Sep 16
DA KING OF KOMIKS (Part 2) by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Wed, Sep 16, 2009

LARRY ALCALA (1926 – 2002). Si Larry Alcala ay hindi lang basta writer dahil illustrator din siya. Ang kanyang specialty ay ang pag-drowing ng eksenang maraming tao na pinamagatang Slice of Life tuwing linggo sa mga magazines.

Sumunod si Alcala sa yapak ni Ravelo at Gomez na isalin sa pelikula ang kanyang mga katha. Ang Asyong Aksaya ay ginawang movie ni Chiquito noong 1977 at ang sequel na Awat Na, Asyong Aksaya noong 1979 at noong 1980 ang Eto Na Naman Si Asyong Aksaya. Ang character na Asyong ay nag-iiwan ng aral tungkol sa energy conservation. Si Anjo Yllana ang huling gumanap sa character na Asyong Aksaya.

Taong 1959 nang makita sa sinehan ang Kalabog En Bosyo na tailor-made sa comic tandem nina Dolphy at Panchito. Nagkaroon ng remake ang Kalabog En Bosyo sa movies noong 1986 at ang gumanap ay sina Dolphy at Panchito pa rin. Ang huling version ng Kalabog En Bosyo ay ginampanan ni Janno Gibbs at Dennis Padilla.

Ang matabang super hero na si Siopawman ang unang komiks character na ginawa ni Alcala. Sumikat din ang cartoon strip niyang Barrio Pogspak na hango sa Forbes Park, ang village ng rich and famous. Karamihan ng katha ni Alcala ay nagbibigay ng moral lesson bukod sa pagpapatawa.

Nagtapos ng Fine Arts si Alcala sa University of the Philippines at naging professor din siya doon mula 1951 hanggang 1981. Si Alcala ay hinirang ng PBBY (Philippine Board on Books for Young People) na “Dean of Filipino Cartoonists” dahil sa kanyang lifetime works sa pagdo-drowing. Si Alcala rin ang namuno sa pagbuo ng INK (Ilustrador ng Kabataan) noong 1991.

PABLO S. GOMEZ. Another great komiks writer is Pablo S. Gomez. Hindi lang siya manunulat kundi editor at publisher din. Itinayo niya ang PSG Publishing House noong 1963 na naglabas ng United Komiks, Universal Komiks, Kidlat Komiks, Continental Komiks at Planet Komiks. Incidentally, sa mga komiks ni Gomez nag-umpisa si Carlo J. Caparas.

Ang ilan sa sikat na katha ni Gomez ay ang Kampanerang Kuba at Eva Fonda 16. Ang original na Kampanerang Kuba noong 1973 ay si Vilma Santos na kapareha si Edgar Mortiz. Sa tv version noong 2005 ay si Anne Curtis ang gumanap opposite Luis Manzano (na anak ni Vilma). Ang original Eva Fonda ay si Alma Moreno noong 1976 at sa tv version noong 2008 ay si Cristine Reyes ang gumanap.

Ang ilan pa sa mga sinulat ni Gomez na naisalin sa movies ay ang Petrang Paminta na si Jeanne Young ang nasa title role. Ganun din ang Ang Lahat Ng Ito Pati Na Ang Langit na pinangunahan nina Susan Roces, Dante Rivero at Dina Bonnevie. Si Gomez ang paboritong writer ni Susan para sa mga movies ni Fernando Poe, Jr.

Ang ilang sa mga kuwento ni Gomez na ginawang movie ni FPJ ay ang Pitong Gatang (1959) with Zaldy Zshornack, Kampana sa Santa Quiteria (1971) with Boots Anson-Roa, Eseng Ng Tondo (1997) with Ina Raymundo at Jenny Syquia at Ang Probinsyano (1997) with Dindi Gallardo and Amanda Page.

Ang mga kuwento ni Pablo S. Gomez ay nagbunga ng almost 100 movies na karamihan ay kumita sa takilya. Karamihan sa kanyang kuwento ay drama at love story. Hindi rin mabilang ang kanyang mga nobela sa komiks.

CARLO J. CAPARAS. Si Carlo J. Caparas ay nakilala sa kanyang mga katha sa komiks na pinangungunahan ng Panday, Totoy Bato at Bakekang. Mula sa pagiging security guard ay natutong masulat sa komiks si Caparas sa tulong ni Pablo S. Gomez.

Katulad ng mga komiks writers na nauna sa kanya, dinala ni Caparas ang kanyang mga sikat na likha sa puting tabing.

Ang Panday ay ginawang pelikula ni FPJ noong 1980. Ang mga sequel nito ay lumabas noong 1981, 1982 at 1984 na puro si FPJ ang nasa title role. Ang isa pang naging Panday ay si Bong Revilla noong 1993 na sinundan naman ni Jinggoy Estrada noong 1998. Si Joey De Leon naman ang gumawa ng lampoon na Pandoy: Alalay ng Panday.

Ang Totoy Bato ay isang action character na mahusay sa suntukan. Ginawa ring movie ito ni FPJ noong 1977. Sa remake sa tv version ay si Robin Padilla ang gumanap noong 2009 sa GMA-7.

Ang Bakekang na signature movie ni Nora Aunor noong 1978 ay nagkaroon ng remake sa tv version. Si Sunshine Dizon ang gumanap noong 2006. Ang character na Andres De Saya ay pinasikat ni Vic Vargas at Gloria Diaz noong 1980. At marami namang natawa sa Mong, ang matangkad na tanga na pinapelan ni Bonnie De Jesus, ang 6’8” na basketball player ng Jose Rizal Bombers.

