Jul 21
NOONTIME TV SHOWS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Tue, Jul 21, 2009

(First of four parts)

Ang noontime tv ay isang bahagi ng maghapon na may consistency and audience. Hindi ito nalalayo sa tinatawag na primetime tv kaya it siguro ang dahilan kung bakit matindihan ang pagtutunggali ng mga tv stations para sa noontime shows.

Student Canteen. Hindi mabilang ang mga naging noontime variety shows sa local tv pero ang pinakasikat at pinakauna ay ang Student Canteen. Nagsimula bilang radio program sa DZXL noong 1950s sa CBN (Chronicle Broadcasting Network) studio, ang original hosts ay sina Eddie Ilarde, Bobby Ledesma, Leila Benitez at Pepe Pimentel.

Ang format ng show ay patungkol sa mga estudyante pero kahit ang target market ay mga kabataan, ang Student Canteen ay nag-click din sa mga housewife dahil sa informative hosting ni Eddie at Bobby pati na sa humor ni Pepe Pimentel at sa natural charm ni Leila Benitez.

Mula 1957 hanggang 1965 umere ang Student Canteen sa ABS-CBN. Ang legacy ng show ay ang Canteeners o mga tinanghal na champion sa singing contest segment. Ang ilang mga sikat na produkto ng Student Canteen ay si Bert Nievera (tatay ni Martin Nievera) na siyang nagwagi sa Search for Johnny Mathis of the Philippines at si Marco Sison naman ay matagal ding naging Canteener.

Ang isang malaking controversy na nangyari sa Student Canteen ay nang mag-walk out ang mga hosts na sina Eddie Ilarde, Bobby Ledesma at Leila Benitez dahil sa disagreement with management. Ayon sa kasabihang “the show must go on” ay biglaang naging host si Boots Anson-Roa. Katulong niya sa emergency hosting job si Pepe Pimentel, Nelda Navarro at Ben Aniceto (isang sikat na radioman). Hindi nagtagal ay nagtapos rin ang telecast ng Student Canteen.

Sa pagkawala sa tv ng Student Canteen ay nalipat sa pulitika ang career ni Eddie Ilarde. Nagsimula bilang Pasay councilor at nagwagi siyang congressman ng Rizal province. Kasama si Eddie sa nasabugan sa miting de avance ng Liberal Party sa Plaza Miranda noong 1971. Dahil siguro sa sympathy votes ay napasama si Eddie Ilarde sa mga nanalong senador noong elections ng taong iyun.

Taong 1975 nang ipagbili ni Bob Stewart ang Channel 7. Sa pag-take over ng grupo ni Felipe Gozon, Menardo Jimenez at Gilberto Duavit ay ginawa nilang GMA-7 ang dating RBS 7. Mismong ang mga new owners ang nag-alok kay Eddie Ilarde na muling buhayin ang Student Canteen.

From 1975 hanggang 1986 ay nasa bakod ng GMA-7 ang Student Canteen. Si Leila Benitez na nag-migrate na sa US (after the declaration of Martial Law) ay pinalitan ni Coney Reyes at Helen Vela. Ang Program Philippines, production outfit ni Eddie Ilarde, ang producer ng show at host pa rin siya kasama si Bobby Ledesma. They continued with the original format, may singing contest at educational competition.

Sa panahong ito lumitaw ang Eat Bulaga na eventually ay naging mortal na kalaban ng Student Canteen. May nagsasabing nagsawa ang mga tao sa Student Canteen dahil very stiff na ang hosting ni Eddie at Bobby. Ang isa pang nakadagdag sa pagka-turn off ng viewers ay ang pagkutya ni Bobby sa mga contestants na nagkakamali ng sagot sa IQ-7 segment.

Ang mainit na paglalabanan ng Student Canteen at Eat Bulaga ay humantong sa pagpapalitan ng kanilang mga female hosts. Si Coney Reyes ay lumipat sa Eat Bulaga at later on ay naging ka-relasyon ni Vic Sotto. May isang anak sila.

Si Chiqui Hollman naman na co-host nila Tito, Vic and Joey at dating ka-relasyon ni Vic Sotto ay nag-over the bakod naman sa Student Canteen. Pati si Pepe Pimentel na dating host ng Student Canteen ay naging guest host sa Eat Bulaga.

Sa patuloy na pagtaas ng rating ng Eat Bulaga ay pabulusok namang pababa ang rating ng Student Canteen. At hindi na rin napigilan ang pagkawala ng mga sponsors kaya nawala sa tv ang Student Canteen noong 1986.

