Oct 16
SA IYO ANG LUPA, SA AKIN ANG LANGIT! by Vincent M. Ragay  |  Posted in Articles  |  on Fri, Oct 16, 2009

Iyan marahil ay magiging isang magandang pamagat ng pelikula, maliban na lang kung may nagawa na ngang ganoon ang pamagat. Isang drama na kinatatampukan ng mga batikang artista tulad nila Susan Roces, Gina Pareño, Maricel Soriano, Joel Torre, Christopher de Leon at iba pa. Ang istorya ay umiikot sa dalawang mayayaman na pamilya sa dalawang magkalapit na bayan—ang isa nagmamay-ari ng isang malawak na hacienda sa kapatagan at ang isa nama’y nagmamay-ari ng isang minahan sa karatig na bundok.

Isang epiko ito na magtatanghal ng buhay ng dalawang magkasintahang mula sa makaribal na pamilya sa mga nabanggit na bayang pinangyarihan ng istorya—tawagin na nating mga bayan ng Balatoc at Pulang Lupa. Nanaig ang pag-ibig ng dalawang batang magsing-irog, di katulad nila Romeo at Juliet na nasawi ang palad. At sa pagdaan ng panahong puno ng pag-aalitan at karahasan sa pagitan ng dalawang pamilya ay nagkatuluyan ang dalawa at siyang nagbuklod sa kanilang mga angkan hanggang sa lumaki ang kanilang mga anak. Ang pag-ibig nila’y nasubukan nguni’t naghari hanggang sa isang araw na nagkaroon ng kanilang pagkakahatihati—ang magkabiyak pati na ang kanilang mga anak.

Ang lalaki marahil ay naging isang relihisong tao at naghangad na maglingkod sa Dios, samantalang ang babae ay naligaw naman sa mga hangaring makamundo—kayamanan, katanyagan at kaaliwan. Langit at Lupa. Pananam-palataya at Kasakiman. Pagtitiis at Kalupitan. Pagmamahal sa kapuwa at Kalupitan sa mahihirap. At dahil pinag-isa na ang dalawang negosyong dati’y magkasinglayo ng, ah, langit at lupa—ano pa nga ba?—muling nabiyak ang mundo ng tahanang minsa’y pinagbuklod ng pag-ibig.

Marahil, ilang ulit nang nagamit and temang ito sa mga pelikula nguni’t ang mga pasikut-sikot ng linya ng istorya ay maaaring bigyan ng mga nakaaaliw na anggulo upang maging makabago at makabuluhan. Kung papaano umabot sa puntong maghahatian na ang mag-asawa ng ari-arian at pati mga anak nila—balik sa pinagmulan—ay magiging puno ng komplikadong pagtatalakay sa tunay na layunin ng buhay ng tao sa lupa at kung ano ang nararapat na pagtuunan ng pansin ng lipunan upang ang mundo ay manatiling mapayapa, nagkakaisa at nagmamahalan.

Ninais kong ilahad ang story line na ito hindi lang dahil sa mga nakita ko sa buhay na naging basehan sa naturang script. Higit pa rito ay ang hangaring maihayag ang mga nangyayari sa larangan ng Sining at maging sa Pulitika. Iwasan ko mang masangkot sa usaping pampulitika, hindi rin maiiwasan dahil, sabi na rin ng isang kaibigan ko, “Kahit patay ka na, ang mga uod ay mamumulitika pa rin sa bangkay mo!” At katulad na ng nabanggit ko sa nakaraang sanaysay, ang Sining sa ngayon ay napasukan na ng Pulitika at di maiwasang darating ang panahon, katulad ng Militar na nabahiran na ng Pulitika sa panahon ng Martial Law, bawa’t kilos ng isang artista o manlilikha—gaano man siya kadalisay sa Sining at sa pamumuhay niya—ay may nakaabang na batas upang ituro sa kanya ang dapat ikilos at isaisip sa tuwina.

Tulad nga ni Big Brother na nakatanaw sa bawa’t kilos ng residente sa tahanan niya, may batas at may mga alituntunin tayong dapat sundin at isa-alang-alang. Ang sinumang pilit na umiwas sa mga itinakda ay, sa ayaw o sa gusto natin, tiyak na mawawala sa isipan ng madla o mamamatay sa gutom. Tulad ni Confucius na itinakwil ng lipunan at naglakbay kung saan-saan hanggang mawala sa Mundo o tulad ni Socrates na pinainom ng lason upang matapos na ang kahibangan sa kaniyang mga turo laban sa lipunan ng Athena, ang maghahangad ng Langit at tiyak na mawawala sa Lupang ito.