Ang ilan pa sa mga kuwento ni Caparas na ginawang fantasy series sa GMA-7 ay ang Gagambino ni Dennis Trillo noong 2008, Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang na pinagtambalan ni Marian Rivera at Dingdong Dantes ngayong 2009, Joaquin Bordado ni Robin Padilla noong 2008 at Kamandag ni Richard Gutierrez noong 2007.

Sa ABS-CBN naman ay napanood ang Pieta ni Ryan Agoncillo opposite Cherie Gil at Krista Ranillo noong 2007. Taong 2005 nang gawin ni Jericho Rosales ang Panday tv series with Heart Evangelista as partner.

Noong 2007 ay nag-launch ng Komiks Caravan si Caparas upang muling buhayin ang komiks. Nagkaroon ng limang issues ang bagong komiks bago ito tuluyang namatay, for the second time. Ayon sa yumaong Pablo Reyna Libiran, dating komiks editor, hindi viable ang komiks kung 10 pesos ang benta dahil mahal ang imprenta.

art-09sept16-da-king-of-komiks-pic-2-komiks-caravan.jpg
the new komiks that failed to survive

Sa kasalukuyan ay involved si Caparas sa issue ng National Artist. Isa si Caparas sa 4 na pinangalanang National Artist ng Pangulo ng Pilipinas na hindi dumaan sa tamang proseso. Ang tatlo pa ay sina Cecile Guidote Alvarez para sa theater, Francisco Mañosa sa architecture at Pitoy Moreno sa fashion.

Si Caparas ay hinirang na National Artist para sa cinema at visual arts – ibig sabihin na exceptional ang kanyang contribution sa cinema o movies at sa visual arts o painting o drawing o illustration. Ironically, si Caparas ay manunulat lamang ng kuwento at iba ang nagdibuho (drawing) ng kanyang mga nobela sa komiks. Sa pelikula naman ay hindi gaanong malalim ang kanyang mga nagawa na karamihan ay violence ang tema.

Ayon kay Bienvenido Lumbera, National Artist for literature at kasapi sa selection committee ng National Artist, ““[Caparas] was first proposed as a nominee for literature, but the committee rejected him. He was again proposed as nominee for visual artist but the panel again turned him down.”

In other words, rejected pala si Caparas sa nomination pa lamang. Kaya siguro nagtataka ang mga members ng selection committee nang makita nilang isa si Caparas sa nasa final list for this period (2009, the next award will be on 2012).

Sa kabila ng protesta ay ipinagtatanggol ni Caparas ang kanyang sarili na kahit bata pa siya ay deserving naman siya. Kahit ang asawa niyang si Donna Villa ay nagtanggol din na mahusay daw mag-drowing si Caparas kaya may merit siya sa visual arts.

Ang mga National Artists ay sinusuportahan ng CAP (Concerned Artists of the Philippines) at iba pang sector. Si Caparas naman ay kinakampihan ng grupo ni Cecile Guidote Alvarez at ni Manoling Morato, ang dating censor chief at PCSO chairman.

Ayon na rin kay Caparas ay hindi niya ipinapakita sa publiko ang kanyang buhok at mata kaya lagi siyang naka-sumbrero at naka-sunglass dahil iyun daw ay para lamang sa mata ng kanyang asawa. Ang isang katangi-tangi kay Caparas ay siya ang “the only living person” na may street named after him. Sa Pasig City naroon ang C. J. Caparas Street.

Ang tanong ngayon ay kung sino ang marapat na tawaging Komiks King? Ang aming mga tinanong ay nagkaisa ng sagot – dahil sa quality at quantity ng mga sinulat – si Mars Ravelo ang dapat na tawaging Da King of Komiks.

Hindi man komiks writer ay related sa issue ang maikling kuwento about Edgardo M. Reyes. Siya ang author ng nobelang Sa Mga Kuko Ng Liwanag na ginawang movie ni Lino Brocka – Maynila Sa Kuko Ng Liwanag. Naging film director din siya at isa sa movies niya ay Ang Bangkang Papel Sa Dagat Ng Apoy noong 1984 which starred Joseph Estrada.

Scriptwriter din si Reyes at isa sa mga blockbuster niya ay ang PS I Love You na nagtampok sa tambalang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Ang iba pang movie scripts ni Reyes ay ang Atsay ni Nora Aunor noong 1978. Another Nora Aunor starrer was Uod At Rosas noong 1982.

Sa taong ito, 2009, ay awardee si Edgardo M. Reyes bilang isa sa pinakamagaling na manunulat sa wikang Pilipino. Ang parangal ay iginawad ng KWF (Komisyon ng Wikang Filipino) na pinamumunuan ni Joe Lad Santos. Incidentally, si Joe Lad ay hindi lang komiks writer kundi komiks editor pa noong araw.

Dumalo si Reyes sa nasabing araw ng parangal na ginanap sa PICC. Tumayo siya sa podium, hindi upang magpasalamat kundi para magtalumpati dahil guest speaker siya. Regarding the award, nakakagulat na tinanggihan ni Reyes ang tropeong nililok ni National Artist Napoleon Abueva. Pansariling dahilan daw kung bakit siya tumatanggi dahil sa pakiramdam niya ay marami pa siyang “kulang” para tumanggap ng papuri.

Pagdating sa mga parangal ay masasabing tunay na kakaibang tao si Edgardo M. Reyes. Kung sakaling si Edgardo M. Reyes ang nalagay sa katayuan ni Carlo Caparas sa ngayon, si Reyes kaya ay tutuligsain ng mga existing National Artists? Paano namang tututulan kung mismong ang may katawan ang unang tumututol sa parangal?

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/