Oct 30
MGA CELEBS FOR 2010 by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Oct 30, 2009

Habang papalapit ang 2010 presidential elections ay unti-unting lumilinaw ang mga kulay ng mga politicians particularly ang mga taga-showbiz.

Unahin na natin si Joseph Estrada a.k.a. Erap. Kahit nakabitin pa sa alanganin ang kaso niya (kung puwede nga siyang muling kumandidato) ay desidido na ang dating pangulo sapagkat nagbigay na siya ng deklarasyon.

Sa mga huling survey ng SWS at Ibon Foundation (month of October) ay nasa ikatlong puwesto si Erap. Confident siyang tataas pa ang kanyang rating kapag nakumpleto ang kanyang powerhouse senatorial slate na pinangungunahan ni Senate President Juan Ponce Enrile at Senadora Miriam Defensor Santiago.

Ang plus factors kay Erap ay ang kanyang captive voters na karamihan ay mga loyalists niya. Nandyan din si Jinggoy na hindi lang basta senador dahil majority floor leader pa ng senado. Malaking tulong din ang pagiging long-time mayor ng San Juan ang anak niyang si JV Ejercito.

Ang ilang minus factors kay Erap ay ang kanyang mga political enemies gaya ni Senador Ping Lacson at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson. Maselang mga kaso ang paratang ni Senador Lacson kay Erap involving murder.

Sa logistics ay may laban si Erap dahil hindi naman siya namulubi kahit nakulong siya. Kaya lang, baka mahirapan siyang makakuha ng mga sponsors. Ang mga political sponsors ang nagdadala ng campaign expenses. Kaya raw natalo si FPJ noong 2004 ay dahil sa kakulangan ng mga political benefactors.

Sa mata ng isang pangkaraniwang botante, makailang beses mag-iisip kung iboboto pa si Erap. Una, natanggal siya sa puwesto kaya puwedeng maulit ang pagpapatalsik sa kanya. Pangalawa, may legal impediment ang candidacy niya. Pangatlo, wala na ang kanyang mga dating kaalyado gaya ni Danding Cojuangco.

Si Noli De Castro a.k.a. Kabayan ay dating nakabandera sa mga surveys. Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang kumupas ang mga numero niya. Sa latest survey ay hindi na nabanggit ang pangalan ni Kabayan.

Mula sa pagiging newscaster ay napalaot si Kabayan sa pulitika. Nasuwertehang maging senador at nakaupo ngayon bilang bise presidente ng ating bansa. Lahat yan ay utang niya sa telebisyon.

Ang unang minus factor ni Kabayan ay ang kawalan niya ng partido. Totoong independent siya pero guest candidate siya ng administration noong 2004 at siya nga ang vice presidential candidate ni Presidente Gloria Arroyo. Literally ay ka-partido niya si Gloria kahit di man niya aminin.

At dahil matagal na ring wala si Kabayan sa television kaya natabunan na siya ni Karen Davila at Mike Enriquez. Di hamak na mas celebrity si Korina Sanchez ngayon kaysa kay Kabayan.

Pero ang pinakamalaking minus factor ni Kabayan ay ang pagtakbo ni Senator Noynoy Aquino. Malinaw na si Noynoy ang itataguyod ng ABS-CBN ngayon. Paano na si Kabayan?

Sa mata ng pangkaraniwang botante, wala naman talagang ginawa si Kabayan kundi ang magpa-cute sa mga tao. Magaling siyang entertainer pero hindi pa subok ang kaalaman niya sa pagpapatakbo ng bansa.

Maugong ang pangalan ni Edu Manzano bilang senador. May premature announcement nga ang kampo ni Erap na senatorial candidate daw nila si Edu although Edu denied it. Hindi pa man nag-declare pero malaki ang paniwala ng mga tao na itutuloy ni Edu ang pagtakbo bilang senador.

Si Richard Gomez ay nag-declare na tatakbo bilang gobernador ng Ormoc, ang baluwarte ni Lucy Torres. Si Cesar Montano ay nag-declare na ring walang pigil ang pagtakbo niya bilang governor ng Bohol. Matatandaang parehong losing senatorial bets sina Cesar at Richard noong 2007 elections.

Ang plus factor kay Edu ay ang kanyang magandang exposure sa tv. Click ang noontime show niyang Game Ka Na Ba at lalong click ang pinauso niyang papaya dance sa morning show ng ABS-CBN. Malaking tulong din ang good image ng anak niyang si Luis Manzano.

For Richard and Cesar, plus factors ang kanilang good image. Liban sa “babaero” issue kay Cesar, wala naman siyang nasangkutang anomalya. And like Edu, malaking tulong ang good exposure nila sa tv – ang Singing Bee ni Cesar at Family Feud ni Richard plus other tv soap.

Sa mata ng isang pangkaraniwang botante, dapat lang sigurong masu-bukan ang galing ng 3 artistang nabanggit. Sa pananalita pa lang ni Edu ay obvious na may angking talino at litaw ang pinag-aralan. Alam nating naging UP student si Richard at si Cesar naman ay may angking kabaitan pagdating sa kanyang mga kababayan.

Dahil asawa ng mga artista ay maituturing na ring celebrity si Ralph Recto. No need to mention na ang biggest plus factors niya ay ang kanyang asawang si Vilma Santos na expected na ring manalo sa reelection bilang governor ng Batangas.

Si Ralph ay mediocre ang performance sa senate kaya natalo siya sa reelection. Malaking minus factor din ang pagkakadikit ng evat sa kanyang pangalan. Sabi ng mga political analyst na nagkulang si Ralph ng paliwanag kaya ang tingin ng mga botante sa kanya ay pabigat sa buhay.

Pero malaking bagay ang nalaman ng tao na independent-minded pala siya at hindi tuta. Nag-resign si Ralph bilang pinuno ng NEDA (National Economic Development Administration) dahil sa pagtutol niya sa mataas na presyo ng gasolina.

Si Bong Revilla at Jinggoy Estrada ay parehong tatakbo for reelection as senator. Marami ang plus factors nila pero ang kanilang one term sa senate ay malaking tulong sa kanilang forthcoming candidacy.

Ang minus factor kay Jinggoy ay katulad ng sa kanyang amang si Erap. Mga political enemies niya ang magiging balakid sa kanyang political ambition. Si Bong Revilla naman ay marami ring political enemies sa probinsya ng Cavite.

Sa mata ng isang pangkaraniwang botante ay mahirap tanggalin sa listahan si Bong at si Jinggoy. Kahit sabihing hindi naman kapuri-puri ang kanilang naging performance bilang senador ay di hamak naman silang mas maigi kaysa sa mga mukhang mangungurakot o doon sa mga mukhang matutulog lang sa senado.

Ang surprise package ng Philippine politics ay ang pagsabak ni Noynoy Aquino sa presidential race at ang pagbibigay-daan ni Mar Roxas sa kanya. As of late ay si Roxas ang tumatayong vice presidential candidate ng LP (Liberal Party).

Bilang kapatid ni Kris Aquino, si Noynoy ay siguradong susuportahan ng entertainment industry. Bilang anak ni Cory ay tiyak din ang tulong na ibibigay ng mga politicians na naging kakampi ni Tita Cory. At dahil anak siya ni Ninoy Aquino kaya nakasuporta rin sa kanya ang mga die-hard Ninoy admirers.

Sa mata ng isang pangkaraniwang botante, mahirap makahanap ng isang pangulong may sincerity. Mahirap makakita ng pangulong hindi mangungurakot. At lalong mahirap makakita ng kandidatong may iniingatang pangalan – ama at ina na parehong halos bayani ang turing ng mga Pilipino.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/