Apr 22
TAYONG DALAWA RAW by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Wed, Apr 22, 2009

Kadalasan, ang script ng isang local TV soap ay dumadaan sa napakaraming revisions o pagbabago. Simula sa napagkasunduang kuwento ay isusulat na ng mga writers ang script. Pero bago pa man matapos ang shooting ng isang linggong episode ay tiyak na marami nang kaibahan sa original na kuwento ang kasunod na linggong episode.

Isang magandang halimbawa ang Tayong Dalawa ng ABS-CBN. Ang weekday primetime at high-rating soap na ito ay may magandang concept, interesting na plot at sensible na istorya.

Pinangungunahan ni Gerald Anderson at Jake Cuenca bilang magkaibigang JR at Dave, hindi nila alam na magkapatid pala sila sa amang si David. Contrast ang magkapatid dahil mayaman sina Dave na anak ni Ingrid (Agot Isidro) at mahirap naman sina JR na anak ni Marlene (Cherry Pie Picache). Pareho silang may lola – Gina Pareño kay JR at si Helen Gamboa kay Dave. Sa ugali ay contrast din sila dahil si Dave ay impulsive at si JR naman ay passive.

Suspenseful agad ang daloy because of the fact na hindi nila alam ang kato-tohanan ng kanilang katauhan. Idagdag pa rito ang love triangle nilang dalawa kay Kim Chiu bilang si Audrey na anak ng isang negosyanteng Chinese. Halata namang nama-magnet ni JR si Audrey kahit si Dave ang boyfriend ng dalaga.

Ang ilan pang ingredients na nagdagdag ng kulay ay ang mahiyaing Kuya Ramon ni JR (Coco Martin), ang kaibigan nilang si Greta (Alessandra De Rossi) na isang GRO at si Jodie Santamaria bilang smart na tiyahin ni Audrey. Ang kuripot na lola ni Audrey ay pinapapelan ni Anita Linda.

Ang setting sa Fort Del Pilar sa Baguio City para kay Dave at JR, bilang mga kadete ng PMA (Philippine Military Academy), ay lalong nagpatingkad sa kuwento. Ang audience ay nagkaroon ng insight sa buhay ng isang kadete. Hindi lang mga parada ang naipakita kundi pati mga panuntunan at kalakaran sa loob ng academy. Syempre kasama na rin ang mga magagandang tanawin ng City of Pines.

Ang unang mabigat na twist ay ang pagkakakulong ni Marlene dahil sa kagagawan ni Helen Gamboa. Pero hindi ito naging dahilan para masira ang friendship ni JR at Dave. Enjoy pa rin ang audience sa development ng magkaibigan sa pag-aaral nila sa PMA at pati na rin sa mga pakilig at pahaging ng parating na unawaan nina Audrey at JR.

Maganda rin ang pag-develop ng mga subplots. Si Greta ay ipinakilalang girlfriend ni JR kay Dave para maalis ang hinala na may gusto si JR kay Audrey. Hindi alam ni JR na naging customer ni Greta si Dave sa bar na pinapasukan.
Si Ramon ay napasapi sa mga masasamang loob habang ang pamilya ni Audrey ay nag-kakaproblema sa pera.

Sa pagpasok ni David sa eksena, bilang ama ng magkaibigan, ay sunod-sunod na ang mga twists. Very ironic ang revelation dahil parang mortal enemies sina Marlene at Ingrid although very kontrabida ang dating ni Ingrid at katulong pa si Helen na isang scheming devil. Napakaganda ng tagpo nang malaman ni JR at Dave na sila pala ay magkapatid sa ama. Lalong naging matibay ang kanilang suporta sa isa’t isa. Ngunit sandali lang ang magandang tagpo dahil namatay si David. Nabaril siya ng grupo nina Ramon.

Sa paghukay ng mga dokumentong naiwan ni Dave ay lumitaw na nauna niyang pinakasalan and dating GRO na si Marlene kaysa sa socialite na si Ingrid kaya, lingid kay Marlene, ay siya pala ang legal na asawa. Itong situation ni Marlene ay isang example ng tinatawag na “dramatic irony” kung saan ang lihim ay alam na ng audience pero hindi pa alam ng character.

Sa paglipas ng pagkaulila kay David ay nadisgrasya naman si Dave sa isang military operation. Naiwan siya sa bundok na pinagkukutahan ng mga rebelde.
At kahit pira-pirasong unidentified body parts ang na-recover ay nadeklara pa ring patay na si Dave.

Pero unti-unti nang lumilitaw ang mga scripting problem. Sa puntong ito ay halos sigurado na ang audience na buhay pa si Dave. Expected na rin ng audience na makakabawi si Marlene kay Ingrid. Pero sa pagkakakuha ng konting mana ni Marlene ay hindi expected ng audience na magiging smart ang dating napakatangang GRO. Madalas niyang mabara o matalo sa argumento si Ingrid.