Sa Iyo ang Lupa, sa Akin ang Langit!

Ang tanging makapagsasabi sa mga salitang ito ay siyang tunay na nakaaalam sa kahalagahan ng buhay at sa mga bagay-bagay na hindi nakikita. Oo nga’t puno ng pagtitimpi at pagbabata ang ganitong uri ng buhay, nguni’t ito ang tanging susi ng kaligayahan at buhay.

Hindi ba’t ito na rin ang sinalita ng Panginoon bago pa lang nabayubay sa krus? Sa Aking pagtaas ay isasama ko ang sanlibutan. Kaya’t ang sinumang maniwala sa Kanya ay siyang isasama Niya. At ang kasama Niya ay may buhay; ang maiiwanan ay mapapahamak.

Samakatuwid, ang Sining na nakatali sa Mundo ay tiyak na di makararanas ng luwalhati ng Langit. Ang nagpupumilit na maitaguyod ang pamamaraang liko at madilim na gawain ng Mundo ay mananatili sa Mundo katulad ng ating katawan na mananatili at mabubulok sa lupa habang ang espiritu na dalisay ay paroroon sa piling ng Maykapal.

Ang mga ito ay itinuro na sa atin noong nasa elementarya pa tayo, ‘di ba? Nguni’t bakit sa panahon natin ay marami ang hindi sumusunod sa ganitong kaisipan? Bakit ang hirap itanim sa isipan ng karamihan na ang kayamanan o katanyagan ay hindi sukatan ng kaligayahan. Kahit nga ang pelikulang naisip natin ay hindi sapat upang hikayatin ang libu-libong tao na magbago ang puso at isipan dahil ang medium na ginagamit natin ay isang artipisyal na gamit lamang.

Ang pelikula, awit o aklat ay hindi maaaring ipalit sa tunay na karanasan na siya lamang makapagbibigay sa isang tao ng sarili niyang sugat sa katawan, sakit sa puso at balisa sa isipan na siyang gagamitin ng Maykapal upang maituro ang katotohanan at maituwid ang buhay niya. Paglabas natin sa sinehan, dilat and ating mga mata sa paglisan mula sa madilim na bulwagan. Ang mga tenga natin ay pagod sa tining at lakas ng speakers sa loob ng sinehan. At ang puso’t isipan natin ay balisa sa mga nakita at nadinig natin sa panandaliang mga eksena sa telon. Sa lahat ng ito, marami din sa atin ang nag-iisip ng ganito, “Ako ba’y sisikat din o yayaman din balang araw tulad ng mga artistang gumanap sa pelikula?” O, “Sana maganda ako tulad ni Marian Rivera.” Nakalimutan na ang istorya! Madalas ang unang gagawin ay isaayos ang buhok tulad ng mga iniidolong artista o kaya’y bumili ng damit na katulad sa istilo nila.

Kaya nga sila tinawag na mga bituin ay dahil sila ay nasa Langit, kumbaga, at tayo ay nasa Lupa lamang. At sa tindi ng paghihirap ng mga Filipino ngayon, lalo pa silang maghahangad na tumingala sa kalangitan upang makaranas ng kaunting kasiyahan sa gitna ng kahirapan. Ito ang kapalaran ng isang bansang hindi makaabot ang tanaw doon sa dakong likuran ng mga bituing kumukutitap sa telon o kumikinang sa mga pahinang nagmula sa Lupa na siyang instrumento lamang ng Kalikasan upang ang tao ay mabuhay.

Nang umakyat si Kristo, siya’y sinamahan ng libu-libong mga anghel na nangakong siya’y babalik katulad nang Kanyang pag-alis. Tila baga ibinigay sa atin ang Lupang ito nang pansamantala lamang at naparoon sa Langit na siyang dapat Niyang kaluklukan. Sa Inyo ang Lupa, sa Akin ang Langit. Nguni’t maging ang Lupa na ito ay aangkinin Niya dahil Siya ang tunay na May-Ari.

Lahat ay sa Diyos! Lupa man o Langit. Ano ang maaangkin natin? Wala!

Ang tunay na Sining ay ang Sining na likha ng Langit. Ang Kalikasan na siyang unang Kathang-Sining ay unti-unti na nating sinira. At kalakip diyan ang ating buhay na apektado sa lahat nang ginagawa natin sa Kalikasan. Ang likha ng Mundo—ang kaipisan at buhay nating inilaan natin sa Mundo—ay mananatili dito sa Lupa at mapaparam. Ang likha ng Langit—ang wagas na isipan at buhay na inialay natin sa Panginoon—ay magpakailanman.

Langit o Lupa. Pumili ka, kapatid.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/