Sep 09
DA KING OF KOMIKS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Wed, Sep 9, 2009

Noong panahon na ang komiks ay isa sa mga haligi ng Philippine literature, ang mga pangalang lumulutang ay sina Mars Ravelo, Pablo S. Gomez, Larry Alcala, Carlo J. Caparas, Tony Velasquez at marami pang iba.

Sila ang mga nagsihubog sa imahinasyon ng mga kabataang komiks reader. Sila ang nagbigay ng libangan at inspirasyon sa madlang Pilipino upang malagpasan ang kahirapan ng buhay. Sila ang sumulat ng mga fictional characters na naging tatak na ng Filipino culture.

TONY VELASQUEZ (1910 – 1997). Ang pinakauna sa mga immortal na fictional characters sa komiks ay si Kengkoy. In fact, ang word na Kengkoy ay nasa Tagalog dictionary na ngayon na ang ibig sabihin ay mapagpatawa o mapagbirong tao. Si Kengkoy na katambal ni Rosing ay katha at dibuho ni Tony Velasquez.

Ang Kengkoy ay unang nasilayan sa Liwayway noong 1928. Ginawa itong movie noong 1951 at ang komedyanteng si Lopito ang nasa title role. Kasama rin si Dely Atay-Atayan at Virginia Montes.

art-09sept09-da-king-of-komiks-pic-1-kengkoy.jpg
photo from www.arman-komixpage.blogspot.com

Bukod sa Kengkoy ay pinasikat din ni Velasquez ang mga characters na sina Tsikiting Gubat, Talakitok, Talimusak at Ponyang. Si Nanong Pandak na isang mabait na mayaman ang nakasunod sa kasikatan ni Kengkoy.

Si Velasquez rin ang nag-umpisa ng Pilipino Komiks noong 1947 na sinundan ng Tagalog Klasiks, Hiwaga Komiks at Espesyal Komiks sa ilalim ng Ace Publication. Dahil dito kaya tinawag si Velasquez na Father of Philippine Komiks.

Noong 1962 ay itinayo ni Velasquez ang Graphic Arts Service, Inc (popularly known as GASI) na naglabas ng Pinoy Komiks, Pinoy Klasiks, Aliwan Komiks, Holiday Komiks, Pioneer Komiks at Teen Weekly Komiks. Itong panahong ito ang matatawag na golden age of komiks.

MARS RAVELO (1916 – 1988). Ang pinaka-prolific sa mga komiks writer ay si Mars Ravelo. Siya ang may akda ng pamosong mga characters na Darna, Dyesebel, Captain Barbell, Lastikman at Bondying. Siya rin ang sumulat sa mga kuwento ni Maruja, Roberta, Flash Bomba, Tiny Tony at Dragonna pati na rin ang pelikulang nagpasikat kay Boots Anson-Roa, ang Wanted Perfect Mother.

Mula sa komiks ay tumalon ang mga fictional characters ni Ravelo sa movies at later on ay nakita rin ang mga ito sa tv. Sa lahat ng katha ni Ravelo ay namumukod tangi ang Darna pagdating sa movies dahil napakaraming artista ang gumanap sa “coveted role” na Darna at pati na rin ang character na Ding na pinapangarap naman ng mga artistang batang lalake.

Ang una at original na Darna noong 1951 ay si Rosa Del Rosario. Si Manuel Ubaldo ang pumapel na Ding at si Mila Nimfa ang gumanap ng Narda. Si Cristy Aragon naman ang gumanap na mortal enemy niyang si Valentina. Nakakagulat malaman na ang director nito ay si Fernando Poe, ang ama ni FPJ.

Ang ikalawang Darna ay si Liza Moreno noong 1963 sa Isputnik vs. Darna. Ang papel na Ding ay ginampanan ni Danilo Jurado at si Nida Blanca ang gumanap na kontrabidang Isputnik. Sa sequel na Darna at ang Impakta ay si Gina Alonzo naman ang kontrabidang Impakta laban sa tandem ni Liza Moreno at Danilo Jurado.

Sa taong 1964 ay si Eva Montes ang nagsuot ng Darna costume sa Darna at ang Babaeng Tuod na si Gina Alonso pa rin ang kontrabida sa papel na Impakta. Ang character na Narda ay napunta kay Connie Angeles.

