most of all, don’t forget to pray.”

Sumulpot sa movies si Ronnie bilang ka-love triangle ni Maricel Soriano at William Martinez sa I Love You, I Hate You noong 1983. Isang simpleng dahilan kung bakit kahilera siya sa billing ng mga lead actors—siya ay boyfriend ni Maricel.

Naging lalong kilala si Ronnie dahil influential sa showbiz people ang kanyang ina na si Edith Naldo Ricketts, isang realtor ng mga high-end properties ang hinahawakan. Madalas maging guest si Edith sa mga talk shows sa tv.

Bukod sa pagiging ramp model ay mahilig rin sa martial arts si Ronnie. Kaya nang hindi siya mag-click sa drama/comedy ay nag-concentrate siya sa action, hindi lang sa pag-arte kundi pati sa paggawa ng stunts.

Matapos ang ilang supporting roles ay naging bida na si Ronnie sa Baril Ko Ang Uusig noong 1985. Leading lady niya rito si Beverly Vergel at kasama rin sina Eddie Garcia at Michael De Mesa. Itong movie na ito ang nagbigay ng inspirasyon kay Ronnie para ipagpatuloy ang pag-aartista sa action movies.

Noong 1987 ay nabigyan si Ronnie ng malaking break ni Bong Revilla, Jr. Ang Sparrow Unit ang nagbigay ng FAMAS nomination kay Ronnie sa Best Supporting Actor category. For FAMAS Best Actor naman ay nakakuha ng 2 nominations si Ronnie sa Tatak Ng Isang Api noong 1990 at Iisa-Isahin Ko Kayo noong 1991.

Bukod sa acting at stunts ay pinag-aralan rin ni Ronnie ang pagsusulat ng script. In fact, kagaya ni Ronnie Poe, ay member din siya ng SGP (Screenwriters Guild of the Philippines) si Ronnie Ricketts.

After more than a decade in the movies ay pinapelan na rin ni Ronnie ang pagiging director. Syempre action ang Madaling Mamatay, Mahirap Mabuhay na siya rin ang bida noong 1996. Si Mariz ang kanyang leading lady. Kasama rin sina Mark Gil, Dindi Gallardo, German Moreno at Edgar Mande.

Taong 2004 ng maglayong tumulong si Ronnie sa pagbangon ng movie industry. Siya ang sumulat ng story at script, siya rin ang director, siya rin ang artista at siya pa rin ang producer ng Mano-Mano 3: Arnis, The Lost Art.

Inaasahang tatangkilikin ng mga mahihilig sa action movies ang Mano-Mano. Si Gwen Garci at Leila Kuzma ang leading ladies ni Ronnie at kasama ang mga character actors na sina Rez Cortez, Ricardo Cepeda, Dick Israel at ang kanyang loyal na alalay na si Dinky Doo, Jr.

Speaking of Dinky Doo, Jr. ipinag-produce ni Ronnie ng concert ang comedian na ito noong 2007. And like Mano-Mano, hindi rin kumita ang nasabing comedy concert pero napatunayan ni Ronnie ang kanyang tunay na pakikisama sa isang kaibigan.

Ang huling movie ni Ronnie bilang artista ay ang One Percent Full na for international release noong 2007. Si Burton Richardson ang writer, siya rin ang director at siya rin ang lead actor na kasama ni Ronnie. Ang ilang local actors na kasama rito ay sina Andrea Del Rosario at Niño Muhlach.

Ang pasikot-sikot sa movie production ay natutuhan ni Ronnie kaya nag-produce na rin siya ng pelikula later on. Ang isa sa advertisement ni Ronnie ay ang kanyang pagiging Most Efficient Line Producer. That means ang budget ng pelikula ay napupunta sa tamang pagkakagastusan.

Ang kanyang Rockets Production ay hindi lang nagpo-produce ng movies. Nagbibigay rin sila ng assistance sa mga foreign movie productions na gustong mag-shooting dito sa Pilipinas, mula sa mga shooting permits, accommodations, unit rentals at pati sa pagkuha ng additional cast and crew.

Sa ilang taong pagiging presidente ni Ronnie ng KAPPT (Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon) ay napatunayan ang kanyang husay sa leadership at sa pamamalakad (management).

Sana ay bigyan natin ng full support si Ronnie sa kanyang bagong papel at siguradong makakaasa tayo na masusugpo ang video piracy. Congratulations po.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/