Sa pagbabalik ng Student Canteen noong 1989 ay kasama pa rin ni Eddie si Bobby bilang host. Co-host nila sina Jean Garcia, Cherry Pie Picache at Atoy Co. At sa segment na IQ-7 ay quiz master ang dating champion na si Ramon Lorenzo. This is the last hurrah ng Student Canteen na inabot lang ng isang taon sa RPN-9 bago muling nawala sa ere, this time ay permanently na ang kanilang sign off.

Bukod sa singing contest (Search for the Student Canteener), ang IQ-7 ang pinakasikat na segment ng Student Canteen. Dito namayagpag ang katalinuhan nina Bong Barrameda (trivia master with several published books), Ramon Lorenzo, Jake Maderazo (dating head ng News and Current Affairs ng ABS-CBN), Romeo Miat, David Oriel, Pete Dadula atbp.

Ang ilan sa mga naging co-hosts nila Eddie Ilarde at Bobby Ledesma ay sina Malou Maglutac, Jackie Lou Blanco, Jorge Javier, Apo Hiking Society, Francis Magalona, Rachel Anne Wolfe (anak ni Annie Brazil), Chat Silayan, JC Bonnin, Benedict Aquino, Jam Morales at Lou Veloso.

“It’s twelve noon, welcome to student canteen,” ang opening spiel ni Eddie Ilarde. Ang mga school banner ay ginawang decoration ng set. Si Tito, Vic and Joey ay substitute hosts kapag wala si Eddie Ilarde o si Bobby Ledesma. Isang personality ang naging kilala sa Student Canteen ay ang pianistang si Amado Pascual na binansagang “bukol.”

Darigold Jamboree. Sa pagsasara ng Student Canteen noong 1965, bago pa man tuluyang nagpatianod sa pulitika ay lumitaw sa MBC Channel 11 si Eddie Ilarde, Bobby Ledesma, Leila Benitez at Bobby Gonzales. Sila ang host ng Darigold Jamboree na patterned sa format ng Student Canteen. Ang time slot nito ay 1:00 to 1:30 pm.

Ang ilan sa hindi malilimutang co-host ng Darigold Jamboree ay si Thelma Kennedy na isang foreigner kaya hindi marunong mag-Tagalog at si Luz Valdez na first time nakaranas ng tv hosting.

Magandang Tanghali, etc. Sa pagkawala sa tv ng Student Canteen noong 1965 ay sumulpot sa tv ang Magandang Tanghali hosted by Pancho Magalona (ang tatay ni Francis M). Katapat nito ang Stop, Look and Listen na hosted naman ni Eddie Mesa (ang father ni Michael De Mesa, Mark Gil at Cherie Gil). Pagpunta ni Eddie Mesa sa Amerika ay nawala ang kanyang show at pumalit dito ang Twelve O’Clock High hosted by Ariel Ureta at Tina Revilla.

Virtual unknown si Ariel at the time, galing siya sa advertising agency. Pero marami ang agad humanga dahil sa gift of gab niya – magaling at mabilis siyang magsalita at meron siyang clean humor. Ang isa pang characteristic ni Ariel na nagustuhan ng tao ay ang kanyang pagiging matalino at well-read.

Si Tina ay dating commercial model at naging Camay Girl na kapalit ng kanyang ate na si Maritess Revilla. Conservative but conversant, maraming naging tagahanga si Tina. Ang tandem ni Ariel at Tina ay nakitaan ng magandang coordination.

Wala pang rating system noon pero ang Twelve O’Clock High ang masasabing number one variety show sa noontime. Nagkaroon pa ng movie si Ariel Ureta na pinamagatang Zoom, Zoom, Superman. Malaki ang kinita sa box office ng kanyang movie kaya namigay pa si Ariel ng papremyo sa audience ng kanilang show.

Sa ngayon, si Ariel ay radio announcer sa DZMM tuwing 10 am, kasama niya si Winnie Cordero. Si Tina Revilla, na mula sa sikat na Revilla family ni Armando Goyena, ay retired na sa tv nang magpakasal kay Serge Valencia.

Sa pagdeklara ng Martial Law ay lumipat ang show sa RBS Channel 7 (owned by Bob Stewart) at pinalitan ang pangalan ng Ariel Con Tina. Hindi nagtagal at nawala rin sa tv ang Ariel Con Tina.

Ang isang trivia kay Ariel Ureta ay nang biruin niya sa show ang Bagong Lipunan motto na “sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Bagong deklara ang Martial Law noong sinabi ni Ariel na “sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan.” Hindi napabulaanan ang kuwentong hinuli raw si Ariel at dinala sa Camp Crame. Ang parusa sa kanya ay ang maghapong pagbibisikleta. (Itutuloy)

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/