Mar 25
BANKABLE STARS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Wed, Mar 25, 2009

May kasabihan ang mga producers na “there’s no such thing as a formula movie.” Walang guarantee kung kikita ang movie o kung malulugi ito.

Sa panahon noong araw—na umaabot ng mahigit 200 movies ang naipo-produce at naipapalabas sa loob ng isang taon—until now ay walang makapagsasabi kung ano ang talagang nagugustuhan ng mga moviegoers.

May action movie na dinumog ng tao at merong action movie na halos walang nanood kundi ang mga may hawak lang ng passes. May drama na nilangaw at may drama rin namang iniyakan ng mga tao sa sinehan. May comedy na tinawanan at may comedy na iniyakan ng producer.

Siguro ang tanging bankable lang na matatawag ay ang love team at rivalries ng mga artistang tulad ni Nora Aunor at Vilma Santos, kasama na sina Susan Roces at Amalia Fuentes. Ang nagdadala ng benta ng kanilang movies ay ang mga fans na halos lahat yata ay moviegoers. Tuwing first day ng mga pelikula nila ay nakapila na ang kanilang mga fans na minsan ay may dala pang streamers.

Kahit sabihing hindi madali ang mag-promote ng movies noong araw (dahil wala pang internet at konti pa lang ang may television) ang word of mouth ay very reliable. Hindi lang hinihintay ang movies na yun kundi mismong mga fans ang nagkakalat ng balita na maganda ang movie ng kanilang idolo. At nagiging sensational ang isang movie kapag may mga fans na nag-away sa loob ng sinehan.

Sa panahon ngayon na mahina na ang movie industry ay lalong nahihirapan ang mga producers sa paggawa ng pelikula. Mas mahirap isipin kung ano ang formula para ang movie ay kumita. Despite the presence of technology ay walang nakakasiguro sa kikitain ng isang movie. Ilang MMFF entries ang hindi kumita ng mga nakaraang taon? Even Baler na siyang nanalo ng Best Picture ay hindi man lang nakabawi sa puhunan.

The other year ay ganun din ang kapalaran ng Magkaibigan na pinangunahan ni Sen. Jinggoy Estrada at Lorna Tolentino. May nagsasabi nga na siguradong kikita ang Magkaibigan kung iba ang ginawang lead star. On the other hand, ang Baler ay may sikat na leading lady at leading man na parang love team na rin dahil love story ang tema. Pero bakit hindi kumita?

Ang love team mentality ng mga fans ay nagmumula sa charisma ng leading lady. Pero kailangan ang magandang support ng leading man. Hindi raw kinagat ng mga tao ang Love Me Again na pinagbidahan ni Angel Locsin at Piolo Pascual dahil wala raw chemistry ang lead stars. To consider na may sariling fans si Angel at may sarili ring fans si Piolo, siguro nga ay hindi appropriate ang kanilang team up.

Hindi nakapagtataka kung kumita man ang When I Met You ni KC Concepcion at Richard Gutierrez. Since produced ng GMA Films kaya full blown ang promotion sa GMA-7. Pero short of expectation ang kinita ng nasabing movie dahil hindi raw nakalagpas sa 100 million. Mas malaki ang kinita ng first movie team-up ni KC at Richard na For The First Time na gawa ng Star Cinema.

Wala naman sigurong kinalaman ang producers. Mas marami ang nagsasabi na tila nagsasawa na ang mga tao sa tandem ni KC at Richard. Obvious naman kasing pang-pelikula at pakilig lang sila. Mas may dating siguro kung nagsahog sila ng bagong artista gaya ng mga upcoming comedians.

On the contrary, alam din ng mga tao na pampelikula at pampakilig lang ang love team ni Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz. Pero ang A Very Special Love ay napakalaki ang kinita kaya binansagan agad si Sarah na Box Office Princess. Ang sequel na You Changed My Life ay walang pinagkaiba ang dami ng nanood. Kaya confirmed hit maker na si Sarah.

Noong una ay curious ang tao kung talagang may galing sa acting si Sarah. Pero nagustuhan yata ang pairing nila ni John Lloyd. Mapapansin na parehong clean image sina Sarah at John Lloyd. Maganda raw ang chemistry nina Sarah at John Lloyd dahil naiba ang screen partner ni John Lloyd habang si Sarah naman ay hindi puro kanta lamang. At this early ay may plano na para sa 3rd movie nina Sarah at John Lloyd.

Ang isa pang certified love team ay sina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Although mababa ang rating ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang ay malamang na mag-hit kung gagawa sila ng movie. Ang pagiging mataray o suplada image ni Marian ay lalong nakadagdag sa dami ng kanyang fans. Ang pagkahiwalay naman ni Dingdong kay Karylle ay positive din ang epekto sa movie career ni Dingdong.

Ang isang premise na magandang pag-isipan ay kung sakaling pagsasamahin sa isang movie si Sarah, Marian, Angel at KC. Kahit siguro walang leading men ay tiyak na bebenta ang kanilang movie dahil hindi puwedeng pabayaan ng mga tao ang ganito katinding casting ng isang movie. Lalo na siguro kung maganda, malalim at makabuluhan ang istorya.

Considering the stature of the four stars, makayanan kaya ng production ang mataas na talent fee? Noong isang taon ay may tsismis na kumalat. Inaalok daw si Sharon ng 100 million para gumawa ng movie opposite Gabby Concepcion. For delicadeza purposes ay tumanggi si Sharon. Walang confirmation kung totoo ito o hindi. As for the talent fee ng mga big stars, walang estimates na makuha dahil puro confidential ang mga figures.

How about a rivalry among the four of them? KC versus Marian? Angel versus Sarah? Puwedeng ibalik ang panahon ng mga movie fans noong araw. Madali namang mag-organize ng fans club lalo na ngayon sa panahon ng internet. Naglipana ang mga yahoo groups ng iba-ibang fans club. Nakakagulat ngang malaman na si Susan Roces pala ay may 2 pang fan website. At may mga forum kung saan mababasa ang post ng mga fans ni Manilyn Reynes.

Pahirap nang pahirap ang movie industry as a whole. Pakonti nang pakonti ang mga mainstream movies. Kung magkakasundo ang malalaking tv networks na pagsamahin ang kanilang mga big stars, at kung papayag ang nasabing mga big stars na gumawa ng isang monumental movie, maaaring maging susi ito ng muling pagbangon ng movie industry. Baka muling makuha ang interes ng mga moviegoers. Baka muling pilahan ang first showing ng mga local movies.

Ang nakakatuwang isipin ngayon ay ang pagkakaroon ng mga so-called bankable stars. Kahit paano ay meron pa rin tayong mga artista na hahatak ng mga moviegoers papasok sa mga sinehan. Sana ay mas lalong ma-utilize ang ating mga bankable stars para sa ikauunlad ng movie industry.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/