Oct 27
TELEPLAY TAPING BLUES by Salvador Chua  |  Posted in Articles  |  on Wed, Oct 27, 2004

“Four, three, two, rolling!” malakas na sigaw ng Assistant Director bilang hudyat upang magsigalawan ang mga artista sa harap ng 3 camera. Hindi ko marinig ang mga dialogue ngunit naire-record ito ng malinaw dahil naka-lapel mike ang mga artista. At kahit umaga ay nakasindi ang ilang malalaking kleig lights. Ang production crew na pawang magagalang at maliliksi ay nakaabang sa mga senyas na nagmumula sa Assistant Director.

Madamdamin ang eksena. Malungkot ang mukha ni Cris Villanueva sa pakikipag-usap sa isang dalaga na hindi ko nakuha ang pangalan. Nakaharap sila sa isang lumang bahay na nilagyan ng “14” bilang numero. Ang dalaga ay tumalikod at umiyak. Nakapako sa pagkakatayo si Cris. Sa tingin ko ay parang natural ang kanilang pag-arte.

Pagkatapos ng take ay biglang lumitaw sa kung saan ang Director. Nilapitan niya ang dalaga sa katatapos na eksena at muling ibinalik sa puwesto. Makalipas ang kapirasong pep talk ay muling naglaho ang Director. Ilang sandali pa at sumigaw na ulit ang Assistant Director. Muling umindayog ang mga camera para sa second take o take two. Mukhang nakuha na ang acting na gusto ng Director dahil sinalubong ng tissue paper ang dalaga sa eksena na tuloy pa rin ang pagtulo ng luha habang pinapanood sa monitor ang katatapos na take.

Ang taping ay sa isang looban sa Sta. Ana, Manila. Umangkas ako sa isang supporting actor na may minor role. Halos eksakto lang ang dating namin sa call time na 9:00 am. Agad sumalubong ang caterer at inalok kami ng pagkain. Sa pagdatingan ng ilang artista ay masyado akong nalibang kaya hindi ko namalayan ang pagsulpot ng Director para sabihing ihanda na ang pananghalian. Parang piging ang dating ng sinigang na bangus, lechon kawali, lumpiang shanghai at fruit salad. May mineral water pa nga. Taliwas daw ito sa standard food fare ng shooting o taping dahil galante lang daw ang Koreanong producer.

May 2 OB vans sa kalye at isang truck ng generator na pinanggagalingan ng mahahabang kable ng kuryente. Habang nagte-take ay nasa OB van ang Director para i-monitor kung maganda ang rehistro ng mga artista sa camera. Kaya pala ang Assistant Director ang pumapapel sa set. At kung sakaling hindi pasado ang eksena sa panlasa ng Director, nagkakaroon ng retake.

Medyo naantala ang taping ng ilang eksena dahil sa ingay na nagmumula sa katabing paaralan pati na sa madalas na pagdaan ng mga sasakyan sa katabing kalye. Ang mga tao sa looban ay tahimik lang na nakamasid. Kapansin-pansin ang pagdaloy ng mga pagkain mula sa caterer na umaabot pati sa mga kamay ng taong taga-looban. Mabait nga siguro ang producer, isang Koreano na 20 taon na rito sa Pilipinas. Wika ni Mr. Jang, “This film is for the glory of God.” Malaki ang tiwala ng nasabing producer sa writer na si Gina Marissa Tagasa kaya si Gina na rin ang ginawa niyang Director.

Matapos ang 9 na oras na paghihintay ay tinawag na rin ang kasama kong supporting actor para sa take. Pati ako ay pinaupo sa tabi ng nakahilerang mga extra na sa pagkakarinig ko ay 500 pesos ang ibabayad sa kanila. Halos isang minuto lang ang take at pack-up na kami ng kasama ko. Ang taping ay tuloy pa rin hanggang 12:00 ng gabi. Ganoon daw talaga ang taping, parang laging naghahabol sa oras. Pero palagay ko ay dahil na rin sa bayad sa mga artista na karamihan ay arawan o per day.

Bale 4 na araw inabot ang taping na ginawa sa iba-ibang lugar ng Metro Manila. Sana ay maging matagumpay ang teleplay upang mawili naman ang mga producer na dayuhan. Maraming trabaho ang naibibigay ng isang production, magmula sa crew, sa bida, sa mga supporting actors at lalo na sa mga extra. Naalala ko tuloy na extra nga pala ako at hindi ko pa nakukuha ang 500 na bayad para sa pagiging dekorasyon ko sa isang eksena.


“Gina Marissa Tagasa with Mr. Jae Jung Jang”

Editor’s Note: ANG LAGUSAN is a touching story of a prodigal son whose personality was changed by a mysterious event. Produced by White Windows, the teleplay was written and directed by Gina Marissa Tagasa. ANG LAGUSAN will be shown soon on GMA-7.

Addendum: SA KANDUNGAN (Heaven’s Cradles), a digital film of White Windows was nominated by the CMMA side by side with Mano Po, Crying Ladies and Filipinas. And recently it was included in the NEW YORK International Independent Film and Video Festival. SA KANDUNGAN was written and directed by Gina Marissa Tagasa.