Sobra ang ingat at suporta ni Helen sa anak niya dahil si Ingrid ay isang psychotic. Pero sa kabila ng double whammy – namatay ang asawa at anak – ay hindi pa rin nabaliw si Ingrid.

Ang pamilya naman ni Audrey ay batbat din ng problema. Lugi na nga sa negosyo ay namatay pa ang nanay ni Audrey sa panganganak. At nang malaman ng tatay ni Audrey ang tungkol sa kanila ni JR ay ginamit ang bunsong anak laban kay Audrey. Bilang suporta ay laging nasa tabi ni Audrey si Jodi na kapatid ng namatay niyang nanay.

Ayon sa isang script analyst, ang nangyayari sa kuwento ng Tayong Dalawa ay very common sa isang long running soap. Nalilihis na ang direction ng kuwento at ang mga twists ay nagiging pilit na. Sooner or later ay mahahalata na ng audience na niloloko na sila ng scriptwriter.

At dahil patay na raw si Dave kaya nagkaroon na ng kalayaan ang mga kalooban nina JR at Audrey. Kaya lang, sigurado na naman ang audience na temporary lang ang happiness ng mag-sweetheart dahil anticipated na ang muling paglitaw ni Dave. At hindi nga na-disappoint ang audience.

Bukod sa pilipit na takbo ng istorya ay may mga eksenang halos imposible na.
Si Greta na isang bar dancer ay may gusto kay JR kaya gumagawa siya ng paraan para paghiwalayin si JR at Audrey. Si Audrey naman ay napipilitan na ilihim ang tungkol sa kanila ni JR dahil empleyado siya ni Ingrid (sa negosyo nilang grocery). Sa harapan ni Ingrid ay halos ibuko ni Greta si Audrey, “Hindi nami-miss ni Audrey si Dave dahil may sikreto yan.”

Si Ramon na napakamahiyain at hindi palakibo ay bigla na lang naging leader ng isang gun running syndicate. Ang dating gang leader na pinapelan ni Baron Geisler ay napatay ni Ramon at ng kanyang dalawang kasama. Pati si Jiro Manio, nakababatang kapatid ni Audrey, ay nagsa-sideline na runner ng sindikato nina Ramon.

Ang mga ganitong connections ay mahirap ding tanggapin ng audience. Para bang isang stage play na lahat ng artista ay gustong gamitin at sagarin. Hindi imposibleng maging empleyado rin ng grocery si Jodi pero bakit nga ba nagkaganoon? Obvious na wala na kasing maisip ang writer.

Sa inaasahang pagbabalik ni Dave sa eksena ay walang nagulat na buhay pa pala siya at naging bihag lang siya ng mga rebelde. Syempre nasira na naman ang love story nina JR at Audrey. Dagdag pa rito ang pagpipilit ng ama ni Audrey na pakasalan ni Audrey si Dave upang maligtas ang kanilang pagkalugi sa negosyo.

At parang ulam na hinahalo, nasahugan ng matinding sub-plot ang kuwento. Mga rebeldeng ka-deal pala ng grupo ni Ramon ang naka-engkuwentro at nakadakip kay Dave. Ang papeles ni Marlene sa US Embassy ay pinakikialaman ni Helen para si Ingrid ang magpanggap na Marlene.

At dahil mataas na ang rating ng Tayong Dalawa kaya malamang na-pressure na talaga ang mga writers. Siguro ay hiningian sila ng mas matitindi pang develop-ment ng plot kaya napilitan tuloy ang mga writers na isulat ang mga hindi dapat isulat. Ang mga sumunod na twists ay posibleng mangyari sa totoong buhay pero mahirap tanggapin ng audience dahil hindi na talaga realistic.

Lumilitaw na si Dave at JR ay anak ni David Garcia kay Marlene. Ang sanggol na si Dave ay parang napunta lang kay Ingrid para masabing may anak siya. Fraternal twins pala si Dave at JR. Kung sabagay ay sa umpisa pa nga lang talaga ay obvious na ang butas ng kuwento dahil parehong David Garcia, Jr. ang pangalan ng magkaibigan na naging magkasama pa sa PMA. Pero inabot pa ng matagal bago nila nalaman ang katotohanan. Hindi ba’t natural namang maghanapan ng connection ang dalawang tao na pareho ang apelyido? Kahit sabihing common ang Garcia eh pareho naman silang junior.

Ang isang fiction ay tinatanggap ng audience dahil sa entertainment. Pero may limitation ang suspension of disbelief. Kapag napapasobra na ang twist at mukhang imposible na ay napapailing na ang audience. Katulad ng mga true stories, may mga kuwentong nangyari at natapos sa loob ng 24 oras. May mga kuwentong nangyari at natapos sa loob ng 24 na taon. Pero ang pangyayari ay dumaloy ng natural at hindi pinilit lamang.

Dumarating ang panahon na dapat nang tapusin ang kuwento. At kapag dapat nang tapusin ay tapusin na.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/