Jun 30
LAMPOON KING by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Tue, Jun 30, 2009

Ang lampoon o spoof ay ang paggaya sa isang original. Minsan ay patuya (sarcastic) lalo na kung may political tone pero kadalasan ay sa paraang nakakatawa ang panggagaya.

Si Leslie Nielsen ay isang supporting actor na naging bida dahil sa mga lampoon ng movies. Big hit noong 1980 ang Airplane (Zero Hour) na kung tutuusin ay puro kalokohan (wacky) lang naman ang laman. Although may story rin ang Airplane based sa original movie with the same title, ang flow ng mga eksena ay tungo lang sa mga mga walang habas na pagpapatawa.

Ang most successful lampoon ni Leslie ay ang The Naked Gun. Nagkaroon ito ng karugtong, ang The Naked Gun 2-1/2: The Smell Of Fear noong 1991 at ang Naked Gun 33-1/2: The Final Insult. Ang part 2 ang may pinakamalaking gross na umabot ng 86 milyon dollars ang kinita.

Sa ating mga local na artista ay masasabing si Chiquito ang Hari Ng Lampoon. Born Augusto Pangan, nag-umpisa siya sa sing and dance sa Grand Opera House at later on ay naging permanent fixture sa mga bodabil. Dahil sa natural comedic talent ay naging comedian siya nang pasukin niya ang movies. At dahil sa itinayo niyang production outfit na Sotang Bastos kaya marami siyang nai-produce na pelikula at karamihan ay siya ang bida at ang tema ay comedy.

Ang unang subok ni Chiquito sa lampoon ay ang pelikulang Bulilit Al Capone noong 1962. Hango ito sa mafia story ng gangster na si Al Capone. Kasama niya rito si Berting Labra bilang Little Al, Jose Padilla, Jr. at Gloria Sevilla.

Sa pagsikat ni James Bond ay ginawa ni Chiquito ang James Bandong noong taong 1964. Kasama niya rito si Miriam Jurado, Sylvia Gumabao, Maya Moreno, Josephine Beaty at Pamela Ponti, pawang mga mestisang starlet. Kasama rin si Dulce Lucban, Menggay, Tintoy at Ben Perez. Sa pelikulang James Bandong rin nagkaroon ng record na pinakamahabang halikan dahil inabot raw ng 6 minutes ang kissing scene nina Chiquito at Miriam Jurado.

Ang Magkapatid na Jesse At James noong 1965 ay parody ng cowboy story na Jesse James. Kasama ni Chiquito dito si Nida Blanca, Val Castelo, Stella Suarez at Rodolfo Boy Garcia bilang kontrabida.

Noong 1967 ay dalawang lampoon movies ang ginawa ni Chiquito. Ang Pogi Dozen ay takeoff mula sa Dirty Dozen na naging hit sa America. Bukod kay Chiquito ay puro comedians ang kasama rito gaya ni Tugak, Pugak, Toto, Pabo, Ponga, Tintoy, Joseph Polk, Boyet Mercado, Pepot, Manok at Apeng Daldal.

Mula naman sa TV, ang Wild, Wild West ni Robert Conrad ay kinopya ni Chiquito at naging Wild, Wild Wong. In fairness kay Chiquito, si Mr. Wong ay original character niya. Kasama niya dito si Eva Montes, Nancy Roman at Von Serna (tatay ni Snooky). Another TV hit ay ang Six Million Dollar Man ni Lee Majors, also known as the Bionic Man. Ginawa itong Six Million Centavo Man ni Chiquito kasama si Maria Teresa Carlson, Dave Brodett, Martin Marfil at Tintoy.

Ang success ng Mr. Wong at Jesse James ay muling pinagkakitaan nang gawin ni Chiquito ang Mr. Wong Meets Jesse & James noong 1982. Kasama ni Chiquito sa lampoon movie na ito si Anna Marie Gutierrez, Bibeth Orteza, Tintoy at Paquito Diaz bilang kontrabida.