Si Gina Pareño ang sumunod na Darna noong 1969 sa Si Darna at ang Planetman. Si Vic Vargas ang gumanap ng kontrabidang Planetman, si Boy Alajar naman ang Ding at ang Narda ay si Gina Alajar. Hindi gaya ngayon na iisa ang gumaganap sa papel na Darna at Narda, ang mga unang Darna ay ibang artista ang Darna at iba rin ang Narda.

Hindi nakaligtas kay Vilma Santos ang Darna character noong 1973 sa Darna, Lipad, Darna. At 3 ang kanyang kontrabida – Gloria Romero bilang Impakta, Celia Rodriguez bilang Valentina at Liza Lorena bilang Babaeng Lawin. Ang child actor na si Angelito ang gumanap ng Ding.

Sinundan ito ng Darna and the Giants kung saan si Divina Valencia ang kalaban ni Vilma. Noong 1975 ay si Rosanna Ortiz bilang Elektra ang nakaharap ni Vilma sa Darna vs. the Planet Women. Si Bentot Jr. naman ang Ding. Ang huling hirit ni Vilma ay ang Darna at Ding noong 1980 kung saan si Niño Muhlach ang gumanap ng Ding.

Another Darna portrayer ay si Rio Locsin. Sa Darna, Bira, Darna noong 1979, ang gumanap ng Ding ay si Romnick Sarmenta. Si Nanette Medved ay naging Darna rin noong 1991 with Atong Redillas as Ding. Sinundan siya ni Anjanette Abayari noong 1994 at si Lester Lansang naman ang Ding. Bukod pa rito ang lampoon na Darna Kuno ni Dolphy noong 1979 with Lotis Key and Brenda Del Rio who both played Darna.

Currently, Darna is enjoying the biggest audience in the television version played by Marian Rivera. Bago ito ay si Angel Locsin ang naging Darna sa television. Parehong sa GMA-7 ang Darna sa television version.

Another big fictional character of Ravelo is Dyesebel which was played by Edna Luna in 1953 with Jaime Dela Rosa as Fredo. Makalipas ang halos 10 taon bago nasundan ito ng Anak Ni Dyesebel. Si Edna Luna at Jaime Dela Rosa pa rin ang bida at nadagdag si Eva Montes bilang Alona, ang anak.

Ang sumunod na Dyesebel ay si Vilma Santos noong 1973. Si Romeo Miranda ang gumanap na Fredo. Kasunod niya si Alma Moreno with Mat Ranillo III as Fredo noong 1978. Taong 1990 ay si Alice Dixson naman ang naging Dyesebel paired with Richard Gomez at ang huling Dyesebel sa movies ay si Charlene Gonzales nong 1996 opposite Matthew Mendoza.

Katulad ng Darna ay nagkaroon din ng tv version ang Dyesebel. Yun ang maiden tele-pantasya ni Marian Rivera. At doon din nagsimula ang matagumpay na partnership nila ni Dingdong Dantes who played Fredo.

Bukod sa mga fictional heroes ni Ravelo gaya ni Lastikman at Captain Barbell ay humakot din sa box office ang kanyang serious stories. Ang Roberta noong 1951 ang nagbigay kay Tessie Agana ng pangalan. Si Julie Vega ang gumanap sa remake ng Roberta noong 1979.

Ang isa sa classic stories ni Ravelo ay ang Maruja. Sa original version noong 1967 ay si Susan Roces at Romeo Vasquez ang mga nagsiganap. Taong 1978 nang ulitin ni Susan Roces ang papel niyang Maruja pero this time ay si Phillip Salvador na ang kanyang leading man at si Lino Brocka ang director. Sa 1996 version ay si Carmina Villaroel at Rustom Padilla ang nasa lead roles.

Pero hindi lang serious stories ang isinulat ni Ravelo. Siya rin ang may akda ng pamosong character ni Dolphy na Facifica Falayfay noong 1969 na si Pilar Pilapil ang kapareha niya. Ang isa pang comedy ni Ravelo ay ang Jack & Jill noong 1954 na pinangunahan ni Lolita Rodriguez at Dolphy bilang isang tomboy at isang bakla.

Pero ang unang comic hit ni Ravelo ay ang Bondying. Si Fred Montilla ang original na Bondying noong 1954 at ang ka-love team niya ay si Elaine Gamboa (mother ni Sharon Cuneta). Noong 1973 ay minana ni Jay Ilagan ang papel sa Ato Ti Bondying. Sa Bondying The Little Big Boy noong 1989 ay si Jimmy Santos naman ang gumanap.

(Itutuloy)

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/