Back in 1965 ay umugong ang Robin Hood kaya ginawa ni Chiquito ang Titong Robin Hood. Ang “Titong” ay galing sa tunay na nickname niya na Tito. Kasama niya dito si Imelda Ilanan (mother ni Maricel Laxa), Vicente Liwanag, ang matabang komedyante, at si Ruby Regala (mother ng character actor na si John Regala).

Taong 1965 pa rin ng gawin ni Chiquito ang Mr. 8 Ball na mula sa original na Thunderball. Pero sa title lang ang tatak ng lampoon dahil billiards ang tema ng kuwento dahil si Chiquito ay mahilig at magaling sa larong bilyar. Kasama niya rito ang dalawang Eva, si Eva Montes at Eva Darren (later on played the role of Darna) at Rodolfo Boy Garcia.

Noong 1970’s ay sunod-sunod na ang lampoon movie ni Chiquito. Sinbad The Tailor na mula sa Sinbad The Sailor, kasama niya ang Camay Girl na si Maritess Revilla (anak ni Armando Goyena at nanay ni Bianca Araneta), Romy Diaz, Johnny Monteiro at Yoyoy Villame.

Ang Si Samson At Si Delilah na hango sa Bible ay kumita rin noong 1972. Kasama ni Chiquito si Pilar Pilapil, Desiree Destreza, Romy Diaz at Bentot. Another Bible story noong taong 1972 pa rin ay ang David At Goliath. Kasama rito si Max Alvarado, Eddie Garcia, Roderick Paulate at Maya Valdez. Isa pang Bible character ay ang Herkulas noong 1977. Kasama ni Chiquito rito si Jean Saburit, Ruel Vernal, German Moreno, Tintoy, Freddie Yance at Bella Flores.

Hindi nakaligtas sa lampoon ang kasikatan ni Meng Fei, isang Chinese Martial Artist. Ang The King Boxer ni Meng Fei ay ginawang Iking Boxer ni Chiquito noong 1973. Coincidentally, kasama ni Chiquito rito si Elizabeth Oropesa (naging asawa ni Meng Fei sa tunay na buhay), Liz Tiquia at Rodolfo Boy Garcia.
Ang isa pang Chinese na hindi pinaligtas ni Chiquito ay si Jacky Chan. Ang Drunken Master ni Jacky Chan ay ginawang Lasing Master. Kasama ni Chiquito rito si Nida Blanca.

art-09june30-lampoon-king-pic.jpg
photo from photobucket.com/image/chiquito/irvindomingojr/chiquito1.

Sa pagputok ng ET (sci-fi story ng isang alien) ay hindi nagpahuli si Chiquito. Ginawa niya ang ET – Estong Tutong. Kasama niya rito ang mga sexy stars na sina Anna Marin at Chona Castillo. Kasama rin si Tintoy, Dick Israel, Bella Flores, Joseph De Cordova, Venchito Galvez at ang Tatlong Itlog.

Ang pagsikat ni Sylvester Stallone ay pinakinabangan din ni Chiquito dahil kumita ang kayang High Blood na hango sa First Blood ni Rambo. Kasama niya rito si Nova Villa, Maria Teresa Carlson at ang legendary sex symbol na si Pia Moran.

Sinundan ito ng Rocky Tu-Log, hango sa isa pang Stallone movie na Rocky 2. Kasama niya rito si Janet Bordon, Nova Villa, Tintoy, Dencio Padilla, Martin Marfil, Rody Manlapaz at Moody Diaz. Bilang sequel ay Rocky Four-Ma ang kasunod nito noong 1986. Kasama rito si Nova Villa, Panchito, Elsa Agana, Rosemarie Gil, Tintoy, Harlene Bautista, Tom-Tom at Paquito Diaz.

Ang isang memorable at malaking production ni Chiquito ay ang The Arizona Kid noong 1970’s. Lampoon ito ng cowboy movies na sa America ang location shooting at kasama niya ang Hollywood sex symbol na si Mamie Van Doren.

Source of some info: Video48

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/